Addiction

0 73
Avatar for rosienne
2 years ago

Ano nga ba ang addiction? Sa anu-anong bagay tayo pwede malulong? Ano ang posibleng maging dulot nito sa ating pagkatao at kalusugan? May mabuti bang maidudulot ito sa ating buhay?

Ang addiction ay isang kondisyon kung saan nahuhumaling o nahihilig ka sa mga gawain o isang bagay. Maraming bagay kung saan pwede kang ma-addict tulad ng mga sumusunod:

  • Sigarilyo- Ang sigarilyo ay isa sa mga uri na kinahuhumalingan ng nakararami lalo na ng mga kalalakihan. Mayroong tinatawag na chain smoker na kung saan ay walang patid ang paninigarilyo nito at madalas nakaka-ubos ng dalawa hanggang tatlong pakete ng sigarilyo sa isang araw. Masama ito sa kalusugan ng naninigarilyo pati ng mga taong nakakalanghap ng usok o yung tinatawag na second hand smoker. Maaring magdulot ito ng sakit sa baga, pag-ubo at hika lalo na sa mga bata at sanggol pa lamang.

  • Pag-inom ng alak- Bukod sa sigarilyo, ang pag-inom ng alak ang isa sa mga bisyo na kinahuhumalingan lalo na ng mga kabataan ngayon. Walang mabuting naidudulot ito sa buhay ng isang tao ngunit katwiran ng ibang manginginom nakakalimutan nila ang kanilang problema kapag sila ay naglalasing.

  • Pagsusugal- Merong mga tao na nagsasabi na kaya sila nagsusugal ay pampalipas oras lamang o para malibang pero hindi nila namamalayan ay naa-addict na pala sila dito. Madalas kahit di na kumain basta makapag-sugal lang or kahit maubos na ang pera ay wala silang paki-alam basta ang nasa isip nila ay makapaglaro o makapagsugal lamang. Kadalasan dahil sa pagkalulong sa sugal ay nagagawa nilang mangutang, mag-sangla o magbenta ng mga gamit o ari-arian para lang makapagsugal.

Maraming uri ng sugal katulad ng sabong, casino, bingo, sugal gamit ang baraha at marami pang iba.

  • Video games- Hindi naman masama ang paglalaro ng video games kung minsan o sandali lang. Ang kaso habang tumatagal hahanap-hanapin mo ang paglalaro dahil ang laro ay aakitin ka at hihikayatin ka na maipanalo mo ang laban at para manalo ka o makabawi ka sa kalaban maglalaro ka ng ilang oras hanggang sa di mo namamalayan ay nalululong kana pala rito. Mayroon akong nakita sa balita na dahil maghapon na sya sa computer shop, pinuntahan at tinawag sya ng kanyang ina upang kumain pero imbes na sumunod sa kanyang magulang ay nagawa nya pa itong saktan at sya pa ang nagalit ng dahil ayaw nyang ma-abala sa kanyang nilalaro. Mayroon ding mga mag-asawa ang nag-aaway dahil dito.

Ang Dota, Cabal, at mobile legends ay ilan sa mga laro na kinahuhumalingan ng mga kabataan ngayon.

  • Droga- Marami ang nalululong sa ipinagbabawal na gamot kahit alam nila ang epekto nito sa kanilang pag-iisip at katawan. Alam naman nating lahat na ito ay nakakasama at nakakasira sa katawan ng gumagamit nito. Marami na ang sinirang buhay, relasyon at pamilya ang ilegal na droga ngunit marami pa rin ang patuloy na gumagamit nito.

  • Sex- Hindi masama kung ang iyong pakikipagsiping ay sa isang tao lamang o sa iyong kasintahan o asawa lang. May mga taong nagmamalabis sa ngalan ng sex. Marami ang nagagawang magtaksil sa kanilang mga kapareha dahil lamang sa pagkalulong sa sex o sa ibang lalaki at babae.

  • Pagbili ng mga bagay na kahit hindi naman kailangan. Minsan nagiging habit natin ang bumili ng mga bagay na hindi naman natin kailangan at gagamitin. Pagkabili itatago lang at gagawin na parang collections na kalaunan ay nalululong na pala tayo ng hindi natin namamalayan.

  • Pag-alaga ng napakaraming hayop katulad ng aso at pusa. Sa aking palagay ay ayos lang kung isa, dalawa o tatlong hayop lang ang aalagaan natin pero kung ito ay aabot na ng sampu at higit pa ay addiction na ito. May napanood akong isang video ng matanda na maraming alagang pusa. Anak na daw ang turing nya sa mga ito. Kasama nya ang mga ito na kumain at matulog sa kanyang higaan.

Maraming mga bagay ang kinahuhumalingan ng isang tao na nagdudulot ng mga bagay na ikakasama nila o ikakasira ng katawan. Minsan nagdudulot pa ito upang madala sa piitan o pagkasira ng kanilang pamilya. Lagi natin tandaan na ang lahat ng sobra ay nakakasama. Limitahan natin ang ating mga sarili sa mga bagay na alam nating magdadala sa atin sa kapahamakan. Nasa huli ang pagsisisi kaya dapat mas maagap tayo upang maka-iwas sa mga negatibong pangyayari. Hindi lang buhay natin ang masisira dahil pati ang iyong mga mahal sa buhay ay magiging mesirable kapag ikaw ay napahamak dahil sa iyong bisyo.

Para sa ibang miyembro ng pamilya maging mapagmatyag ka sa iyong mga kasama. Maaaring magbago ang isip ng isang tao kapag sya ay naimpluwendyahan mo ng magandang asal. At para sa mga magulang bantayan maigi ang inyong mga anak upang maiwasan ang mga ito sa pagkalulong sa mga bisyo katulad ng sigarilyo, pag-inom at illegal na droga. Palakihin natin silang malapit sa Dios upang sa tamang daan sila mapunta.

2
$ 2.50
$ 2.50 from @TheRandomRewarder
Avatar for rosienne
2 years ago

Comments