Halos tatlong buwan din akong hindi nakagawa at nagpahinga sa paggawa ng artikulo sa kadahilanang nasira ang aking cellphone. Mayroon naman akong ginagamit na desktop computer subalit hindi ako komportable na gamitin ito dahil hindi lang naman ako ang gumagamit nito. Madalas na nakikipag-agawan pa ako sa mga bata para lamang mabisita ko ang account ko dito sa read.cash at makapag-log-in sa noise.cash.
Sa artikulong ito ilalahad ko ang mga bagay na naitulong sa akin ng noise.cash simula noong desyembre. Hindi lang bitcoin cash ang naibigay nito sa akin ngunit pati na rin pag-asa at maging positibo kahit maraming hadlang. Marami din akong natutunan sa site galing sa kapwa ko noise.cash user. May mga nagbabahagi ng kanilang karanasan sa buhay at sa larangan ng crypto kung saan kakapulutan ng aral at magsisilbing inspirasyon lalo na sa mga nawawalan na ng pag-asa at mga pinanghihinaan ng loob.
Narito sa ibaba ang mga biyayang natanggap ko mula sa noise.cash
1) Bitcoin cash
Sa paggamit ko ng noise.cash ay araw-araw akong nakakatanggap ng bitcoin cash kung saan pwedeng ipalit sa pera gamit ang mga digital/electronic wallet katulad ng coins.ph dito sa Pilipinas na halos karamihan sa mga Pilipinong may noise.cash ay ito ang ginagamit para mai-convert sa peso at para ma-cash out.
Ang bitcoin cash na natatanggap ko sa noise ay nagagamit naming buong pamilya para sa iba naming pangangailangan sa tuwing kinakapos kami sa budget. Ang aking asawa ay part timer lamang kaya halos hindi nagkakasya sa amin ang kanyang kinikita. Malaki ang pasasalamat ko sa noise.cash dahil nasasagip kami nito sa oras ng kagipitan.
Nakakabili ako ng gatas, diaper, prutas, gulay at mga snacks ng aking mga anak gamit ang aking kinita sa platform na ito. Minsan nabibigyan ko rin ng pang-gasolina ang aking asawa para makabyahe ng maayos hanggang sa gabi o kaya naman ay madaling araw.
2) Kaalaman
Marami akong natutunan sa mga bagay bagay na ibinabahagi ng mga noise.cash user. Mapa-crypto man, buhay nanay at buhay may-asawa. Iba't-ibang bagay ang malalaman mo at matutunan mo lalo na kung marami kang chamber at channel na sasalihan dahil marami ang nagbabahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa buhay. Magkakaroon ka ng maraming ideya kung paano malukutas ang isang bagay na walang kahirap hirap sa tulong ng komunidad. Matututo ka din ng mga bagay sa pagluluto at mga hacks paraat tipid tips na mas mapapadali ang mga gawaing bahay at marami pang iba.
3) Puhunan
Sa tulong ng noise.cash nabigyan ko ng maliit na puhunan ang aking kapatid upang makapag-simulang magtinda sa probinsya namin kahit kaunti lang. Sa ganitong paraan matututo syang makisama sa mga taong nakakahalubilo nya sa kanyang pagtitinda at pamimili. Tinuruan ko sya ng mga tips kung paano kikita kahit paunti-unti gamit ang puhunan na ibinigay ko.
*Kapag nakakaipon ako minsan ay bumibili ako online ng mga kakanin, prutas at gulay sa mga kakilala ko na malapit sa aking pamilya upang pagsaluhan nila.
4) Kaibigan
Kahit saang sulok man ng mundo mararating ng mensahe mo gamit ang iyong social media account dahil mas pinabilis ang koneksyon ngayon. Katulad ng noise.cash marami ang nakakabasa ng mensaheng iyong ibinahagi na maaring maging daan para makahikayat ka at makakuha ka ng simpatya sa mga tao. Marami na din akong nakakausap kahit sa comment section lang na nakagaanan ko na ng loob at itinuturing ko ng virtual na kaibigan. Iba't-iba man ang aming pinagmulan, paniniwala at kulay ay nagkakasundo kami sa ilang bagay. Hindi madali magtiwala sa mga tao ngayon lalo na social media pero mas mainam pa din na subukan na magtiwala at maglagay lamang ng hangganan sa pakikipag-ugnayan.
5) Investment
Itinuturing kong investment ang pagbili ko ng cellphone noong ika-24 ng buwan na ito bagamat sa paningin ng iba ay ito ay karangyaan. Maaring sabihin ng iba na bumababa ang halaga ng cellphone at hindi ito magandang investment. Oo, tama sila sa puntong bumababa ang halaga ng cellphone habang tumatagal ngunit magandang investment pa rin ito lalo na kung gagamitin mo sa kabuhayan at sa mga platform o site na pwedeng pagkakitaan. Magiging karangyaan lamang ito kung wala ito ay gagamitin mong disenyo ng iyong katawan at personalidad.
Marami na ang kapakinabangan ng cellphone sa panahon ngayon. Kadalasan sa mga nag-oonline seller ay cellphone ang kanilang ginagamit upang makabenta sa pamamagitan ng facebook at iba pang platform. Kung ikaw naman ay may anak na nag-aaral at kailangan magresearch o virtual na ang kanilang pag-aaral ay labis din itong mapapakinabangan.
Ang noise.cash at read.cash ang isang patunay na ang cellphone ay isang magandang investment lalo na kung ikaw ay masipag at mahusay gumawa ng artikulo at magbahagi ng mga bagay na may kabuluhan. Siguradong doble pa ang babalik pa saiyong halaga kapag nagsumikap ka.
6) Magandang Karanasan
Bahagi na ng araw-araw kong pamumuhay ang noise.cash at masasabi kong maganda ang karanasan ko dito dahil lahat ay maganda ang naidulot nito. Siguro minsan nalulungkot ako lalo na kapag mababa ang nakukuha kong tip pero mas nangingibabaw pa rin ang aking positibong pananaw dahil alam kong pansamantala lamang iyon at baka nangangahulugan na kailangan ko ng improvement at magbahagi ng may mas kabuluhang talata o parirala.
Sa anim na buwan kong pamamalagi sa site ng noise.cash ay marami ang natutunan ko at mas lumawak lalo ang aking pang-unawa sa mga bagay-bagay. Naturuan din ako nito na magkaroon ng mahabang pasensya, kung paano makisama sa iba't-ibang uri ng tao at magbigay ng walang hinihinging kapalit. Malaki ang aking pasasalamat sa Panginoon dahil natagpuan ko ang site na ito. Nagpapasalamat din ako sa mga taong nasa likod ng platform na ito dahil kung hindi sa kanila ay hindi kami magkakaroon ng opportunity malaman ang sa tungkol bitcoin cash at kumita sa pamamagitan nito.
Maraming salamat po!