Kahalagahan at benepisyo ng pagpapasuso ng sanggol
Ang gatas ng ina ang pinakamasustansyang gatas na maaari mong ibigay sa sanggol upang lumaki itong malusog at hindi sakitin. Bagamat may mga nanay na nahihirapan sa pagpapasuso ng sanggol kung kayat sila ay napipilitan na gumamit ng milk formula. Ngunit kung ikaw ay sagana naman sa gatas bago ka pa lang manganak mas piliin mo na pagpasuso sa iyong sanggol para sa benepisyo na inyong makukuha dito. Sabi nga nila "Breastmilk is the best for babies". Ito rin ang gatas na inererekomenda ng World Health Organization(WHO) dahil ito ay kumpleto at may sapat na nutrisyon upang makatulong sa sanggol hanggang sa kanyang paglaki.
Mga sangkap ng gatas ng ina
Ang kauna-unahang gatas ng ina ay tinatawag na colostrum. Patak-patak lamang at limitado ngunit ito ay sapat at eksakto lamang para sa sanggol. Taglay nito ang mga pangunahing sustansiyang panangga ng katawan ng sanggol laban sa maraming uri ng sakit dahil nagpapatibay ito ng kanyang buto, baga, at tiyan upang mapigilan ang iba’t-ibang uri ng impeksyon, allergy, at pagtatae.
Ang breastmilk ay may taglay na fats, protina, carbohydrates at minerals tulad ng calcium, phosphorus, sodium at potassium. Bukod dito, mayroon din itong panlaban sa sakit tulad ng IgA at IgG na espesyal na sangkap ng breast milk na wala sa kahit na mamahaling formula milk.
Napatunayan din sa pag-aaral na nagbabago ang gatas ng ina ayon sa pangangailangan ng sanggol lalo na kapag ito ay may sakit. Nakakamangha ang ganitong bagay kaya dapat bilang ina pilitin natin na magpasuso para sa kalusugan at kaligtasan ng ating sanggol.
Mga benepisyo para sa sanggol
1.) Ayon sa pag-aaral mas maganda sa kalusugan ng sanggol ang gatas ng ina kumpara sa cow's milk at mga formula milk.
2.) Ang gatas ng ina ay may sangkap na antibodies tulad ng IgA at IgG na nagpapalakas ng immune system ng bata upang makaiwas sa sakit katulad ng pulmonya at pagtatae.
3. Ang unang gatas ng ina o ang tinatawag na colostrum ay napakasustansya. Ito ang nagsisilbing panangga ng sanggol para hindi siya tamaan ng bacteria, allergy, at impeksyon
4.) Mas matalas ang isip ng bata na sumususo sa ina. Ayon sa pagsusuri, tataas ang kanilang pagkatalino ng 10 to 12 IQ points.
5.) Mas malusog ang bata at hindi sakitin. Maraming sakit ang maaaring hindi makuha ng sanggol katulad ng ubo, hika, eczema at iba pa dahil mayroon syang panlaban dito.
6.) Magkakaroon ng mas matibay na buto at mga ngipin ang mga batang sumuso ng gatas ng nanay.
Bagamat kadalasan sa mga sanggol na sumususo sa ina ay hindi tabain at madalas mapagkamalang kulang sa sustansyang nakukuha sa gatas ng ina ay huwag itong papansinin dahil makakaapekto lamang ito sa kalusugan ninyong mag-ina. Mag-pokus na lamang sa mga dapat mong gawin para mapanatili ang iyong gatas at mabigyan ng kaukulang pansin ang pangangailangan ng iyong sanggol.
Mga benepisyo para sa nanay
1.) Sa loob ng anim na buwan ay mababa ang tyansa na mabuntis kaagad ang nanay dahil napipigil nito ang ovulation sa katawan ng isang babae na eksklusibong nagpapasuso. Ang ibig sabihin ng eksklusibong pagpapasuso sa sanggol ay wala kang ibang ibinibigay na gatas sa kanya kundi gatas ng ina lamang.
2.) Magkakaroon ng espesyal na bonding ang mag-ina at mas lalong magiging malapit sa isa't-isa sa tuwing magpapasuso ang nanay.
3.) Mas sumasaya ang nanay habang nag-breastfeeding, dahil naglalabas ng endorphins o happy hormones ang kanyang katawan.
4.) Makakatulong ito sa pagtitipid dahil libre lamang ang gatas ng ina. Ang kailangan lamang ay mapanatili ng nanay ang dami ng gatas upang mapunan ang pangangailangan ng kanyang sanggol.
5.) Makakatulong ito sa nanay upang mapabilis ang paghilom ng kanyang matris at mapigil ang pagdurugo.
6.) Makakaiwas ang ina sa sakit katulad ng breast cancer.
7.) Makakatulong ito sa nanay upang maibalik ang kanyang timbang bago siya nabuntis.
Maraming benepisyo ang pagpapasuso kaya nararapat na mapunan din ang pangangailangan ng nanay upang manatili silang malusog ng kanyang sanggol. Nangangahulugan ito na kailangan ng suporta ng nanay sa mga taong kasama nya sa loob ng bahay lalo na ang kanyang asawa. Sa unang linggo ng pagkapanganak ay mahihirapan pang kumilos ang nanay dahil sa sakit ng tiyan at tahi nito lao na kung ang nanay ay nanganak via Caesarian Delivery. Kadalasan ding makakaranas ng pagkapuyat ang nanay dahil sa pagising-gising ang sanggol at maya maya ang pagpapalit ng lampin o diaper dito. Mahalagang nakakain ng mga masusustansyang pagkain ang nanay upang makabawi sa lakas na nawala dala ng panganganak at puyat sa pag-aalaga sa sanggol.
Narito ang mga pagkain na dapat kainin at hindi dapat kainin ng inang nagpapasuso.
Mga pagkain para sa inang nagpapasuso
Kailangan ng inang nagpapasuso ang mga pagkain na mayaman sa protina, iron at iba pang nutrients upang magkaroon ng sapat na gatas para sa sanggol. Ang mga pagkaing mayayaman sa bitamina ay makakatulong sa sanggol at ina upang lumakas ang kanilang resistensya laban sa sakit. Mahalaga ring balanse ang diet upang mapunan ang lahat na pangangailangan ng katawan ng inang nagpapasuso upang hindi siya manghina at patuloy niyang mapagtagumpayan ang pagpapasuso sa kanyang sanggol at maalagaan niya itong mabuti.
Ang tubig at gatas ang pinakamabisang inumin ng ina upang manatili siyang hydrated at makatulong sa pagdami ng supply ng kanyang gatas. Ang mga pagkain at ulam na may sabaw ay makakatulong din sa pagdami ng gatas at pagpapalakas sa inang nagpapasuso at kapapanganak pa lamang. Ang mga mabeberdeng gulay katulad ng spinach at malunggay, mga prutas ay mahalagang sangkap din upang mapanatiling masustansya ang gatas ng ina.
Mga dapat iwasan ng nagpapasusong ina
Ang pagkonsumo ng kape at tsokolate habang nagpapasuso ay makakaapekto sa pagtulog ng sanggol kaya hanggat maaari iwasan ang pag-inom ng kape habag ikaw ay nagpapasuso.
Alak o alcohol at sigarilyo. Bilang isang ina na gustong lumaking malusog ang anak dapat ay marunong kang umiwas sa ganitong uri ng inumin at bisyo dahil ito ay maaaring makaapekto sa kanyang paglaki. Ang sigarilyo ay lubos na delikado sa kalusugan ng sanggol na maaring magdulot ng impeksyon sa baga o pneumonia.
Mga maanghang na pagkain. Maaari kasi itong magdulot ng gas at kabag sa sanggol kaya mas mabuti pang umiwas sa mga pagkaing maaanghang.
Mga pagkaing matatamis. Maaari kasi itong magdulot ng obesity, fatty liver at iba pang uri ng sakit na makakaapekto sa paglaki o develop ng katawan ng sanggol.
Laging tandaan na mahalaga na mapanatili ang ating kalusugan upang mapangalagaan din natin ang ating mga anak. Bilang isang nanay mahalaga rin ang pagpaplano sa pagpapakain sa anak at pagpapasuso sa sanggol.
Ang gatas ng ina ay ang magsisilbing panangga ng sanggol laban sa iba't-ibang uri ng sakit. Sikapin natin na magpasuso dahil labis itong mapapakinabangan ng ating sanggol hanggang sa kanyang paglaki. Bukod sa makakatipid tayo, malaking tulong din ito sa gobyerno kapag ang mga anak natin ay hindi sakitin.
Hindi madali magbalanse ng oras pagdating sa gawain bahay at pag-aalaga ng anak ngunit bilang isang magulang lahat ng ito ay kakayanin para sa anak.