Dapat ba tayong matakot sa kamatayan?

0 1150
Avatar for rosienne
3 years ago

Bakit nga ba halos lahat sa atin ay takot mamatay? Ayaw din natin itong pag-usapan dahil hindi tayo komportable ngunit kung tutuusin ay dapat normal lang na napag-uusapan. Lahat naman tayo ay lilisanin ang mundong ito pagsapit ng nakatakdang oras. Minsan halo-halong emosyon ang bumabalot sa ating pagkatao kapag naririnig natin ang katagang ito. Sa artikulong ito ipapaliwanag ko ang ilang mga dahilan kung bakit takot tayo sa kamatayan at paano ba dapat ang tamang pagtugon tungkol sa usaping ito.

Naniniwala ba kayo na may langit at may impyerno? Kung oo, maaring isa ito sa dahilan kung bakit natatakot kang mamatay dahil hindi mo tiyak kung sa langit o sa impyerno ka mapupunta. Lahat tayo ay binigyan ng "free will", lahat tayo ay nagkakamali, at nagkakasala ngunit mas piliin pa rin nating mangibabaw sa ating puso ang kabutihan at mabuhay sa tamang paraan upang masiguro natin ang kaligtasan ng ating kaluluwa pagdating sa kabilang buhay. Nang sa gayon ay huwag tayong mabalisa sa pagdating ng nakatakdang araw ng ating pagkawala dito sa mundong ibabaw.

May kanya-kanya tayong pananaw tungkol sa kamatayan ngunit dapat ay bukas ang ating isipan tungkol sa bagay na ito dahil lahat tayo ay ito ang patutunguhan. Bilang isang ina at anak, ako ay natatakot ding harapin ang pagsubok na ito dahil ito ay hindi ko alam kung saan, kailan at sa paanong paraan magaganap. Takot tayo sa mga maaring mangyari sa ating mga anak kapag tayo ay nawala. Takot tayong mawala sila dahil napamahal na sila sa atin kahit sabihin pang hiram lang natin sila Diyos. Wala ng mas sasakit pa sa isang magulang kundi ang mawalan ng isang anak. Natatakot din tayong maiwan ng ating mga minamahal dahil marami ang pagbabagong magaganap kapag sila ay nawala. Nasanay tayo na nakikita, nahahagkan at nayayakap sila at ramdam ang kanilang presensya ngunit kapag sila ay nawala labis na kalungkutan at pagdadalamhati ang dulot nito.

Nakakabalisang isipin lalo na kapag isa sa mga taong kilala natin ay bigla na lang nagpapaalam. Hindi natin maiwasan na mag-isip ng masama dahil paano kung tayo na mismo o isa sa mahal natin ang bigla na lang din mawala? Takot tayo sa maaring maging sanhi ng ating pagkamatay at ng mga mahal natin sa buhay. Sino ba naman ang hindi matatakot na mamatay sa tama ng baril, saksak sa katawan, pagkalunod, pagkasunog at marami pang ibang sanhi ng pagkamatay na kalunos-lunos na pagdaanan. Ngunit parte ng buhay ng isang tao ang pagkamatay na walang sino man ang maaaring makahadlang. Hindi man natin ito mapaghahandaan dahil walang sinuman ang may alam kung hanggan kailan lamang tayo mabubuhay.

Maaari nating mapahaba ang ating buhay sa pamamagitan ng pangangalaga natin sa ating kalusugan at pag-iingat sa araw-araw. Samahan natin ng pagdasal sa poong maykapal na tayo ay gabayan at ilayo sa anumang uri ng kapahamakan. Ang pera ay maaaring magdugtong ng buhay sa mga taong maysakit sa pamamagitan ng pagpapa-ospital ngunit kapag oras mo na ay hindi ka masasagip ng kahit na sinong magaling na doktor.

Ang kamatayan ay hindi natin dapat katakutan dahil ang kamatayan ay nangangahulugan ng pagpapahinga at pagliligtas ng Diyos sa isang tao. Maaring kaya namatay ang isang tao ay dahil sa nahihirapan na siya sa kanyang karamdaman. Mas makabubuting pagpahingahin na siya ng Diyos kaysa manitili siyang buhay ngunit araw-araw naman siyang nahihirapan at parang pinaparusahan. May mga sitwasyon din na ang nagiging biktima ng kamatayan ay masyadong bata pa o kaya ay sanggol pa. Minsan hindi natin lubusang maisip ang dahilan kung bakit siya kinuha agad. Ito ay maaaring iniligtas siya ng Diyos sa mas karumal-dumal na pangyayari at kapahamakan.

Tandaan natin na may dahilan ang lahat ng mga nangyayari sa ating paligid. Huwag tayong matakot na harapin ang bukas at kahit ano pa man ang mangyari ay manatili pa rin tayong matatag at panatilihin ang kabutihan ng kalooban. Huwag tayong mabalisa sa araw-araw. Manatili ang kapayapaan sa ating puso at isipan sa pamamagitan ng paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal.

3
$ 0.05
$ 0.05 from @leejhen
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments