Mga Maralita sa Pandemya
by: A.R. Calaycay
Kahirapan ay nauugat na sa nakaraan
Tulad ng pandemya sa kasulukuyan,
Parang virus kung kumalat at maraming naapektuhan
Unti-unting kinikitil ang mga mamamayan
Lalo na ang mga nasa laylayan.
Kahirapa'y nagdudulot ng maraming pasakit sa buhay
Na para bang tao'y tinurukan ng lumbay
Kinitikil ang pag-asang makaraos sa buhay
Na kahit pa ibuwis ang buhay,
Tila ba'y imposibleng makamtan ang tagumpay.
Sa kasagsagan ng 'di matapos tapos na kahirapan,
Pandemya'y dumating at buong mundo'y nakipaghimagsikan
Apektado 'di lang ang kalusugan
Ngunit pati na rin ang kabuhayan
Lahat ay tila nalumpo’t napilitang manatili sa loob ng tahanan
Para sa mga mararangya,
Ito'y itinuring na kanilang pahinga
Na kahit pa 'di kumayod ay may pera pa rin sa kanilang bulsa
Sabi nila, "Tayo'y nasa iisang bangka"
Ngunit bakit ang mga maralita lang ang nagdurusa?
Mali, sapagkat tayo ay nasa iisang delubyo
Ngunit hindi sa parehong barko.
Ang mga mayayaman ay may pribilehiyo,
Habang ang mga dukha'y pagdurusa lang ang tinatamo.
At madalas sila ang mga umuuwing abo.
Malaki ang pagkakaiba ng COVID-19 at kahirapan
COVID-19 ay ginagawan agad ng paraan
Nagsasagawa ng pagsusuri't pinag-aaralan
Ngunit ang kahirapan, tila ba'y pinagsasawalang bahala't pinagtatakpan
Dahil ba ang apektado lang ay ang mga dukha't hindi napapakinabangan?
© to the rightful owners of the pictures.