Ang hirap maging mahirap

0 1543
Avatar for rosienne
3 years ago

Sabi nila kasalanan na daw ng tao kung ipinanganak kang mahirap ay tatanda at mamatay ka pa ring mahirap. Sa iyong palagay tama ba ang kaisipang ito? Marami kasing salik na dapat munang tingnan at pag-aralan kung bakit may mga mahihirap na hindi nakakaahon sa buhay at hindi man lang nila naranasan ang kaginhawahan bago sila pumanaw. Hindi rin natin masisisi ang ilang mamamayan kung bakit mas pinipili nilang mamuhay ng simple lamang at hindi na sila naghahangad pa ng karangyaan sa buhay.

Bakit nga ba ang mga mahihirap ay lalo pang humihirap?

May mga pagkakataon na umaasenso ang isang tao ngunit sa pagtagal ng panahon ay tila nakikipaglaro ang tadhana at biglang nagbabago ito. Alam naman natin lahat na ang buhay ay parang gulong na paikot-ikot lamang, minsan tayo ay nasa itaas at minsan naman ay nasa ibaba. Ang pagbabago ng panahon o henerasyon ay nagdudulot ng malaking pagkakaiba-iba ng pamamaraan sa buhay. Ang pag-unlad ng teknolohiya na tila ninanakaw ang kaalaman at kakayahan ng ilang karaniwang mamamayan ay nagdudulot ng malaking pinsala sa kabuhayan ng mga kaliitan. Idagdag mo pa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado na lalong gumigipit sa mga mahihirap nating kababayan. Kaalinsabay pa nito ang mga tiwali at corrupt na opisyal ng gobyerno na nagnanakaw ng pera ng taumbayan.

Kung ikaw ay pangkaraniwang empleyado na kumikita ng minimum wage lamang ay mahihirapan kang igapang ang iyong pamilya at maaari ka pang mabaon sa utang. Halimbawa na lamang dito sa Pilipinas ang minimun wage sa kalakhang Maynila ay naglalaro sa P500-537 kada araw samantalang sa probinsya ay P300-400 lamang. Napakababa ang kitang ito para sa may pamilyang binubuhay. Ngayon papano mo ito pagkakasyanin araw-araw? Ibawas mo na dito ang pagkain, pamasahe(papunta at pabalik sa trabaho) at iba pang gastusin sa bahay. Paano pa kapag may anak ka na nag-aaral? Paano kapag ikaw o sinumang miyembro ng iyong pamilya ay magkasakit pa? Paano ka makakaipon sa kakarampot na pasahod na halos kulang pa sa pagkain ng isang buong pamilya? Isa pa lamang ito sa mga dahilan kung bakit may mga mahihirap na lalong humihirap.

Ang isa pang dahilan kung bakit lalong humihirap ang marami nating kababayan ay ang mga sunod-sunod na sakuna at hagupit ng kalikasan. Ito ang mga bagay at mga pangyayari na hindi natin malalabanan sa kahit na anong paraan. Ang mga kababayanan natin na naghihirap sa buhay ay mas lalong mahihirapang bumangon sa pananalasa ng bagyo, pagkakaroon ng matinding pagbaha, pagguho o malakas na lindol at ibang sakuna katulad ng sunog at minsan ay biktima pa ng panlilinlang at pagnanakaw.

Kung ikaw ay lumaki at galing sa mahirap na pamilya ay malaki din ang posibilidad na ikaw ay hindi makapagtapos ng pag-aaral. Maliit ang pagkakataon at oportunidad ng isang mahirap na indibidwal kumpara sa ibang tao na may kakayanan na matustusan ang kanilang pangangailangan at kagustuhan sa buhay. At kapag ikaw ay laki sa hirap ay maliit at mababa din ang tingin saiyo ng mga tao na nagbibigay sa atin ng negatibong kaisipan at kawalan ng pag-asa na magtagumpay sa hamon ng buhay.

Hindi madali ang pinagdadaanan ng mga mahihirap nating kababayan at minsan ay nalalagay pa sa kapahamakan ang kanilang buhay dahil sa pagkapit sa patalim makaraos at maibigay lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw-araw. Ang kahirapan ang isa sa mga dahilan at nag-uudyok sa isang tao upang makagawa ng kasalanan at mga gawaing masama. Tunay nga na mahirap maging mahirap dahil limitado lamang ang iyong kakayahan sa lahat ng bagay dito sa mundong ibabaw.

Epekto ng kahirapan sa buhay ng isang tao

Naaapektuhan ng kahirapan ang pamamaraan ng kaisipan, pamumuhay at abilidad ng isang tao. Ito ay maaaring magdulot ng negatibo at positibong pananaw sa buhay ng isang tao. Maaring magdulot ito ng kahinaan ng loob, mababang tingin sa sarili at kawalan ng tiwala sa sariling kakayahan at sa ibang tao na mas lalong magpapahirap sa pagdedesisyon at pamamaraan sa buhay. Maaaring magkaroon ng agam-agam, alalahanin at takot na sumubok na magtagumpay sa buhay dahil na rin sa kawalan ng pagpapahalaga at tiwala ng ilang tao sa mahihirap na kababayan.

Kung ikaw man ay nakakaangat sa buhay ay matuto kang magpasalamat dahil sa iyong katayuan sa buhay hindi mo nararanasan ang mga bagay na katulad ng sa .ga mahihirapan. Huwag kang maging kampante at mayabang sa mga bagay na mayroon ka dahil ito ay maaring mawala saiyo sa isang iglap lamang. Matuto kang magpakumbaba. Igalang mo ang mga taon sa iyong paligid anuman ang katayuan nila sa buhay. Hanggang maaari at kung iyong makakayanan at matuto kang bumahagi sa kanilang kawalan at kasalatan sa buhay at gawin mo ito ng bukal sa iyong kalooban upang mapagaan mo ang kanilang pakiramdam at matulungan mo sila kahit sa maliit na paraan.

Mahirap man ang buhay dito sa lupa lagi natin tandaan na may buhay pa sa langit na walang hanggan. Huwag mabahala dahil ang kahirapan na iyong nararanasan dito sa kalupaan ay pansamantala lamang.

3
$ 1.27
$ 1.27 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments