Hinanakit
Paano nga ba dumadating sa punto na nagkakaroon tayo ng hinanakit sa ating kapwa at mahal sa buhay? Ano ang epekto nito sa mga tao sa ating paligid at sa ating sarili mismo? Ang pagkakaroon ng hinanakit ay ang mga bagay at salitang hindi mo masabi sa ibang tao lalo na sa taong dahil ng iyong mga di masabing saloobin. Maaring ito ay magmula sa pagkakaroon ng inggit o selos o di kaya naman ay mga bagay na hindi naa-appreciate ng mga tao sa iyong paligid at ang nakikita lang ay ang iyong mga pagkakamali at pagkukulang.
Sa totoo lang ang hirap kapag may hinanakit ka sa iyong kapwa. Ang bigat sa pakiramdam na parang pasan mo ang daigdig. Maari itong magdulot ng sakit sa puso kaya mas mabuti na i-open o i-kwento mo ito sa ibang tao na maaari mong pagkatiwalaan ng iyong nararamdaman. Sa ngayon mahirap makahanap ng taong makikinig saiyo at makakaunawa ng mga hinaing mo sa buhay ngunit ganunpaman mas mabuting mayroon kang mahihingahan sa oras ng iyong kalungkutan. Mas maiging may nakaka-alam ng mga nangyayari sa iyong buhay upang matulungan ka at maibsan ang sakit at hirap na iyong nararamdaman. Kapag may hinanakit ka sa iyong kapwa ay halos di ka mapakali at makapag-isip ng tama dahil sa kanya halos umiikot ang oras mo. Kung may nagawa o may nasabi man syang masama sa iyo ay hindi mo dapat ito kinikimkim. Maaari mo itong sabihin sa kanya upang hindi na maulit pa. Maganda rin kung mapag-aaralan mo ang pagpapakumbabang loob at pagpapatawad sa iyong kapwa. Mas masarap sa pakiramdam kapag wala kang kinikimkim na galit sa iyong puso at kapag kasundo mo ang mga tao sa iyong paligid. Normal na makaramdam ka ng hinanakit lalo na kung mababaw ang iyong luha. May mga taong hindi sanay mapagalitan o mapagsabihan sa kanilang mga maling nagagawa kung kayat humahantong ito sa pagkakaroon ng hinanakit. Katulad ko kahit maliit na bagay ay nahihirapan akong tanggapin kahit na minsan ay ako ang may pagkakamali. Sinusubukan kong magbago dahil masama ang may hinanakit sa kapwa. Dapat ay marunong tayong magpatawad dahil lahat naman tayo ay nagkakasala.
Mahirap kapag wala kang nadadaingan ng mga hinanakit mo sa buhay dahil naiipon lang sila sa isip at puso mo pero habang tumatagal ay naghihilom na lamang ang sugat at ang sakit ay nakakalimutan ngunit ito ay nag-iiwan ng bakas. Ngunit kung may pagmamahal ka sa iyong kapwa hindi alintana ang mga bagay na kanyang nagawa upang mapatawad mo sya. Masarap mabuhay ng may katahimikan sa isip at sa puso kung kayat piliin natin magpakababa at magpatawad sa mga taong nakagagawa sa atin ng kasalanan. Mas panaigin natin ang pagmamahalan at iwasan ang mga hinanakit sa buhay.