Epekto ng sugal
Marami ang taong nangangarap na magkaroon ng magandang buhay, maraming pera, magarang bahay at sasakyan subalit ang iba ay nahahantong sa kasamaan dahil sa pagnanasa sa mga bagay na ito. Sa kagustuhan na makamit ang minimithi ay gumagamit ng short cut sa pag-aakalang matatamasa ang ninanais ng kanilang puso. Dahil sa paghahangad na magkaroon ng maraming pera marami ang natututo at nalululong sa sugal na akala nila ay magiging daan sa kanilang mga pangarap sa buhay. Ngunit hindi nila alam na aakitin lamang sila nito at unti-unting sisirain ang kanilang buhay. Marami ang negatibong epekto sa buhay ng tao ng pagkakalulong sa sugal. Isa na rito ay ang pagiging mainitin ang ulo. Ang mga taong lulong sa isang bisyo katulad ng pagsusugal ay mahirap ng baguhin. Kahit anong tulong at pangaral ang gawin mo ay babalik at babalik pa din sila sa pagsusugal at magbabakasakaling manalo ng malaking premyo. Ngunit kapag natatalo sila ay nagiging bugnutin at mainitin ang ulo. Karamihan sa kanila ay laging pasigaw kapag kinakausap mo kahit wala ka namang ginagawang masama.
Sa una ay manghihinayang sila sa pera na nawala sa kanila dahil sa pagkatalo sa sugal ngunit unti-unti silang babalik dito upang sumubok ulit na baka sila ay swertihin at maiuwi ang malaking halaga na kanilang hinahangad. Hanggang sa hindi na nila napapansin na hinahanap-hanap na ito ng kanilang katawan at isipan. Mahirap itong iwasan lalo na kung may mga tao sa paligid mo ay nag-uudyok sayo na gawin mo ito lalo na kung mayroon kang kaibigan na marunong din sumugal. Sila pa mismo ang lulubog sayo imbes na tulungan ka na magkaroon ng ibang hanap-buhay. Wala akong nakikitang magandang epekto ng sugal sa buhay ng tao. Unang-una ang sugal ay isang anyo ng kasamaan dahil maaari itong pagmulan ng mga hindi kaaya-ayang pangyayari. Katulad na lamang ng pagkakaroon ng alitan dahil sa init ng ulo kapag natatalo.
Maraming relasyon at pamilya ang nasisira dahil din sa sugal. Hindi ito magandang ehemplo para sa iyong mga anak. Huwag mong hayaaan na sa ganitong sistema o uri ng pamumuhay sila mamulat. Hanggat maaga pa ay iwasan na ito at huwag mo ng hintayin na malulong at umikot na lang ang mundo mo sa pagsusugal. Bukod sa pagkasira ng pamilya ay maari ka pang mabaon sa utang dahil sa paulit-ulit mong pangako na babayaran mo kapag ikaw ay nanalo. Minsan ay nag-uugag din ito sa mas malalang alitan at nauuwi sa patayan. Marami na rin akong nabalitaan na mga magka-ibigan at magkapit-bahay na mag-aaway dahil lamang sa pagsusugal. May mga tao kasing hindi nila kayang tanggapin na sila ay talunan kaya minsan nagmimitsa ito ng kaguluhan.
Kahit gaano man kahirap ang buhay mo ngayon matuto kang magtiis at magbanat ng buto. Walang shortcut para maabot mo ang iyong pangarap. Dapat gawin mo ito ng step-by-step at huwag idaan sa sugal dahil baka lalo ka lamang lumubog sa iyong kinatatayuan. Matutong magtrabaho ng marangal, huwag mandaya ng kapwa tao. Gamitin ang iyong buhay at lakas na bigay ng Diyos upang matupad mo ang iyong mga pangarap sa buhay. Huwag magmadali na yumaman. Idaan mo ito sa pagiging matiyaga at masipag at huwag umasa sa swerte. Matuto tayong magtiis kung mahirap lang ang buhay natin. Darating din ang araw na tayo ay giginhawa lalo na kung tayo ay nagsusumikap na umahon sa kahirapan sa tamang paraan.