Ikaw ba ay isang mabuting anak?

0 544
Avatar for rosienne
2 years ago

Ano nga ba para sainyo ang kahulugan kapag sinabing mabuting anak? Naisip mo ba kung ikaw ay mabuti o masama?Walang perpekto sa atin. Lahat tayo nakagagawa ng pagkakamali, nagkukulang at nagkakasala. Wala tayong kakayahan na mamili kung sino ang ating magiging magulang kaya ang tanging magagawa natin para tayo ay mapabuyi ay makinig sa mga payo nila. Bawat isa sa atin ay may pansariling opinyon ukol sa pagiging isang mabuting nilalang. Paano mo nga ba masasabi na mabuti kang anak? Paano mo maipapakita sa iyong magulang na mabuti ka kahit nagkakamali at nagkukulang ka sa kanila?

Talakayin natin ang mga bagay na nakakaapekto at nagpapakita ng pagiging isang mabuting anak. Narito ang ilang mga katangian na taglay ng isang mabuting anak.

1. May respeto sa mga magulang

Bukod sa pagiging mapagmahal na anak ang pagkakaroon ng respeto ay napakahalagang katangian para masabing isa kang mabuting anak. Ang respeto ay isa sa utos ng Dios upang magkaroon tayo ng matiwasay na buhay. Igalang natin ang ating mga magulang dahil ito ay ang utos na may pangako. Kapag may respeto ka sa isang tao ay hindi ka mahihirapan makisama kahit san ka mapadpad. Isa ito sa katangian na dapat nating taglayin kahit saan man tayo magpunta.

Mayroon mga anak na sumasagot ng hindi maganda sa magulang, nagrerebelde at walang respeto kahit sa pagsalita man lang. Maraming nakakaapekto sa ugali ng isang anak lalo na sa mga kabataan na naiimpluwensyahan ng ibang tao at kapaligiran ngunit nasa atin pa din kung ano ang ating pipiliin. At dapat piliin natin ang tamang landas para hindi tayo mapariwara sa buhay dahil wala tayong ibang kakapitan sa oras ng kagipitan kundi ang ating mga magulang.

2. Mapagmahal

Bukod sa respeto ang pagmamahal ay isa sa dapat nating maramdaman dahil bilang isang anak pinalaki tayong lahat kasama ito sa tahanan. Maaring hindi mo maalala dahil baby o maliit ka pa lamang. Suklian natin ang pagmamahal na ibinigay nila sa atin kahit na sila ay may pagkukulang. Nagbago man ang pagtrato nila sayo paglaki mo hindi mo pa rin matatawaran ang sakripisyo na ginawa nila para lamang mapalaki ka ng maayos at mapag-aral ka hanggang sa ikaw ay makapagtapos. Mahalin mo sila hanggang sa kanilang pagtanda dahil hindi mahihigitan ang pagmamahal ng magulang ng kahit na sinoman.

3. Masunurin

Kapag ikaw ay masunurin sa iyong magulang ay maituturing na ikaw ay mabuting anak. Ang pagsunod sa kanila ay tanda ng iyong pagrespeto sa kanilang desisyon para sa iyong kapakanan. Hindi tayo maliligaw ng landas kapag sumunod tayo sa mga payo at bilin nila dahil walang magulang ang gustong mapahamak ang kanyang anak.

Sa panahon ngayon marami akong napapansin na mga anak na palasagot at nagdadabog kapag inuutusan. Minsan ay nagmumura pa nga. Nakakalungkot isipin na mayroong ganung klaseng mga anak at kabataan. Matuto tayong magpasakop sa kanila lalo na kung hindi pa natin alam kung paano tumayo sa ating mga sariling paa.

4. May takot sa Dios

Kalakip ng pagsunod sa iyong mga magulang ang pagkakaroon ng takot sa Dios. Ibig sabihin lamang nito ay hindi mo kayang gumawa ng mga karumaldumal na gawain dahil may takot ka sa lumikha. Kasama na ang pagsunod mo sa utos niya na igalang mo ang iyong mga magulang. Sinsabi sa bibliya na ito ay utos na may pangako. Ang pangako na kapag nagawa mo ang bagay na ito ay magkakaroon ka ng pagkakataon na guminhawa at humaba ang iyong buhay. Kalakip din nito ang paggawa ng mabuti hindi lang sa iyong magulang kundi sa lahat ng tao sa iyong kapaligiran. Kapag may takot ka sa Dios ay takot ka rin gumawa ng mga masasamang bagay.

5. Matulungin

Bilang isang anak tayo ay inaasahan na tumulong sa anumang paraan lalo na kapag nakikita natin na ang ating magulang ay nahihirapan. Sinasabi ng iba na hindi natin obligasyon ang magbigay ng pinansyal na tulong sa kanila. Ngunit bilang isang anak ito ay bahagi ng mabuting paggawa bilang isang mabuting anak. Hindi natin dapat hayaan na mahirapan sila nararapat lamang na gantihan natin ang sakripisyo nila simula noong tayo ay nasa sinapupunan pa lang hanggang sa tayo ay lumaki at pinag-aral. Ang pagtulong ay hindi lang sa pinansyal kundi maging sa mga gawaing bahay. Huwag mong hayaang mag-isang naglilinis ang iyong nanay. Tulungan mo sya upang mas mabilis matapos ang mga gawain. Iwasan natin maging tamad lalo na kung tayo ay mahirap lamang.

5. Hindi mo sila ikinahihiya

Ano pa man ang estado ninyo sa buhay ay hindi mo dapat ikinahihiya ang iyong magulang lalo na kung hindi naman sila masamang tao katulad ng mga kriminal. Huwag mong ikahihiya ang trabaho at pisikal na kaanyuan nila kahit pa sila ay PWD. Dapat maging proud ka pa din na sila ang magulang mo dahil pinalaki ka nila kahit gaano kahirap ang magpalaki at magdisiplina ng anak. Huwag mong ikahihiya kung mahirap lamang kayo. Lahat tayo ay mayroong pagkakaiba kayat huwag mo silang ikumpara sa ibang magulang. Hindi man nila maibigay ang iba mong pangangailangan at kagustuha lagi mong tatandaan ang mga sakripisyo nilang ginawa para sayo.

6. May Disiplina

Ibig sabihin nito ay dapat mayroon kang kang kontrol sa iyong sarili. Dapat alam mo ang mga alituntunin lalo na sa loob ng inyong tahanan. Kapag may disiplina ay mayroong kaayusan. Kapag sinabi ng iyong ina o ama na kailangan ay ganitong oras dapat ay nasa bahay kana, sundin mo ito dahil tanda ito ng disiplina at pagsunod sa utos nila. Hindi na kailangan umabot sa sakitan para lamang sundin sila. Bilang disiplinadong anak dapat ay alam mo ang mga limitasyon at alituntunin sa inyong bahay at maging sa labas tulad ng paaralan dahil para saiyo naman ang pagdidisiplinang ginagawa nila. Hindi ito para higpitan ka kundi ito ay para sa ikakabuti mo.

Ang nabanggit ko sa itaas ay ilan lamang sa mga katangian ng isang mabuting anak. Maraming paraan para maipakita mo ang iyong kabutihan. Maging sa pinakamaliit na bagay ay maaari mo itong maipakita. Hindi sukatan ang pera kundi ang mabuting asal na ipapamalas mo sa kanila ay iyon amg mas mahalaga. Ang mga katangiang ito ay makakatulong upang magabayan ka kung paano maging isang mabuting anak at maging modelo sa iyong mga nakababatang kapatid upang lumaki din silang may mabuting kalooban at marunong tumanaw sa sakripisyo ng inyong mga magulang. Huwag mong hayaan na mapariwara ka at maimpluwensyahan ka ng mga maling paniniwala na magsisira sa iyong mabuting kalooban. Lumayo sa mga tukso at mga bagay na alam mong magdudulot lamang ng hindi maganda at magbibigay lamang daan sa kapahamakan. Iwasan ang mga taong nagrerebelde sa kanilang magulang dahil posibleng mahawa ka ng kanilang maling paniniwala at kapabayaan.

Nag-iisa lang ang buhay natin kayat huwag natin itong aksayahin sa mga walang kabuluhang bagay. Piliin nating maging mabuti at gumawa ng kabutihan sa ating kapwa. Gawin natin ang mga bagay na ikalulugod ng Dios at ng ating magulang. Habang malakas pa sila ipakita natin ang ating pagmamahal sa kanila. Sundin at pakinggan ang kanilang payo upang hindi tayo mapunta sa landas ng kapahamakan. Lagi nating tatandaan na nais lang nila ang mapabuti tayo. Huwag sasama ang loob kapag napapagalitan dahil tanda ito ng kanilang pag-iingat sa atin at pagmamahal.

1
$ 0.00
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments