Huwag kang mabalisa
Sa dami ng mga pagsubok at suliranin na kinakaharap natin araw-araw ay may mga pagkakataon na tayo ay nababalisa. Hindi natin alam kung ano ang dapat gawin, kung ano ang dapat unahin at kung paano sisimulan. Subalit sa pagkakataong ito ay dapat nating pairalin ang tiwala sa magagawa ng Dios. Sa pamamagitan ng panalangin ay maiibsan ang ating pagkabalisa. Huwag nating kimkimin ang mga nararamdaman natin kundi ipahayag natin ito at ihingi ng payo sa Dios. Malaking tulong ang panalangin sa panahon na tayo ay nababalisa dahil pinapagaan nito ang nararamdamang nating bigat sa dibdib. Kung hindi mo kaya na ipahayag sa mga tao s iyong paligid ang iyong suliranin ay huwag kang mag-atubiling lumapit sa Dios. Hindi mo man sya nakikita ay nakakasiguro akong maririnig nya ang iyong hinaing. Ngunit kung hirap na hirap ka na sa iyong problema subukan mo ding lumapit sa iyong pamilya at mga kaibigan, malaki din ang maitutulong kapag nailabas mo ang iyong mga saloobin. Huwag mong hayaang magdusa ka mag-isa dahil alam kong may mga taong handang makinig sa iyong problema subalit siguraduhin mo lang na mapagkakatiwalaan ang taong pagsasabihan mo ng mga bagay na bumabagabag sa iyong isipan.
May mga taong nakikinig sa iyo ngunit hindi para tulungan ka kundi para malaman nila ang weakness mo at pagdating ng araw nagagawa pa nila itong panlaban sayo. Maging maingat lamang sa pagpili ng kaibigan o ng taong pagkakatiwalaan dahil baka imbes na mabawasan ang bigat na iyong dinadala ay baka mas lalong lumalala pa ito. May mga tao kasing nandiyan lang sa iyong tabi handang makinig ngunit hindi ka naman matulungan at yung iba ay inaalam lang ang iyong sikreto at minsan ay ginagamit pa nila ang iyong kahinaan para siraan ka sa ibang tao. Marami man tayong pagsubok na kinakaharap sa araw-araw ay huwag nating kalimutan ang ating kalusugan. Malaki ang magiging epekto ng pagkabalisa lalo na kung hindi ka kumakain at umiinom sa tamang oras. Yung tipong wala ka ng ibang ginawa kundi mag-isip. May mga pagkakataon ding magdududa ka sa iyong kakayahan at sa ibang tao kaya nahihirapan ka magsabi ng iyong mg nararamdaman.
Kung hindi mo kayang ipagkatiwala sa ibang tao ang iyong problema ay ilapit mo ito sa Dios. Huwag mong maliitin ang kakayahan ng Dios kahit hindi mo sya nakikita at nakaka-usap ng personal. Malaki ang maitutulong nya lalo na pagdating sa mga bagay na gumugulo sa iyong isipan basta ang mahalaga ay magtiwala ka sa kanyang magagawa. Marami ang kayang gawin ng Dios na hindi kailanman kayang gawin isang tao lamang. Huwag kang mabalisa, tatagan mo ang iyong kalooban at ipagkatiwala mo sa Dios ang iyong buhay.