"Pagbasa at Pagsulat sa iba't ibang Disiplina Part–2"

0 127
Avatar for lyka23
Written by
3 years ago
Topics: Education

Pagkilala sa mga estruktura at hulwaran ng iba't ibang genre ng teksto

Humanidades

— Ang Humanidades ay hinahati sa Panitikan, sa dalawang pangkalahatang uri nito, na hinati-hati pang muli sa mga klasipikasyon. Ang Agham Panlipunan ay may mga sangay na kasaysayan, antropolohiya, sosyolohiya, pampulitikang agham, ekonomiks, etika at lohika.

Panitikan

Ito ay interpretasyon ng buhay na nilalapatan ng sining o arte. May dalawang pangkalahatang uri ang Panitikan: ang PATULA at ang akdang TULUYAN, na bawat isa ay may kani-kanilang mga klasipikasyon.

Kahulugan ng Tula

Ang Tula

—“isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan, kariktan at ng kadakilaan: tatlong bagay na kailangang magkatipun-tipon sa isang kaisipan upang mag-angkin ng karapatang matatawag na tula.”(Julian Cruz Balmaceda)

—“ ito’y panggagagad at lubhang kahawig ng sining ng pagguhit, paglililok at pagtatanghal. Ang saklaw ng pagtula ay higit na malawak kaysa alinman sa ibang gagad na mga sining pagsama-samahin man ang mga ito.” ( Fernando B. Monleon mula kay Lord Macaulay)

—Ayon kay Alejandro G. Abadilla, ang katuturang ibinigay ni Edith Sitwell ang naibigan niya at nagsasaad na “ Ang Tula ay ang napataas na antas ng kamalayan ( heightened consciousness).”

Mga Uri ng Tula

Tulang Liriko- nagsasaad ng damdamin ng awtor hinggil sa isang bagay o paksa.

Mga Uri ng Tulang Liriko

  1. Awiting Bayan- ang paksa ay pag-ibig, kawalang pag-asa o pamimighati, pangamba, kagalingan, pag-asa at kalungkutan. Walang awtor dahil ito’y pasalitang panitikang nagpalipat-lipat sa bibig ng sunod-sunod na salinlahi.

  2. Soneto- may labing-apat na taludtod, nauukol sa damdamin at kaisipan. Ang unang walong taludtod nito ay nagpapaliwanag sa paksa; ang huling anim na taludtod ay nagbibigay ng konklusyon ng awtor sa kanyang sinabi sa unahan.

  3. Elehiya- nagpapahayag ng damdamintungkol sa kamatayan o kaya’y pananangis sa paggunita sa isang pumanaw na.

  4. Dalit- awit na pumupuri sa Diyos o mahal na Birhen at may lamang kaunting pilosopiya sa buhay.

  5. Pastoral- naglalarawan ng buhay sa bukid, minsan ay pinaromantiko at di sinama ang kahirapan ng buhayn dito.

  6. Oda- nagpapahayag ng papuri/panaghoy, wala itong tiyak na bilang ng pantig o taludtod sa isang saknong.

Tulang Pasalaysay- uri ng tula na nagsasaad kuwento. Hindi kailangang mayroong huwarang pang-ritmo ang tulang ito. Ito’y kadalasang ginagamitan ng boses ng tagapagsalaysay at ng mga tauhan at ang buong istorya ay nasusulat sa may sukat na taludtod.

Mga Uri ng Tulang Pasalaysay

  1. Epiko- nagsasalaysay ng mga kabayanihang hindi mpaniwalaan pagkat puno ng kababalaghan. Ito’y salaysay tungkol sa mga pakikipagsapalaran ng bayani ng isang lahi o tribu.

  2. Awit at Korido- hango sa pinakamaginoo at pakikipagsapalaran ng mga tauhang hari at reyna, prinsipe at prinsesa. Ang AWIT ay may sukat na 12 pantig at inaawit nang mabagal sa saliw ng gitara o bandurya; samantalang ang KURIDO ay may walong pantig at binibigkas sa saliw ng martsa.

  3. Balad- inaawit habang may nagsasayaw. Kasama ito sa tulang may anim hanggang walong pantig ang sukat. Ito ay walang awtor dahil sa pasalita nagsimula.

Ang Tuluyan

Ito isang uri ng panitikang gumagamit ng payak at direktang paglalahad ng kaisipan at maluwag na pagsama-sama ng mga salita sa katutubong takbo ng pangungusap.

Mga Uri ng Tuluyan

  1. Maikling Kuwento- naglalahad ng isang natatangi at mahalagang pangyayari sa buhay ng isang pangunahing tauhan sa isang takdang panahon.

Mga Sangkap ng Maikling Kuwento

a. Tunggalian- ang suliraning kinasasadlakan ng pangunahing tauhan

b. Tauhan- sila ang mga taong kasangkot sa paglutas ng problema

c. Tema- ang kabuuang mensaheng tinatalakay sa mga pangyayari.

d. Banghay- ang sunod sunod na pangyayaring bumubuo sa kuwento.

e. Pananaw o Punto de Vista- ang taong nagsasalaysay sa pangyayari para sa mga mambabasa.

f. Katimpian/ Tono- ang damdaming mamamayani sa buong kuwento.

g. Pahiwatig- ang nais sabihin ng kuwento na pinabayaang hindi literal na mabanggit ngunit nauunawaan ng mambabasa.

h. Simbolismo- ang mga pagpapakahulugan ng mga literal ng bagay lugar, tao at iba pa na kailangan ang mataas na antas ng pang-unawang kasangkot sa pagbasa para maunawaan ito.

  1. Sanaysay- naglalahad ng kuro-kuro at pansariling kaisipan ng manunulat hinggil sa anumang paksa.

Tatlong Bahagi ng Sanaysay

  • Simula

  • Katawan

  • Wakas

Uri ng Sanaysay

Pormal o maanyo- seryoso ang tono, at nakatuon sa paksa ang paglalahad at lumalayo sa katauhan ng manunulat. Ginagamitan ng maingat na mga salita at mabisang pangungusap.

Impormal o Personal- nagpapahayag ng katauhan ng manunulat at hindi seryoso ang pagkakalahad ng paksa. Tinatawag itong malayang sanaysay.

  1. Talambuhay- isang kathang prosa tungkol sa buhay ng may-akda(autobiography) o buhay ng isang tao na isinulat ng iba( biography).

Uri ng Talambuhay

Maikli- pinipilian ang mga bahagi ng buhay na ilalakip; may tema bilang pokus sa lahat ng gagamiting mga pangyayari.

Mahaba- lahat ng mga pangyayari sa buhay ng tao ay isinasama. Nagsimula sa kapanganakan, sa magulang hanggang sa wakas.

  1. Dula- uri ng akdang nagsimula sa tula o sa tuluyang paglalarawan ng buhay o ugali ng mga tao sa pamamagitan ng mga usapan o dayalogo at sa mga ikinikilos ng mga pangunahing tauhang gumaganap sa tanghalan. Ayon kay Balmaceda, ang dula ay nagpapakita ng kasalukuyan, ng kahapon at ng bukas ng isang bayan.

Mga Sangkap ng Dula

  • Dramatikong kumbensyong dapat tanggapin at sundin ng mga manonood.

  • Kuwento ng Dula

  • Tauhan

  • Kahulugan

Iba Pang Disiplina ng Sining

Pagpipinta

—Ang “ Value” ( Light and Dark) sa Pagpipinta

Ang value sa larangan ng pagpipinta ay may kaugnayan sa dami ng liwanag (light) sa isang bagay na ipinipinta o sa anumang gawaing grapiko. Sa karaniwang pagsasalita, ang mga salitang light at dark ang ginagamit sa halip na value ngunit dalawang salita ay hindi malinaw dahil hindi binabanggit kung gaano katindi o gaano kakulang ang lightness o darkness. Ang kulay puti ang pinakamataas na value samantalang ang itim ang pinakamababa; ang nasa puti at medium ay matatawag na light at ang nasa gitna ng medium at itim ay tinatawag na dark. Ito ang magbibigay sa atin ng malinaw na batayan ng tamang pagkilatis ng values sa pagpipinta.

Ang mga values na hindi tumutugma sa alinmang mga punto/lugar ay pinangalanan ayon sa pinakamalapit an value; kaya maaaring sabihin na ang kulay ay nasa gitna ng dark at medium, o na ang isang value ay pinakamalapit sa kulay puti.

—Ang Values sa Pagpipinta

Sa Arkitektura at sa eskultura, ang values ay nagbabago kaalinsabay sa liwanag; sa pagpipinta , ang values ay permanente; kung gagawin ng pintor ang isang bagay na maaliwalas o madilim o gagawing may shadow o wala, ito’y mananatiling ganoon kahit anong oras o araw ng taon o kahit anong tindi ng liwanag.

Ang values ng liwanag ay may emosyonal na konotasyon. Kung ating susuriin ang maraming mga pinta ni Rembrandt, ating makikita ang mga halimbawa nito. Sa Old Woman Cutting Her Nails halimbawa, ang predominanteng madilim na values ay nakabubuo ng isang misteryoso at grandiosong epekto sa larawan. Ang predominanteng maaliwalas na values ng kay Titian na Bacchus and Ariadne ay nakapagbigay ng epekto na joie de vivre o “ligaya ng buhay” sa kanyang mga ginagawang larawan. Ang kay Radyer na pintang Death on a Pale Horse ay gawa sa maaliwalas na values ni Titian. Kung ganito, ang emosyonal na damdamin ay tiyak na magbabago. Ang masalimuot at ang madilim na values ang dahilan ng pagkakaroon ng misteryoso at madilim na epekto sa larawang ipininta; at ang malakas na pagkontrast ng light values sa bakgrawnd at ng dark values sa harapan ay nagdaragdag ng misteryo nito.

1
$ 0.00
Avatar for lyka23
Written by
3 years ago
Topics: Education

Comments