Ano...
"Ano kaya ang ginagawa mo ngayon?". Iyon ang isa sa mga tanong na pumupukaw sa aking kaisipan. Isang tanong na hindi ko mapigilan na maglaro sa utak ko tuwing ako ay magmumuni muni. Ano na nga ba ang ginagawa mo ngayon?
Halos ilang taon na din no'ng huli tayong magkita. Hanggang ngayon ay malinaw pa sa aking alaala ang tikwas ng iyong buhok, ang kulay ng iyong suot at kirot ng mga salitang iyong binitawan noong ako ay iyong lisanin.
Ano nga ba ang sumapi sa iyong katauhan na naudyok sa tuluyan mong paglayo? Ano ba ang iyong dahilan at ako ay iniwang mag-isa, luhaan at sugatan? Ano nga ba? Ano ba ang iyong nakita sa kanya na kailanma'y hindi ko maaring maibigay? Ano nga ba? Ano na ang nangyari sa samahan nating tila sa langit ginawa? Wala na bang saysay, ang mga panahon nating pinagsaluhan doon sa pisbolan ni Mang Edgar?
Sino...
Sino ba ang aking dapat sisihin? Sino ba ang dapat managot sa pag-ibig na naudlot? Sino ba sa atin ang siyang may kamalian? Ako? Ikaw? O siya ba? Sino ba ang makasasagot sa mga katanungan ng pusong nagsusumamo?
Sino ang may hawak sa mga kasagutan na aking hinahanap? Sino ba ang dapat sisihin sa sinapit ng ating relasyong binuo natin mula noon, sinubok ng panahon na ngayo'y ibinaon na sa kahapon?
Sino ba ang nakakaalam na magbabago pala ang lahat? Sino ba? Sino na nga ba ako ngayong wala ka na? Hindi ko na makilala ang sarili ko sapagkat buong pagkatao ko inilaan ko sa ngalan mo. Hindi ko na makilala ang sarili ko dahil buong mundo ko ay umikot lamang sa iyo. Sino ba ang magaakalang sa kabila ng lahat ng pinagdaanan natin, sa kabila ng lahat ng inialay ko, mababalewala lamang ang lahat sa iisang iglap, sino? Malamang hindi iyon ako.
Kailan...
Kailan ba nagsimula ang lahat? Kailan mo ba napansin na hindi na pala ako ang isinisigaw ng iyong puso't damdamin? Kailan mo napagtanto na hindi na ang aking yakap at halik ang iyong hanap hanap sa mga gabing malalamig? 'Di ba't kailan lamang noong tayo'y magkahagkan sa ilalim ng buwan habang namamasyal sa dalampasigan?
Kailan ba nagbago ang lahat? Kailan nawala ang tamis sa iyong mga halik, ang init sa iyong mga yakap? Kailan ba nagsimulang magkubli ng katotohanan ang iyong puso? Kailan ba nagsimula ang lahat ng hindi pagkakaintindihan? Kailan mo napagdesisyunan ang lahat, na ako ay kaya mo nang iwan at siya ang iyong kahahantungan? Kailan ka ba niya naagaw mula sa aking mga bisig?
Saan...
Saan ba ako nagkamali sinta? Mali ba na inibig kitang lubos na sa aki'y wala nang nailabi. Saan na ba nagtungo ang mga panahong ikaw at ako ang dahilan ng bawat ngiti at bawat tibok ng puso ng isa't isa?
Saan ba ang dulo ng mga pasakit na ito? Malapit na ba? Malayo pa? Hindi ko matanaw sapagkat saan man malingon ay ikaw, ikaw parin ang hanap hanap ng nangungulila kong paningin.
Saan ka man naroroon, nawa'y ikaw ay nakangiti, nawa'y may saya sa iyong mga labi. Saan ka man tutungo sana naman ay may katahimikan sa iyong puso.
Saan? Saan ko ba mahahanap ang aking sarili? Ang aking sarili na noon ay ikaw ang tanging kabuoan? Saan ko sisimulan ang aking buhay na noon ay ikaw lamang ang tanging dahilan? Saan ko hahagilapin ang mga pangarap na sabay nating iginuhit sa ating mga kapalaran?
Saan? Saan na ako ngayon kakain nang maginhawa? Iyong lugar na hindi pa natin nakakainan na sabay pa tayong tatawa. Saang bahagi pa ng mundo ako magtutungo upang ikaw ay mawaglit na sa alaala ko?
Bakit...
Bakit ba kinailangang magbago ang lahat? Masaya naman tayo dati hindi ba? Lahat ng bagay ay ating pinagsasaluhan, lahat ng ating ginagawa masaya at kadugtong ay lambingan. Bakit nga ba nawala ang mga panahon ng tawanan, panahon ng kulitan, bakit nga ba nawala ang panahon ng pagmamahalan?
Bakit ba mas pinili mo na lamang lumisan kaysa ating muling subukan? Bakit mo isinuko ang lahat ng ating mga pinagdaanan? Bakit ang dating mga awitan ay napalitan ng pighati at pagdurusa? Bakit ba ako'y iyong iniwan?
Bakit siya pa? Bakit hindi na lang ako? Ako na lamang sana ulit. Bakit sa lahat ng mga ipinangako ko ay mas napili mo pang talikuran ang ating kinabukasan? Bakit nga ba hindi mo na ako mahal?
Lead image : https://medium.com/100-naked-words/the-abuse-of-question-marks-67-c0ef353a00f6
Gnyan po tlga, aq po 4 years ago eh na U.T.I po, lol, akla q po xa na po ang lalaking pra n nktadhana po sa akin pro pg blik nya sa lugar nla eh cnbihan po aq na hnggang mgkaibigan lng daw po kmi at ndi pa daw xa handang mkpagrelasyon ulit, lol, to think na ngprocess pa po aq nun ng cenomar q po dhil akla q po eh mgpapakasal na po kmi, un pla mg-aasal lng po pla kmi, lol