Habang may buhay,may Pag-asa
Eksaktong ala ona ngayon ng madaling araw dito sa Pilipinas ngunit gising na gising pa rin ang aking diwa. May mga panahon na kagaya nito na hindi ako makatulog ng maayos lalo na at marami ang sumasagi sa aking isipan. Hanggat maaari ay iniiwasan ko ang magpuyat dahil alam kong masama ito sa kalusugan ngunit di ko maiwasan minsan. Marami akong mga bagay na ngayon ko lang na-realize. Maraming "what if" na pumapasok sa utak ko. Alam kong nag-ooverthink na naman ako. Isa ito sa mga bad habit ko ngayon. Ang hirap kasi maging magulang na wala kang ibang magawa kundi ang manatili lang sa bahay. Ang pagiging housewife ay madali lang pakinggan pero ang role na ginagampanan sa tahanan ay napaka-hirap at komplikado lalo na kung wala kayong sariling pamumuhay. Hindi ko maiwasan magduda sa aking kakayahan bilang isang ina dahil alam ko sa sarili ko na marami akong pagkukulang. Sa totoo lang, ang hirap magpalaki ng anak lalo na sa mga katulad kong mahirap lamang. Sana pinagplanuhan namin lahat bago kami pumasok sa ganitong sitwasyon. Once na naging magulang kana hindi mo na ito mabubura sa katotohanan. Mabigat ang responsibilidad na nasa balikat ng isang ina at ama ng tahanan. Maraming sumusuko pero isa ako sa lumalaban. Pipilitin kong tiisin ang mga bagay at pangyayari na dapat tiisin alang-alang sa aking mga anak. Marami man akong pagkukulang sa kanila ngayon sana balang araw ay mapunan ko ang mga iyon.
Ang hirap maging mahirap sabi nga nila, pero mas mahirap yung mahirap ka na nga pero nawawalan ka pa ng pangarap at pag-asa. Hope ang pinaka-magandang solusyon sa lahat ng problema. Paghahangad ng pag-asang malagpasan ang lahat ng pagsubok dito sa mundong ibabaw na may kalakip na pag-ibig at mabuting paggawa. Nahihirapan man ako sa sitwasyon ko ngayon ngunit balang araw darating din ang tamang oras ng kaginhawahan. Naniniwala akong malalagpasan ko ang lahat ng pagsubok kalakip ang pananalig sa Dios at pagtiwala sa sarili kong kakayahan. Bagamat di ko pa nagagawa lahat ay aking pagbubutihin ang pagiging isang ina sa aking mga anak upang hindi nila maramdaman kung ano ang kulang.
Hahabaan ko ang aking pasensya at pagtitiis katulad ng Dios na inuunuwa ang kanyang mga anak sa sanlibutan na sa kanya'y nagmamakaawa at humihiling ng maraming bagay. Bagamat ako ay mahina lamang pipilitin kong maging malakas upang sila ay aking maprotektahan laban sa kasamaan. Hindi man ako superhero ngunit may taglay akong kakayahan upang magpatuloy sa buhay. Ang aking mga anak ang nagsisilbi kong lakas para tumingin sa malayo at sumubok ng mga ibang paraan. Isang paraan ng paglilinis ng mabigat na puso ay ang pag-iyak upang gumaan at magkaroon ng liwanag sa nagdidilim na kaisipan. Minsan dumarating tayo sa punto na akala natin ay wala ng pag-asa ngunit nagkakamali tayo dahil "Habang may buhay, may Pag-asa.
Huwag nating isipin kung gaano kabigat ang mga problemang kinakaharap natin ngayon kundi mag-isip tayo ng paraan upang gumaan ito at malagpasan natin ang mga pagsubok sa buhay. May iba't-ibang problema tayong hinaharap ngunit huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil lalo lang tayong malulugmok. Iwasang magmukmok sa isang sulok. Lumabas, magpahangin ka at tumingin sa malayo. Tingnan mo ang mga bagay, tao at mga pangyayari sa iyong paligid, may dahilan kung bakit nangyayari ang isang bagay. Huwag sumuko agad. Matuto tayong lumaban at sumubok ng maraming beses upang magtagumpay.