Bagong Taon: Bagong Buhay at Pag-asa

0 8039
Avatar for rosienne
3 years ago

Tuwing sasapit ang bagong taon nauuso ang katagang New Year's Resolutions. Ito ang mga bagay na gusto mong baguhin sa iyong sarili at mga bagay na gusto mong maabot sa hinaharap. Lahat tayo ay may kanya-kanyang adhikain sa buhay. Ito ang mga bagay na nagpapalakas ng ating kalooban upang magpatuloy na lumaban at harapin ng may tapang ang bawat darating na problema at mga hadlang. Ngunit bakit may ilan sa atin ang nagpapasyang magbabago tuwing magbabagong taon lamang? Ito ay marahil na rin sa ating nakaugalian. Tuwing magbabagong taon ito ay pinaniniwalaang magandang simula ng pagbabago para sa lahat. Hindi natin ito maitatanggi dahil halos ng pangyayari ngayong taon ay nakakapanlumo at nakakakilabot. At inaasahan natin na pagsapit ng taong 2021 ay magkakaroon ng pagbabago ang lahat.

Inaasahan ko na sa susunod na taon ay magkakaroon ng pagbabago sa ating lahat. Isipin natin ang mga bagay at pangyayari na lubos nating pinagsisihan at tiyakin natin sa ating mga sarili na hindi na mauulit pa ang mga ito. Hindi na natin gagawin ang mga bagay na makakasakit sa ating kapwa. Sa nakikita nating mga pangyayari nito lamang mga nakalipas na buwan alam kong bawat isa sa atin ay nagbago na ang pananaw sa buhay. Nagbigay ito sa atin lahat ng kaliwanagan sa ating isipan at sa ating mga puso. At nakasisiguro ako na halos lahat sa atin ay nangangako ng mag-iipon sa susunod na taon at pipilitin ng baguhin ang lahat ng masamang nakaugalian.

Hatid ng bagong taon ang bagong pag-asa na inaasam-asam ng bawat mamamayan. Ngunit kung tutuusin hindi natin kinakailangang hintayin ang bagong taon upang magbago. Hindi ang taon ang magpapabago sa ating mga sarili kundi tayo mismo. Sa ating mga sarili magsisimula ang pagbabago dahil kahit ilang taon pa ang lumipas at magdaan wala itong silbi kung ayaw talaga nating magbago. Kung gusto natin ng pagbabago simulan natin sa ating mga sarili at huwag puro sisi sa ibang tao.

Narito ang ilang mga bagay na dapat nating baguhin sa ating sarili

  • Huwag titingin sa pagkakamali at kasalanan ng iba dahil lahat naman tayo nagkakasala. Huwag mo silang gayahin lalo na kung alam mong mali ang kanilang ginawa. Huwag mo itong gawing oportunidad upang subukan ang mga ipinagbabawal.

  • Huwag mong isisi sa no tao ang iyong kasalanan. Matuto kang tumanggap ng iyong pagkakamali at humingi ng kapatawaran sa taong nagawan mo ng kasalanan.

  • Iwasan ang pagiging magagalitin. Kahit saan mang anggulo mo tingnan wala itong maibubungang maganda. Nakakahawa ang pagiging mainitin ang ulo kaya habang may panahon pa pag-aralan mong kumalma at maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon. Maaari itong magdulot ng karamdaman sa puso kapag tumagal na. Huminga ng malalim at pag-aralan pigilan ang iyong damdamin.

  • Huwag maging mayabang kundi pag-aralan ang pagiging mapagpakumbaba sa kapwa. Tandaan na kung ano man ang mayroon ka dito sa mundong ibabaw ay hindi mo ito madadala sa hukay. Alalahanin ang kasabihang "Bilog ang mundo" hindi sa lahat ng pagkakataon ikaw ang laging nasa itaas. Huwag masyadong taasan ang tingin sa sarili.

  • Huwag maghangad ng kalabisan kundi matutong makuntento sa mga bagay na mayroon ka. Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkatataon at ng mga bagay na ibinibigay sayo. Magpasalamat ka sa anumang bagay na dumarating saiyo, maliit man o malaki ito. Pahalagahan mo ito.

  • Huwag sumuko agad. Maging matapang sa pagharap sa hamon ng buhay. Sabi nga nila "Try and try until you succeed." Masarap namnamin ang tagumpay galing sa iyong pinaghirapan. Magtiwala sa iyong sariling kakayahan at huwag pansinin ang mga sinasabi saiyo ng ibang tao.

  • Umiwas sa lahat ng anyo ng masama katulad ng mga bisyo at barkada na may masamang impluwensiya sa iyong pagkatao. Huwag paglaanan ng oras ang mga walang kabuluhang mga bagay katulad ng paglalaro online na maaaring magdulot saiyo ng pagkalulong dito. Ang pagkalulong sa mga online games ang lubhang makakaapekto sa iyong focus sa isang bagay katulad ng trabaho at pag-aaral. Maaari mo ring mapabayaan ang iyong kalusugan dahil dito. Pagsisimulan din ito ng away sa buhay may-asawa dahil hindi ka na nakakatulong sa mga gawaing bahay dahil abala ka sa paglalaro. Tanggalin mo ang mga bagay na maaaring makaapekto sa iyong hanap-buhay, relasyon at sa iyong mga pangarap.

  • Umiwas sa mga bagay, pagkain at libangan na makakasira sa iyong kalusugan. Di bale ng mahirap basta hindi sakitin. Kapag malusog tayo maraming mga bagay ang ating magagawa ng walang pag-aatubili. Pahalagahan ang kalusugan upang mamuhay ng masaya at tahimik.

Araw-araw ay isang bagong panimula at pag-asa para sa ating ang lahat ang naghihintay. Nasa ating mga kamay kung sa paanong paraan natin ito gagamitin. Hindi kailangang maghintay ng bagong taon upang magbago dahil sa sarili magmumula ang minimithing pagbabago at ang pag-asa ay nasa kamay ng isang tao. Habang hindi pa huli ang lahat tayo ay magbago.

3
$ 5.92
$ 5.92 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments