Isang bagong panukala ang nilagdaan nitong ika-16 ng Agosto, 2020, ni Roberto Speranza, ang Ministro ng Kalusugan, hinggil sa pag-iingat laban sa muling paglaganap ng COVID 19 virus dito sa Italya. Muli ay ipinatutupad ang paghihigpit sa pagsusuot ng mga face mask sa lahat ng pampublikong lugar lalo na sa mga nagiging pagtitipon sa gabi, mula ika-6 ng hapon hanggang ika-6 ng umaga. Partikular, ang muling pagpapatigil sa mga ‘sayawan’, ito man sa loob ng disco houses o open-air disco.
Ang bagong panukala ay magkakabisa sa petsang ika-17 ng Agosto, Lunes hanggang ika-7 ng Setyembre, 2020. Ayon sa unyon ng mga nightclub, UNION SILB, halos 50,000 katao ang naka-empleyo sa 3,000 mga club sa buong bansa, kung kaya’t ang maigting na pag-iingat ay kinakailangan upang maiwasan ang muling pagkalat ng virus. May mga establisimyento na rin ang pansamantalang di pinayagang magkaroon ng operasyon.
Ang kautusang ito ay pinagpasyahan matapos maidaos ang Ferragosto, ang pangunahing holiday sa bansa tuwing tag-init kung saan ang karamihan sa mga Italyano at maging ang mga migrante ay nagtutungo sa iba’t ibang lugar upang magbakasyon, at karamihan ay nasa mga beach o kaya ay lumalabas sa gabi upang makipagsaya sa mga kaibigan sa mga club at open-air disco.
Tumaas ang alalahanin ng mga awtoridad ng kalusugan sa bansa dahil sa muling pagtaas sa bilang ng mga bagong positibo sa coronavirus, partikular ang pagdami ng mga kabataang positibo sa virus.
Ito ay dahil na rin sa paglaganap sa mga pahayagan at social media ng mga imahe ng pulutong ng mga kabataan maging ng mga iba pang grupo na magkakatabing nagsisikain, nag-iinuman o kaya ay nagdaraos ng selebrasyon mula hapon hanggang sa kalaliman ng gabi .
Kaya akma lamang na magkaroon muli ng paraan ng prebensiyon sa posibleng muling paglaganap ng impeksiyon sa pamamagitang ng pagsusuot ng face mask at mahigpit na social distancing.