Dengue: Uri, Sintomas at Pag-iwas
Maraming sakit ang posibleng makuha sa kagat ng lamok kabilang na dito ang dengue na aking tatalakayin ngayon. Isa sa mga nakakabahalang sakit ang dengue lalo na sa mga bata pa lamang. Marami na ang naiulat na namatay dahil sa sakit na ito. Kapag tag-ulan ay dumarami ang kaso ng dengue sa isang lugar. Ngunit ano nga ba at saan nagmula ang sakit na ito?
Dengue- ito ay isang viral infection na nakukuha sa kagat ng lamok. Ang carrier ng virus na ito ay tinatawag na Aedes aegypti at Aedes albopictus.
Mga uri:
1) Dengue Fever
2) Dengue Hemorrhagic Fever
3)Dengue Shock Syndrome
Mga sintomas:
1) Pagkakaroon ng mataas na lagnat.
2) Pananakit ng ulo at mga kasu-kasuan.
3) Pamamantal sa braso at mga hita.
4) Pagsusuka at pagtatae
5) Pagkawala ng gana sa pagkain
6) Pagdurugo ng ilong at gilagid
7) Pagbaba ng platelets
8) Pananamlay o panghihina
9) Pagiging irritable
Lunas:
Wala pang tiyak na gamot sa dengue. Ang tanging magagawa lang natin ay gamutin ang mga sintomas nito. Paracetamol para sa lagnat. Tubig at oral rehydration solution para hindi madehydrate ang maysakit nito.
Ang dengue ay parang dehydration dahil nagkakaroon ng plasma leakage o pagkabutas sa ating mga ugat na nagiging dahilan upang bumaba ang BP at platelets na maaari itong ikamatay.
Kailangang bantayang mabuti ang maysakit ng dengue dahil delikado kapag sila ay nadehydrate o kaya naman ay bumaba ang platelets. Marami na din ang namatay dahil sa sakit na ito. Kung kinakailangan na dalhin sa ospital ang maysakit ay dalhin kaagad lalo na kung sanggol o bata pa lamang ito upang malagyan sila ng dextrose at maiwasan ang tuluyan nilang paghina at pananamlay. Painumin ng maraming tubig upang maibalik ang nawalang fluids sa katawan lalo na kapag nagsusuka at nagtatae ang pasyente.
Mga paraan upang maka-iwas sa dengue
1) Panatilihing malinis ang kapaligiran at itapon ang mga stagnant water na maaaring pamahayan ng mga lamok.
2) Iwasan ang pagtambak ng mga gamit sa bahay na maaaring magkaroon ng stagnant water lalo na tuwing umuulan.
3) Magsuot ng damit na mahaba upang maiwasan ang kagat ng lamok
4) Gumamit ng insect repellent lotion at spray upang mabawasan ang tyansa na makagat ng lamok.
5) Panatilihin na maliwanag ang bahay dahil ang mga madidilim na lugar ay paboritong pamahayan ng mga lamok.
Ang ganitong uri ng sakit ngayon ay nababaliwala na dahil sa covid-19. Naalala ko noong nagka-dengue ang kapatid kong lalaki, hindi sya na-confine dahil puno ang mga hospital beds at emergency room ng mga hospital. Hindi rin agad tinatanggap ang mga pasyente ngayon. Kailangan ay magpakita ka muna ng RT-PCR test result or swabtest result na negative upang makapasok ka sa emergency room. Nakakalungkot man isipin pero yan ang nangyayari ngayon sa mga ospital. Halos wala ng ibang balita kundi puro na lang covid-19. Hindi na napagtutuunan ng atensyon ang ibang sakit kaya dumarami din ang mga namamatay. Hindi man lang mabigyan ng paunang lunas ang mga isinusugod sa emergency room dahil required sila na magpakita ng negative result sa covid-19 bago makapasok.
Bottom line ng lahat ng pangyayari ay mag-iingat tayong lahat. Hindi natin nakikita ang mga virus sa ating paligid kaya ugaliin natin na maglinis ng katawan bago pumasok sa bahay lalo na kung tayo ay galing sa mga matataong lugar. Mahalaga rin na tayo ay nananalangin sa Dios upang gabayan nya tayo sa araw-araw na gawain.