Isang malungkot na balita

0 17
Avatar for rosienne
2 years ago

Isang malungkot na pangyayari ang naganap kahapon ng umaga. Pasado alas sais ng umaga ay nagising ako sa sigaw ng aking biyenang babae. Ginising nya ang aking asawa at sabay sabi ng "Si Daddy sumusuka ng dugo!". Bigla akong naalimpungatan pagkarinig ko ng linyang iyon. Tumayo ako sa higaan upang makita ang kalagayan ng aking biyenang lalaki na noon ay sumusuka ng dugo sa banyo. Pagkalabas nya ng banyo habang sya ay akay-akay ng kanyang mga anak ay bakas sa kanyang mukha ang pamumutla at pangamba. Pagka-upo sa silya sya ay humiling sa Dios na bigyan pa sya ng buhay at lakas para sa kaniyang mga apo(aking mga anak). Sa ganitong mga pangyayari mas piliin natin ang magtiwala sa magagawa ng Dios na hindi kayang gawin ng tao.

Nangangamba kaming lahat dahil biglaan ang mga pangyayari. Wala naman syang iniindang sakit noong mga nakaraang araw. Hindi naman sya nilagnat at inubo. Kaya labis na pinagtataka namin ang pagsusuka niya ng dugo na ngayon ay nangangailangan ng agarang lunas at atensyon.

Nakakalungkot lang dahil sa lumalaganap na sakit na covid-19 ay mahigpit ang ibang ospital. Ang unang napuntahan nilang ospital ay kailangan munang i-swab test ang pasyente bago i-admit. Ngunit ang resulta ng test ay 3 days pa bago malalaman. Gusto nilang i-confined ang aking biyenan as covid-patient kahit wala pang resulta pero hindi kami pumayag dahil alam namin na hindi covid-19 ang sakit ni Daddy at ito ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Napag-desisyunan namin na ilipat sya ng ibang ospital dahil kapag pumayag kami na i-admit sya ng araw na iyon ay sya lang mag-isa sa kwarto at ang bantay ay labas lamang ng ospital maaring pumwesto. Paano kapag may kailangan ang pasyente? Iba pa din kapag sarili mong kamag-anak o pamilya mo ang mag-aasikaso saiyo. Hindi naman namin matitiyak kung maaalagaan sya ng mabuti ng titingin sa kanya na nurse. Bago pa sya nailipat ay naghintay pa sila ng pitong oras bago mailabas si Daddy sa ospital na iyon.

Mabuti na lamang at ang kaibigan ni Mommy ay nag-suggest ng ospital kung saan na-admit ang kanyang kamag-anak. Maganda daw ang serbisyo doon kaya doon sila nagtungo. At tama nga ang kanyang sinabi pagkadating doon ay nagpa-antigen test muna sila upang matiyak na wala silang covid-19. Salamat naman sa Dios at pareho negative ang resulta. Maayos nga daw talaga ang serbisyo doon kaya malaking pasasalamat namin dahil nabawasan na ang aming pag-aalala. Yun nga lang bawal muna daw kumain si Daddy pero naka-dextrose na sya kahit papano maiiwasan na madehydrate sya at tuluyang manghina. Maghihintay na lamang ng go signal ng Doctor para sa mga test na dapat gawin sa kanya upang malaman ang totoong dahilan ng kanyang pagsuka ng dugo.

Sa ngayon wala kaming ibang pinanghahawakan kundi ang patuloy na umasa sa magagawa ng Dios upang tuluyan na syang gumaling at manumbalik ang kanyang lakas.

1
$ 0.90
$ 0.90 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments