read.cash Log in
@rakshata

Tao, ang tagapaghatid ng pag-ibig sa Diyos.

Nobyembre 29, 2004, nagkaroon ng pagbaha sa mga bayan ng Gen. Nakar, Dingalan, Real at Infanta Quezon. Libo-libo ang nangamatay, maraming tahanan at kabuhayan ang nasira. Sa pagsisiyasat, ang malakas na agos ng tubig ay nagsimula sa mga kabundukan at kagubatang may "illegal logging". Ang sambayanang pilipino na binubuo ng mga samahang sibiko, relihiyoso, at NGO's ay mabilis na tumulong sa mga pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta ng kalamidad. Likas sa mga Pilipino ang kagandahang-loob. Maaari ring iugnay ang pananampalataya sa buhay ng pilipino na isinasaalang-alang sa lahat ang 'pakikipagkapwa. Ang sama-samang pagkilos at pagtitiwala sa isa't isa ay karaniwan sa mga pamilya kaya't ang "damayan", "bayanihan" ay kusang-loob at mabilis na naisasagawa. Ang ganitong pagkilos ay pananampalataya rin. Sa naganap na pinsala ng pagbaha, "mapagmahal na paglilingkod sa mga nangangailangang kababayan ay konkretong halimbawa ng pagsasabuhay ng pananampalataya. Dahil sa mabilis na pagtugon sa panawagan para sa pangangalaga sa nanganganib na kapahamakan dulot ng pagkasira ng kalikasan kaya't masasabi na ang mula sa pusong pagtugon ng mga hindi nasalanta ay nagmula rin sa Diyos na nagmamahal sa kanyang nilalang. Samantala, kung babalikan ang naganap sa EDSA I noong Pebrero 1986, maituturing na ito'y isang "milagro". Mula sa iba't ibang pamilya, pamayanan, relihiyon at simbahan ang mga tao'y dinala ng kanilang mga paa sa EDSA upang makibahagi sa layuning mapigil ang pagdanak ng dugo at pagkasawi ng buhay ng mga mamamayan. Iisa ang nasa isip nila, pigilin ang kaguluhan, mailigtas ang bayan sa anarkiya, mapanatili ang kapayapaan. Angkop lamang ang nalikh ng awit ni ***Jim Paredes*** ng **APO HIKING SOCIETY** ng taon na iyon: "**Handog ng Filipino sa Mundo**" *handog ng pilipino sa mundo,* *mapayapa, paraang pagbabago.* *Katotohanan, kalayaan, katarungan* *ay kayang makamit ng walang dahas* *Basta't magkaisa tayong lahat.* Ang awit ay nagpapahayag ng nagkakaisang damdamin noong ***EDSA Revolution***, mayaman, mahirap, pari, sundalo ay nagkakasundo. Bilang nilalang ng Diyos, ang tao'y binigyan ng pananagutang maging "tagapangalaga at tagapamahala ng daigdig at ng iba pang nilalang. (Gen. 27) Tungkuling **moral**, hindi lamang pamahalaan ang daigdig na kanyang ginagalawan kundi gamitin ang mga bagay dito nang mapanagutan. Sa pag-unlad ng tao, nadaragdagan ang kanyang kaalaman at kakayahan kaya't sa pamamagitan ng kakayahang ito nakagagawa siya ng pagwasak at pagsira. Dalawang negatibong katangian ng tao ang madalas makapag-udyok sa tao ng makagawa ng hindi mabuti: ***pagkamakasarili***( selfishness) at ***pagkagalit*** (hatred). Nakakalungkot na dahil sa labis na paghahangad, ang tao'y hindi na nagsasaalang-alang sa kapakanan ng marami at sa pinsalang ibabalik sa tao. Kapag nagiging makasarili ang tao, nagiging hadlang ito sa mabuting ugnayan niya sa kapwa at sa Diyos. Ang ***galit*** ay daan sa pahihiwalay ng mga tao at kasalungat ng ***pagmamahal*** na siya namang nagbubuklod sa mga tao para magkaisa. Pag-ibig, kabaitan, kabutihan ay ilan sa mga katangian ng banal na Espiritu na siyang taglay ng taong may pananampalataya. Mababanggit pa rin ang ilang hakbang na magagawa upang maisabuhay ang pnanampalataya: ang ***spiritual*** at ***corporal acts of mercy***. Ang ~~pagpapakain sa nagugutom, pagpapainom sa nauuhaw, bihisan ang walang damit, pagbisita sa maysaki at bilanggo, bigyan ng masisilungan ang walang tirahan~~ ay iilan lamang na kabilang sa ***corporal acts of mercy***. Samantala kabilang sa ***spiritual act of mercy*** ay ang: ~~tulungang magbalik-loob ang nagkasala, payuhan ang nag-aalinlangan sa pananampalataya, magpatawad, ipanalangin ang buhay at patay, damayan ang namimighati, turuan ang mga mangmang, maging matiyaga na magwasto ang taong nagkakamali.~~ "Kapag ang lahat ng gawain ay ginagawa ng dahil sa pag-ibig, tayo ay nagiging tagapaghatid ng pag-ibig sa Diyos".

1 comment

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.