Bakit may mga batang lumalaking suwail sa magulang?

0 301
Avatar for rosienne
4 years ago

Sa kabila ng pag-aalaga at pagmamahal ng isang magulang sa anak bakit nga ba may mga anak na lumalaki pa ring suwail o rebelde sa magulang?

Ating tukuyin ngayon ang mga dahilan at pinagmulan ng ugaling ito ng mga bata na maaaring madala nila hanggang sa kanilang pagtanda. At bilang magulang paano natin sila mailalayo sa bawat anyo ng masama at matutulungan upang makaiwas sila sa mga gawaing ito.

Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit sila nagrerebelde at sumusuway sa kanilang mga magulang.

  • Hindi sila nagabayan ng magulang noong mga panahon ang kanilang isip ay naghahanap ng tamang kasagutan at noong mga panahon ang kanilang emosyon ay naghahanap ng agarang atensyon.

  • Hindi ikinokonsedera ng magulang ang kanilang suhestiyon at hinaing dahil sila ay bata pa lamang dahil ang alam ng isang magulang sya ang mas nakakaalam ng mabuti para sa kanyang anak. Ngunit may mali dito, kailangan pa rin silang mapakinggan at mailabas ang kanilang saloobin upang lumaki silang bukas sa kanilang mga magulang at pamilya.

  • Lumaking nakakakita ng palagiang away sa loob ng tahanan. Ang sigawan at away na nakikita at naririnig nila ay labis na nakakaapekto sa mental at emosyon ng bawat miyembro ng pamilya. Lumalaki silang may lihim na galit at sama ng loob dahil sa away ninyong mag-asawa na hindi ninyo na nakukuhang pagtuunan ng pansin ang kanilang nararamdaman.

  • Ang paghahalintulad sa mga kapatid ay maari ding pagsimulan ng pagrerebelde ng isa. Makakaramdam ng inggit sa kapatid imbes na sana ay pagmamahal. Ito ay dahilan na rin sa mas nakikita ng magulang ang mas nakakaangat sa miyembro ng pamilya at ang isang mahina ay nababalewala na lang.

  • Maaaring pagsimulan ng pagrerebelde ng anak kung mismong ang magulang ay rebelde at bastos din sa kanyang magulang at sa mga nakakatanda. Maaring namana nya ito saiyo dahil lumaki sya na ito ang nakikita nyang gawain mo.

  • Maaring naimpluwensyahan sya ng kanyang kabarkada o kamag-anak o ng kung sinumang madalas niyang nakakasama.

  • Nagkulang ang magulang sa paggugol ng sapat na oras, atensyon at pagmamahal sa anak.

  • Maari din lumaki silang hindi naturuan ng "good manners and right conduct".

  • Maaring sa kanya mo naibubuhos ang iyong galit. Sya ang lagi mong nasisigawan kung kaya't lumaki sya na may matigas na puso at hindi ka pinapakinggan. Maaring lagi mo syang sinisisi sa mga bagay-bagay na hindi naman talaga siya ang may kasalanan.

  • May mga bagay na gusto syang patunayan na hindi niya nagawa kung kaya't nauwi sya sa maling pamamaraan.

Iba-iba man tayo ng pamamaraan sa pagdidisiplina ng ating mga anak lagi nating tatandaan na mahalaga din na mapakinggan din natin sila. Ang pang-unawa at haba ng pasensya ay lubos nating kailangan upang makita nila sa atin ang pagmamahal at kahalagahan nila bilang miyembro ng pamilya. Mahalagang napapayuhan sila ng maayos tuwing sila ay nagkakamali. Mahalagang maiparamdam natin sa kanila ang ating pagmamalasakit at tunay na pagmamahal.

Upang maiwasan ang pagrerebelde ng iyong anak subukan ang mga sumusunod sa ibaba:

  • Habang bata pa lamang sila turuan natin silang lumapit sa Diyos kapag sila ay may problema at pangangailangan. Sa ganitong paraan hindi sila basta-basta lalapit sa kung sinu-sino lang na maaaring maghatid sa kanila sa kapahamakan.

  • Tulungan natin sila na umunawa sa mga bagay at mga pangyayari sa sanlibutan. Gumamit ng angkop na salita lalo na kung bata pa ang iyong tuturuan.

  • Maglaan ng sapat na oras sa kanila at bigyan sila ng nararapat na atensyon kung kinakailangan.

  • Iparamdam sa kanila oras-oras o araw-araw na mahal at mahalaga sila sa atin.

  • Iwasan ang paghahalintulad sa mga magkakapatid, kamag-anak at sa ibang tao. Mahalagang lumaki silang magkakasundo at nagmamahalan kaysa lumaking may inggitan.

  • Ituro sa kanila ang kahalagahan ng buhay at ang tamang pamamaraan ng pakikisama sa mga tao sa loob at labas ng bahay.

  • Huwag silang imungkahi sa galit. Huwag mo silang hahamunin na para bang may kompetisyon sa inyong pagitan.

  • Huwag silang hayaan na gumawa ng pagkakamali at kasalanan na hindi nila pagsisisihan.

*Sa mga bata pa pwede silang paluin at pagalitan upang magtanda at matakot na gawin uli ang kanilang nagawang kasalanan.

*Sa mga may edad na, maaaring bigyan sila ng leksyon at karampatang parusa katulad ng pagiging "grounded".

*Kausapin silang mabuti tungkol sa mga bagay na nagawa nila upang hindi nila bigyan ng maling pagpapakahulugan.

Mahirap magpalaki at magdisiplina ng anak ngunit mas mahirap na lumaki silang walang takot sayo at higit sa lahat sa Diyos. Malaking tungkulin ang nakaatang sa ating balikat bilang magulang. Hindi biro ang mga bagay na pagdadaanan natin sa pagpapalaki ng anak. Tayong mga magulang ay kailangan nating magpakatatag upang matulungan natin ang ating mga anak kung paano humarap sa mga problema at pagsubok sa buhay. Mahalagang may gumagabay pa rin sa kanila hanggang sa pagtanda.

4
$ 0.99
$ 0.99 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
4 years ago

Comments