Anong uri ng kapit-bahay ka?

2 66
Avatar for rosienne
2 years ago

Pag-usapan natin ngayon ang iba't-ibang uri ng kapit-bahay sa ating komunidad. Naisipan ko lang gawing article ito dahil naalala ko ang mga kapit-bahay ko sa probinsya namin sa Bicol. Halika at isa-isahin natin ang mga uri ng kapit-bahay natin.

Masipag at Maagap

Ikaw ba ang kapit-bahay na madaling araw pa lang ay gising na gising na? Nagwawalis na ng bakuran at nakapagluto na ng almusal? Sa probinsya, madaling araw pa lang ay marami ka ng maririnig na kaluskos ng mga kapit-bahay lalo na mga matatanda. Ang mga matatanda doon sa probinsya namin alas kwatro pa lang ng umaga ay gising na. Maaga din kasi sila natutulog, alas syete o alas otso ay tulog na sila. Sa totoo lang hindi naman tamad ang mga tao sa probinsya sadyang mahirap lang talaga ang buhay doon dahil walang masyadong regular na hanap-buhay at trabaho.

Mapagbigay

Naalala ko pa bata pa lang ako mababait ang kapit-bahay namin at mapagbigay. Lagi silang nagbibigay ng pagkain tuwing may handaan o okasyon sa kanila. Minsan kapag nakakaluwag-luwag sila ay namimigay ng ulam lalo na kapag marami silang niluto. Mayaman sa prutas sa probinsya katulad ng saging, bayabas at guyabano kaya madalas ay namimigay din kami sa mga kapit-bahay namin lalo na kapag maraming pinuputol na puno ng saging si papa.

Maingay

Umaga pa lang ay may maririnig ka ng sigawan lalo na ang mga nanay na bungangera. Tila hindi napapagod ang kanilang bunganga sa kakatalak. May madalas din mag-away na mag-asawa dahil sa bisyo ng mga lalaking asawa katulad ng sabong, sugal at alak. Minsan kahit madaling araw na ay may maririnig ka pang nag-aaway na mga lasing o di kaya naman ay nagkakantahan. Noong hindi pa uso ang videoke ay tanging gitara lang ang ginagamit na panghimig habang umaawit subalit ngayon na nauso na ang videoke ay may mga kapit-bahay na tila walang konsidersyon sa kapwa nila dahil kahit madaling araw na ay maingay pa rin sila at nagkakantahan habang nag-iinuman.

Tsismosa at inggetera

Maaga pa lang nasa kanto na para makipag-tsismisan sa mga kapwa kapit-bahay na walang magawa sa buhay kundi ang pag-usapan ang buhay ng mga tao sa paligid nila. Kahit naman sa social media ay hindi mawawala ang mga taong nangingi-alam sa buhay ng iba. Talamak ito sa mga probinsya dahil sa probinsya walang masyadong libangan ang mga tao kundi ang mag-usap usap kahit wala ng uwian. Kadalasan sila din yung mga kapit-bahay na naiinggit sa kung anong meron ka kaya sinisiraan ka na lang nila. Akala ng ibang tao kapag siniraan ka nila ay aangat sila sa paningin ng iba.

Matulungin

Hindi mawawala ang mga matulunging kapit-bahay lalo na sa malaking handaan. Lalo na sa mga emergency cases lagi silang maaasahan. Naalala ko pa noon tulong-tulong ang mga tao na maglinis ng mga balon para mapanatili ang malinis na tubig, naglilinis sa gilid ng kalsada at nagpuputol ng sobrang sanga ng mga punong-kahoy. Marami din ang mga nagbu-volunteer na maglinis sa plaza at Brgy. Hall.

Magalang

Isa ka ba sa mga batang magalang na lahat ng madadatnan at makakasalubong ay binabati at ikaw ay laging nagmamano? Noong nasa probinsya ako kapag may matanda na pumupunta sa bahay namin ay lagi kaming tatawagin nila mama at papa para magmano. Mahirap lang kami pero masaya ako na naturuan ako ng mga magulang ko na maging magalang sa kapwa-tao.

Ang mga nabanggit ko sa itaas ay ilan lamang sa mga magagandang katangian ng mga kapit-bahay at ilan din na mga hindi magandang katangian. Medyo nalulungkot ako dahil ang kapit-bahay namin dito ay hindi namin kasundo dahil sa away-kalsada. Ayaw kasi ng matanda na may nagpapark sa kanilang harapan. Ngunit hindi naman nila pag-aari ang kalsada na yun kahit pa nasa harapan nila. Masungit ang matanda na kapit-bahay namin at napag-alaman namin na wala pala talaga iyong nakakasundo dahil ugali nito. Marami na pala syang naka-away dahil nya masungit sya at hindi maganda magbitaw ng mga salita. Ang mga ibang kapit-bahay namin ay hindi ko alam ang mga pangalan, kilala ko lamang sila sa mukha at hindi man lang namin nakaka-usap. Malayong-malayo sa probinsya kong pinagmulan. Sa probinsya ay halos lahat kilala ko ang mga tao sa buong barangay. Samantalang dito sa tinitirhan namin ngayon ay wala man lang halos kaming kakilala at maka-usap. Ang mga bahay dito ay halos natatabunan ng mga nagsisilakihan at nagsisitaasang mga bakod at gate.

2
$ 1.24
$ 1.24 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments