Ang hirap maging ilaw ng tahanan

0 19
Avatar for rosienne
2 years ago

Hindi madali maging isang magulang lalo na ang maging isang ina na nagsisilbing ilaw ng tahanan. Ang akala ng iba ay masarap ang buhay namin kapag kami ay nasa bahay lang. Hindi man kami kumilos ng gawaing bahay tiyak na umiikot at gumagana pa din ang utak namin kaka-isip sa mga problema katulad ng mga bayarin, mga gawaing bahay, mga paraan paano namin maturuan ang aming anak ng magandang asal at kung paano kami magiging enough sa aming kasama sa buhay. Ang gawain bahay ay walang tigil lalo na kapag marami ka ng anak. Walang tigil ang pagluto, paglaba, paghugas, paglinis at pag-alaga sa mga bata. Araw-araw yan ang mga gawain namin. Samahan pa ngayon ng module dahil sa pandemya. Dagdag pagsubok sa aming mga nanay ang modular class na dulot ng pandemya, hanggang kasi ngayon ay hindi pa pinahihintulutan ang face-to-face class sa aming lugar. At kung sakali man na maaprubahan na ito tanging ang mga estudyanteng bakunado lamang ang maaaring pumasok sa paaralan at ang mga hindi bakunado ay mananatili sa modular class learning system. Dagdag stress ito sa amin dahil hindi naman kami katulad ng mga teachers na nag-aral ng effective learning strategy para sa mga estudyante. Ngunit kapag natatapos namin ang gawain ay isang malaking katiwasayan ito sa isip at puso naming mga nanay.

Isa pa sa nagbibigay ng pressure sa amin ay ang mga taong laging nakikita kung paano namin alagaan ang aming mga anak. Mahirap mag-alaga at magpalaki ng anak lalo na kung sunod-sunod ang iyong pagbubuntis. Katulad ng sitwasyon ko ngayon mayroon akong 3 months old baby at 1 year & 8 months old na tandem breastfeeding. Ang hirap dahil minsan kailangan ko ng magluto ngunit di ako maka-alis sa higaan dahil pinapadede ko pa sila. Hindi ko naman pwedeng awatin sa pagdede ang aking 1 year old na anak dahil hindi naman kayang i-sustain ng asawa ko ang pagbili ng gatas dahil may binabayaran pa sya ngayon buwan buwan na motor loan. Kailangan ko munang magtiis hanggang sa maging ok na ang lahat. Kahit minsan mabigat sa kalooban na makarinig ng hindi magandang salita ay ayos lang, parte na iyon ng buhay.

Minsan nakakalungkot lang kasi may mga taong ikukumpara nila ang iyong ginagawa at sa kung paano nila pinalaki ang kanilang mga anak. Normal lang na magkakaiba tayo ng paraan sa pagpapalaki ng ating mga anak dahil magkaka-iba ang mga sitwasyon natin. Unang-una hindi tayo perpekto. Pangalawa habang tayo ay tumatanda ay nag-aaral pa din tayo at natututo sa mga bagay at pangyayari sa sanlibutan at higit sa lahat likas na sa atin ang magkamali dahil tao lang naman tayo. Sa ating pagkakamali doon tayo natututo kaya walang masama doon. Hinuhubog nito ang ating kakayahan upang malagpasan natin ang mga unos sa buhay kabilang na ang mga sasabihin ng mga taong nakapaligid sa atin.

Bilang isang ina halos wala ka ng oras sa iyong sarili dahil mas inuuna mo ang iyong mga anak at gawaing bahay. Magkaroon ka man ng libreng oras ay mas pipiliin mo na lang magpahinga kesa pumunta kung saan. Kung isa lang naman ang iyong anak ay marami ka pang oras kumpara sa marami ang anak na halos hindi na magkamayaw sa mga gagawin dahil sa dami ng aalagaan. Minsan hindi tayo mauunawaan ng mga tao sa paligid natin. Akala nila ay nagdadrama lang tayo pero ang totoo kailangan natin ng tulong at hindi ng kung anu-anong mga salita at panghuhusga.

Sa mga kapwa ko ina, tatagan po natin para sa ating mga anak. Huwag tayong sumuko dahil lang sa mga hindi magagandang pangyayari at tanawin sa ating paligid. Gawin na lang natin itong motivation para malagpasan natin ang mga pagsubok. At higit sa lahat tingnan natin ang ating mga anak na silang nagbibigay ng kakaibang lakas upang magpatuloy tayo sa laban ng buhay. Huwag din nating kalilimutan na mayroon tayong asawang umaasa sa atin upang mag-alaga sa kanyang maiiwan habang sya ay nasa trabaho. Sila ang gawin nating inspirasyon upang maging masaya tayo kahit madaming problema ang ating kinakaharap araw-araw.

1
$ 1.13
$ 1.13 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments