Alam mo ba kung bakit hindi ka masaya?

0 1367
Avatar for rosienne
3 years ago

Maraming bagay ang nagdudulot ng kasiyahan sa isang tao ngunit karamihan sa mga ito ay panandalian at pansamantala lamang. Maaring ang makapagbigay ng saya sa iyo ay pera, mga materyal na bagay, karangalan at papuri at mga mahal sa buhay ngunit ang mga bagay na ito ay maaari din namang magdulot saiyo ng kalungkutan. Karamihan sa mga tao ya hindi masaya dahil walang pera ngunit hindi dapat ito ang sukatan para ikaw ay maging masaya. May iba pang mga dahilan kung bakit hindi ka masaya na maari mong malagpasan ng hindi mo kinakailangan ng pera. Kaya ngayon ay talakayin natin ang mga dahilan kung bakit hindi ka masaya sa buhay mo. Tunghayan ang mga sumusunod.

1) Hindi ka kuntento sa kung anong mayroon ka at naghahangad ka ng mga bagay na mayroon ang ibang tao. Tandaan na hindi nasusukat sa dami ng pera, materyal na bagay at karangalan para masabi mo na masaya ang isang tao. Magiging masaya ka lamang kung kuntento ka sa mga bagay na mayroon ka sa buhay mo.

2) Mahilig kang magkumpara sa ibang tao. Kung lagi mong napupuna ang wala saiyo at mayroon ang iba magkakaroon ka ng malaking problema sa kasiyahan mo. Maaaring makaramdam ka ng inggit na pagmumulan ng lungkot at hinanakit sa buhay. Tingnan mo ang mga bagay na mayroon ka at wala sa iba. Iwasan mong ikumpara ang iyong sarili sa ibang tao dahil likas sa atin ang pagkakaiba-iba.

3) Wala kang tiwala sa iyong sarili at puro ka duda kaya hindi ka masaya. Wala kang masisimulan at mararating sa buhay kung puro duda ang paiiralin mo. Kailangan mong magtiwala sa iyong sarili para maisakatuparan mo ang mga harangin mo sa buhay na makakapagpasaya saiyo pagdating ng nakatakdang araw. Ang duda ay nagdudulot ng takot at pag-aatubili na gawin mo ang mga bagay na gusto mo kaya dapat labanan mo ito para magkaroon ka ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok na darating saiyo. Ang mga taong mataas ang kumpiyansa sa sarili ay may mga positibong pananaw na nagbibigay ng kaginhawahan sa kanilang puso at isipan.

4) Maaring hindi ka masaya kasi inggitera ka. Madalas na makaramdam ng inggit o pananaghili ang mga taong hindi kuntento sa kanilang buhay. Kung ikaw ay Kristiyano mababasa mo na ipinagbabawal ng Dios na makaramdam ng pananaghili sa kapwa dahil maaari itong pagmulan ng anyo ng kasamaan. Dapat ay marunong tayo magpasalamat sa kung ano lang ang mayroon tayo sa gayon magiging maluwag ang ating pakiramdam.

5) Hindi ka masaya kasi ikaw ay mahilig makialam sa buhay ng ibang tao. May kanya-kanya tayong buhay at yung sarili mo ang dapat mong pagtuunan ng pansin hindi ang pamumuna at pakikialam sa buhay ng iyong kapwa. Ang mga taong mahilig makialam sa kanilang kapwa ay kadalasan nasasangkot sa gulo na nagiging sanhi ng pagkaunti ng mga taong nakikisama at nagtitiwala sa kanila. Mas mabuti pang ayusin mo ang iyong sarili bago mo pakialaman ang iyong kapwa. Mayroon nga tayong kasabihan na "Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo". Matuto ka dapat na irespeto ang mga tao sa paligid mo at huwag pakialaman ang buhay nila para sa ikakapanatag ng lahat.

6) Hindi ka masaya dahil ikaw ay makasarili. Tama na unahin mo ang sarili mo sa ibang bagay ngunit hindi dapat sa lahat ng pagkakataon. Ang pagiging makasarili o sakim ay maaaring magdudulot ng matinding kapighatian sa buhay pagdating ng panahon. Mas magiging masaya at magaan ang iyong kalooban kapag ikaw ay marunong magbigay at tumulong sa kapwa. Habang may pagkakataon pa ya matuto kang maglingap sa kapwa.

7) Hindi ka marunong tumanggap ng iyong pagkakamali at hindi marunong humingi ng tawad sa nagawang kasalanan. Kapag nakaugalian mo na ang bagay na ito ay maraming taong sasama ang loob saiyo dahil hindi ka marunong tumanggap ng mga pagkakamali mo. Unti-unting lalayo sa iyo ang mga tao sa paligid mo dahil sa ugali mo at kapag nagkataon iyon ay hindi ka magiging masaya dahil wala ng gustong makisalamuha sa iyo. Lalayuan ka ng mga kaibigan mo at iiwan ka ng taong mahal mo dahil sa pride mo. Kailangan matuto kang magpakumbaba. Tanggapin mo ang iyong mga pagkakamali upang ikaw ay magbago. Mas maganda ang isang samahan kapag nagbibigayan at nagpapatawaran.

Ang mga nailahad ko sa itaas ay pawang opinyon ko lamang ang mga ito ay batay lamang sa aking mga obserbasyon sa komunidad at kapaligiran.

Minsan naitatanong ko din ito sa aking sarili. Bakit nga ba hindi ako masaya? Sa totoo lang tayo ang gumagawa at nagdedesisyon kaya't tayo mismo ang may responsibilidad sa kasiyahan natin. Maaring may mga bagay na hindi natin kontrolado at hindi umaayon sa ating mga kagustuhan ngunit tandaan natin na ito ay mga pagsubok lamang at lilipas din. Tayo mismo ang nakakaalam ng mga bagay na magpapasaya sa atin ngunit huwag natin kalimutan na ang totoong kasiyahan ay hindi nasusukat sa dami ng pera at sa mga parangal na iyong natamo kundi ang tunay na kasiyahan ay pagiging kuntento sa mga bagay na mayroon ka at sa mga darating pa.

1
$ 0.20
$ 0.20 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
3 years ago

Comments