Disadvantages ng malaking pamilya
Ang pagkakaroon ng anak ay isang responsibilidad na pang-habambuhay. Once na naging magulang ka na wala ka ng kawala sa obligasyon na ito. Dito sa Pilipinas, walang policy sa pagkakaroon ng anak katulad sa ibang bansa. Ang pagkaka-alam ko sa bansang China ang mayroong 1 child policy. Hindi ko lang alam kung hanggang ngayon ay epektibo pa ang policy na yun sa kanilang bansa. Ang Pilipinas ay maliit na bansa lamang ngunit over-populated. Kaya hindi mawawala ang mga negatibong epekto nito sa kapaligiran, sa pamilya ng maraming mga anak at pati sa mga anak mismo. Karamihan sa maraming anak ay mula pa sa mga mahihirap sa lipunan. Maraming isyu ang kinasasangkutan ng mga pamilyang marami ang anak isa na dito ay ang kahirapan.
Talakayin natin ngayon ang mga disadvantages ng pagkakaroon ng maraming anak. Narito sa baba ang ilan.
1.) Lalong humihirap sa buhay ang pamilyang maraming anak dahil mas marami ang expenses ng malaking pamilya kumpara sa maliit na bilang. Lumalaki ang bayarin katulad ng kuryente at tubig. Malaki din ang nagagastos pagdating sa pagkain lalo na kung mayroong pihikan sa pagkain. May mga bata na mahirap pakainin kayat kung minsan ay iba ang ulam ng mga bata sa ulam ng mga matanda. Nadodoble ang gastos dahil dito. Madalas ay kinakapos pa sa budget sa pagkain dahil sa dami ng gastusin at bayarin.
2.) Kahit anong gawing pagtitipid ay walang maiipon. Ang sahod dito sa Pilipinas ay napakaliit lamang kung kayat hindi talaga kakasya ang karampot na sahod para sa pagkain, tubig at iba pang gastusin lalo na kung isa lang ang naghahanap-buhay. Halimbawa ang sahod ng isang ordinaryong empleyado sa probinsya ay inaabot ng P500 a day, kulang ito lalo na kung marami syang anak. Ibawas mo pa ang allowance para sa pagkain at pamasahe ng nagtatrabaho. Magkano na lang ang matitira? Paano pa kung mayroon kang sanggol na anak na kailangan pa ng diaper? Huwag na nating isali ang gatas dahil maari namang breastfeed ang sanggol. Napakahalaga pa naman ng may ipon lalo sa para sa emergency funds, mahirap kapag biglaang nagkakasakit ang miyembro ng pamilya ng wala man lamang kayong hawak o nakatalagang pera para sa mga emergency cases.
3.) Hindi natutugunan ang mga pangangailangan at kagustuhan ng anak. Isa sa pinakamahirap na sitwasyon para sa aming mga magulang ay ang hindi namin matugunan ang pangangailangan ng aming mga anak dahil mas nakalaan ang pera para sa mga basic needs naming buong pamilya. Katulad na lamang ng sitwasyon namin ngayon, mayroon kaming limang anak at dalawa na ang nag-aaral. Delivery rider ang asawa ko at pinakamataas ng kita nya ay P1,000, kung tutuusin ay malaki na ito, ngunit dahil marami ang anak namin ay kinakapos pa din dahil sa dami ng bayarin. Pihikan din sa pagkain ang mga bata kaya bumibili pa kami ng sarili nilang pagkain. May dalawa pang gumagamit ng diaper, nakatipid lang kami sa gatas dahil breastfeed si baby at ang toddler ko(tandem breastfeeding). Marami kaming hindi natutugunan na pangangailangan nila katulad na lamang sa mga school supplies sobrang kulang ang naipo-provide namin. Sa kagustuhan naman ay bihira namin sila mapagbigyan dahil inuuna namin ang mga bills. Nakakalungkot ngunit ito ay reality ng pagkakaroon ng maraming anak at hindi financially stable.
Kaya laking pasasalamat ko sa read.cash at noise.cash dahil malaki ang naitulong nito sa amin lalo na nitong pandemya. Kapag kinakapos kami sa budget ay ginagamit ko ang kinita kong bitcoincash . Nalulungkot lang ako dahil hindi ako nakaka-ipon pero nagagamit ko naman sa makabuluhang bagay ang bch.
4.) Hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ang lahat na mga anak. Ito ang nangyayari sa akin ngayon dahil sa dami ng anak ko hindi ko mabigyan ng sapat na oras ang mga bata. Napapakain ko sila, napapaliguan, nabibihisan at naaalagaan ngunit hindi sapat na atensyon ang naibibigay ko. Mayroon akong apat na buwang sanggol na mas nangangailangan ng aking atensyon kung kayat ang mga nakakatandang kapatid nya ay bihira ko na lang maasikaso. Pagdating sa module ay hindi ko sila natuturuang mabuti, unang-una ay dahil sa walang angkop na espasyo para sa kanilang pag-aaral. Hindi sila nakaka-focus sa mga aralin nila dahil sa ingay ng iba nilang kapatid at marami pang ibang distraction. Minsan ay hindi ko na rin sila magawang maka-usap ng maayos lalo na kapag mainit ang ulo ko dahil sa pagod sa gawaing bahay at pagbabantay sa kanila. Minsan kapag nagkakaroon ako ng free time mas gusto kong mahiga or matulog dahil yun ang hinahanap ng aking katawan kaysa makipag-laro ako sa kanila. Bihira ko lang magawa ang samahan sila sa paglalaro at panunuod dahil habang abala sila sa paglalaro o panunuod ay abala naman ako sa gawaing bahay.
Ang apat na nabanggit ko sa itaas ay ilan lamang sa disadvantages ng pagkakaroon ng malaking pamilya. Marami pang ibang bunga nito. Ang mga nabanggit ko ay base lamang sa aking karanasan at sitwasyon ko ngayon dahil mahirap lamang kami. Hindi ito applicable sa mga taong may kaya sa buhay dahil kaya nyo namang tugunan ang mga pangangailangan ng inyong mga anak hanggang sa pag-aaral at paglaki nila. Ito ay madalas lamang mangyari sa mga taong kapus-palad at salat sa pamumuhay.
Masaya naman ang maraming anak pero mas masaya sana kung lahat ng kailangan ng mga anak ay naibibigay ngunit kung hindi magdudulot lamang ito ng problema sa pamilya at pagmumulan ng away mag-asawa. Kayat ang payo ko lalo na sa mga wala pang asawa ay paghandaang mabuti ang pagpasok sa isang relasyon. Kung may plano kang mag-asawa at mag-anak ang unang-una mong gawin ngayon at mag-ipon. Kung kaya mong bumili ng sariling lupa at bahay mas maganda rin upang hindi nyo maranasan mangupahan at mamroblema sa pambayad kada buwan. Ngunit minsan darating ka na lang sa punto na mag-aasawa ka ng hindi mo napaghandaan lalo na kapag nabuntis ka or nakabuntis ka. Kung hindi pa handa na mag-asawa o magka-anak ngunit mayroon kang kasintahan ay magpigil muna o di kaya ay gumamit ng birth control.
Sana ay kapulutan ninyo ng aral ang tekstong naibahagi ko ngayon.
Maraming salamat!