Dakilang Ama

1 665
Avatar for rosienne
3 years ago

Ang unang pumapasok sa isip ko kapag naririnig ko ang katagang dakilang ama ay ibang tao. Nakakalungkot isipin na hindi ako nabiyayaan ng isang amang responsable at may paninindigan. Lubos na pinagpala ang mga anak na hindi pinabayaan ng kanilang haligi ng tahanan. Ganun pa man marunong pa rin akong tumanaw ng utang na loob sa aking ama at nirerespeto ko pa rin sya sa kabila ng kanyang kapabayaan sa pamilya. Hindi ko lang talaga maiwasan ang magdamdam dahil naiinggit ako kapag ako ay nakakakita ng ama na ginagawa ang lahat para sa kanyang pamilya.

Kung ikaw ang tatanungin paano mo mailalarawan ang isang dakilang ama? Sapat na ba na napagtapos ka niya ng pag-aaral at naibigay ang iyong pangangailangan? Gumawa ako ng sariling batayan upang matawag ko ang isang ama na dakila. Tunghayan ang mga sumusunod.

  • Matatawag kong dakila ang isang ama kung siya ay responsable at may paninindigan.

  • Ang kanyang pamilya ang una sa lahat. Pamilya ang kanyang prayoridad.

  • Kayang ipaglaban ang binuong pamilya hanggang sa dulo ng kanyang buhay.

  • Marunong magtimpi at magtiis para lang sa pamilya.

  • Hindi agad nagpapadala sa tukso dahil ang pamilya ang laging nasa isipan.

  • Mas pinipili at inuuna ang makakabuti at pangangailangan ng kanyang mga anak kaysa sa kanyang pansariling pangangailangan.

  • Naibibigay ang pangangailangan ng pamilya galing sa malinis at tamang paraan ng pamumuhay.

  • Napalaking may takot sa Dios ang mga anak at natuturuan ng mabuting asal.

  • Umiiwas sa mga bagay na posibleng makasira sa pamilya katulad ng bisyo at babae.

  • Iniisip ang kinabukasan ng mga anak.

  • Inaakay ang asawa sa paglilingkod sa Dios.

  • Nadidisiplina ang anak sa pamamagitan ng pagturo sa mga mabuting gawain at paglayo sa mga masasama.

Hindi lang sa pagbibigay at pagtugon sa pangangailangan ng pamilya nasusukat ang pagiging mabuting ama. Marami sa atin ang akala ay sapat na na maibigay ang pisikal at materyal na pangangailangan ng mga anak. Mayroon din dapat papel na ginagampanan ang ama sa paghubog ng pagkatao ng kanyang anak pisikal, mental at emosyonal man. Napakahalaga ng tungkulin ng isang ama na matupad ito dahil ito ang magsisilbing salamin ng kanyang mga anak hanggang sa paglaki ng mga ito.

Ang ama ang tinaguriang haligi ng tahanan dahil siya ang magbibigay lakas at proteksyon sa kanyang pamilya upang manatiling matatag at buo ito. Mabigat ang tungkulin na nakaatang sa kanya kung kayat nararapat na manatili siyang matatag sa pagharap ng mga suliranin sa buhay. Ang ama ang dapat na namumuno sa isang pamilya dahil siya ay lalaki at ito ay nakapaloob din sa banal na kasulatan. At ang asawang babae na magpapasakop sa kanyang asawang lalaki upang maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin at responsabilidad bilang magulang.

Marami akong kilalang dakilang ama na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para lang sa kanilang pamilya. Nagtatrabaho maghapon at magdamag, hindi iniinda ang sakit ng katawan upang mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang mga anak. Binubuwis ang buhay para sa kaligtasan at katahimikan ng pamilya. Hindi alintana ang init na dulot ng sikat ng araw at ang basa at lamig ng ulan kumita lamang sa malinis na paraan. Ito ang mga taong hinahangaan ko ng labis kumpara sa mga amang mas pinipiling kumapit sa patalim kahit alam nilang masama ang kanilang gagawin. Maraming paraan para kumita at maibigay ang pangangailangan ng pamilya. Mahirap magtaguyod mag-isa ngunit mas mahirap kapag ikaw ay nasa nasadlak sa mga gawang masama na maaaring ikapahamak ng iyong buhay at ng iypng pamilya.

May kanya-kanya tayong kategorya upang matawag na dakila ang isang ama. At ang mga naisulat ko sa itaas ay batay lamang sa aking pansariling pananaw. Hindi ko man naranasan na magkaroong ng dakilang ama mayroon naman akong ina na tumayong ilaw at haligi ng tahanan upang lumaki akong hindi kulang sa aruga at pagmamahal. Sa kabila man ng lahat ng kapabayaan ng aking ama sa aming pamilya ay nagpapasalamat pa rin ako sa kanya dahil nagkaroon ako ng pagkakataong mabuhay dito sa mundong ibabaw. Hindi man kami nagkakausap at nagkikita alam kong nagsisisi din siya sa kanyang mga pagkukulang. Panahon na lamang ang magtatakda ng mga bagay para sa kanya.

Mapalad kayo kung ang inyong ama ay dakila. Huwag ninyong sayangin ang mga pagkakataon na maipakita ninyo ang inyong pagmamahal sa kanila. Pasalamatan ninyo sila sa kanilang kabutihan at sa lahat ng kanilang ginagawang sakripisyo mabigyan lamang kayo ng magandang buhay. Tandaan natin na maikli lang ang buhay kaya matuto tayong magpasalamat, magpatawad at magmahalan. Bigyan natin ng gantimpala ang mga ama at ina na hindi sumusuko para sa kinabukasan ng mga anak at ng kanilang pamilya.

5
$ 13.43
$ 13.43 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments

I have been blessed with a great father.He took care of our family.We all loved him very much.But it was sad that day when he died.So,I am without him 18 years now.He will always be in our hearts and we have good memories on him.

$ 0.00
3 years ago