Ang mabilis na pagkalat ng sakit na Covid-19 sa buong mundo ay nagdulot ng labis na takot at pangamba puso ng bawat tao. Ang sakit na ito ay walang pinipili, bata man o matanda, ordinaryo man o sikat at kilalang indibidwal ay maaaring dapuan ng sakit na ito.
Dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng covid-19 sa bawat bansa nagkaroon ng hinala ang mga tao sa kanilang kapwa lalo na kapag narinig nila itong umubo, suminghot at bumahing ay napagkakamalan na ito ay sanhi ng lumalaganap na sakit at nilalayuan nila ito sa takot na baka sila mahawa.
Ang takot na dulot ng pandemya ay nagdudulot ng pagkabalisa sa mga tao sa pag-aakalang sila ay mahawa at magkaroon ng sakit na ito. Ang simpleng pagkakaroon ng runny nose at sakit ng ulo ay nagdudulot ng malubhang pag-aala dahil isa ito sa mga sintomas ng lumalaganap na covid-19. Ang takot na baka mahawa sila at ang kanilang mga mahal sa buhay ay labis na nakaapekto sa kaisipan ng isang tao. Isama mo na dito ang laki ng bayarin sa ospital kapag ikaw ay nadiagnose na may sakit na covid-19.
Marami rin ang nawalan ng trabaho at hanap-buhay dahil sa pagpapatupad ng quarantine at lockdown sa bawat bansa. Marami sa ating mga kababayan ang nagutom dahil hindi napaghandaan ang mga posibilidad na dulot ng pandemya.
Dito sa Pilipinas, marami ang nawalan ng trabaho na dulot ng pagsara ng mga kompanya at pabrika. Marami ang napilitang umuwi sa kani-kanilang mga probinsya sa kadahilanang wala na silang makain, matuluyan at naubos na rin ang kanilang mga ipon. Marami din ang mga umuwi na naglakad lamang dahil walang masakyan. Sila ay nagtiis na maarawan at maulanan, magutom at mauhaw upang makauwi lamang sa kani-kanilang mga bayan.
Sa tulong ng Dios tayo ay magkakaroon ng katahimikan sa ating mga kaisipan. Maiiwasan natin mag-isip ng mga negatibo at mababawasan ang labis na pag-aalala sa mga bagay at pangyayari sa sanlibutan.
Sa kabila ng pagkabalisa at takot na nararamdaman ng bawat nilalang mahalaga na magkaroon ng positibong pananaw sa buhay upang mapagtagumpayan ang problema sa buhay. Ang pagkakaroon ng tiwala sa magagawa ng Dios ay magbibigay ng lakas ng loob at katahimikan sa puso at isipan ng bawat isa.
Nitong mga nakaraang buwan lamang ay marami ang nasalanta ng malalakas na bagyo, pagguho ng mga lupa at matinding pagbaha. Matinding takot, kalungkutan at pagkabalisa ang naging dulot nito sa mga tao na apektado ng mga kalamidad na ito. Marami ang nawalan tirahan, hanap-buhay, at ari-arian. May ilan na labis na nangulila sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ang mga ganitong suliranin sa buhay ang nagbibigay ng kahinaan at labis na pagdaramdam at tila nawawalan na ng dahilan upang magpatuloy sa buhay. Ang kawalan ng pag-asa na dulot ng mga mabibigat at katakot takot na pangamba ay malalagpasan mo lamang kung ikaw ay mayroong positibong pananaw sa kabila ng mga pangyayaring ito. Makakatulong din ang pagkakaroon ng tiwala sa makakayanan ng Dios upang maiahon kang muli at mabigyan ng linaw ang iyong kaisipan na mayroong pang pag-asa sa iyong buhay.
Hindi ito madali ngunit sa tulong ng iyong sariling kakayahan at pamilyang handang sumuporta sa iyong mga hakbang malalagpasan mo ang iyong mga problema, pagkabalisa at kalungkutan.
Ang taong mayroong positibong pananaw sa buhay ay hindi nababalisa at natatakot sa mga problema na maaaring dumating sa kanya. Hindi nya hinahayaan na matalo siya ng problema dahil naniniwala sya na may Dios na tutulong at sasaklolo sa kanya sa kagipitan.
Ayon din sa pag-aaral ang pagkakaroon ng tiwala sa Dios ay mayroong magandang benepisyo sa kalusugan. Ang pagkakaroon ng masayang puso at positibong pananaw sa buhay ay nakakatulong upang gumaling agad ang iyong karamdaman.
Kawikaan 17:22
Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni't ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.
Kawikaan 15:13
Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
Sa kabila ng kapaitan sa buhay mayroon pa ring natitirang dahilan upang ngumiti at maging masaya kabilang na dito ang mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan na sa atin ay sumusuporta. Ang paggising sa umaga ay isang malaking biyaya galing sa Dios kaya huwag nating sayangin ang ating buhay sa mga pait, lungkot at pighating ating nararanasan. Maging positibo tayong lahat upang tayo ay magtagumpay sa hamon ng buhay.