Continuation of Pagbasa at Pagsulat Part-2

0 55
Avatar for lyka23
Written by
3 years ago

MGA MEDIUM NG ESKULTURA

Bato at Bronse

Ang bato at bronse ang karaniwang mga medium na ginagamit ng eskultura. Ang bato ay tumatagal; ito’y hindi gaanong naapektuhan ng panahon, sunog, at lahat ng mga karaniwang hazard. Sa isang banda, ang bato ay mabigat, mahal, at madaling mabiyak. Sa mga bato, ang marmol ang pinakamaganda. Ito’y madaling pakinisin at translucent.

Ang limestone ay malambot kaya mahirap kuminis. Ang granite ay magaspang at matigas kaya angkop sa epektong matapang (bold).

Sa mga metal, ang tradisyonal at pangkaraniwang ginagamit ay ang bronse. Ang proseso ng paggawa ng bato at bronse ay magkataliwas. ang mga estatwang bato ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-ukit sa solidong bato, dahan-dahan, hanggang sa matira sa bato ay ang estatwa na lamang. Ang mga metal naman ay ganito: imomodelo ng eskultor ang pigura sa putik(clay) pagkatapos ay ika-cast ito sa bronse.

Sa modernong panahon, maraming uri ng metal, tulad ng forged iron, welded steel, at duraluminum ang pumalit sa bronse; samantala, ang pag cast ng bronse ay unti-unting nawawala. Para sa mga bagong eskultor, ang bagong mga material ay sumasagisag ng modernisasyon.

Kahoy

Maliban sa bato at metal, ang kahoy, terra cotta at ivory ay mga importanteng medium ng eskultura. Nakalalamang ang kahoy dahil ito’y mababa ang halaga, madaling makita/makuha, at madaling putulin. Ang kahoy ay maaaring takpan ng manipis na Plaster of Paris o gypsum at haluan ng glue. Maaari ring mapintahan o tabunan ng ginto o anumang dilaw na metal ang kahoy. Sa ganitong anyo ito ay tinatawag na polychromed o gilded na kahoy. Ang kahoy ay nakapagpapakita ng pinakamaliit na mga detalye at napakikintab nang mabuti. Kung hindi ito pinipintahan katulad ng maraming mga eskulptyor, ang mga hibla ng kahoy ay kitang-kita at kapag ginamit nang maigi, nakapagdaragdag ito ng mas magandang epekto sa kabuuan ng gawa ng sining. Ang kahoy ay mabuti rin sa eskulturang relief na ang nakaukit ay nakaangat sa nakaugaliang patag na parte ng medium.

Ivory

Ang ivory at terra cotta ay mauuring mga nawawalang medium dahil sa hindi na masyadong ginagamit sa ngayon kahit pa pinakamahalaga sila noon. Ang estatwa ni Athena sa Parthenon ay gawa sa ginto at ivory.

Mula sa kalagitnaang siglo hanggang sa kasalukuyan ginagamit ang ivory sa maliliit na bagay na nangangailangan ng napakaingat na paglililok, tulad halimbawa ng mga krus, mga piyesa ng chess, at mga gulugod ng aklat. Kadalasan, ang mga lilok na ivory ay maliliit sa kadahilanang mahal ito at mahirap makuha sa malalaking anyo. Ang kulay ng ivory mayamang makremang dilaw. Katulad ng kahoy, ang ivory ay nababakli rin.

Terra Cotta

Ang salitang terra cotta ay nangangahulugang “hinuhurnong lupa”. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpapasalang ng putik sa apoy katulad ng paggawa ng palayok. Kadalasan ang mga ito’y tinatakpan ng makapal na glaze. Ang terra cotta ay nakalalamang sa bato at bronse dahil ang ilalapat sa ibabaw nito ay nakapgbibigay ng maaliwalas na mga kulay dahilan sa glazing. Katulad ng ibang gawang palayok ang terra cota ay madaling mabiyak at matipak. Bilang medium ng eskultura, ito ay ginagamit noon pang unang panahon. Sa panahon ng Renaissance, ito ang pinakapaborito ng ilang mga henerasyon ng pamilyang della Robbias, isang pamilyang makasining.

MGA MAKABAGONG MEDIUM

Ang lahat ng mga mapagmahal sa sining, anumang larangan, at sa lahat ng panahon sa mundo ay nakaranas ng mga makabagong medium; ang mga eskultor sa kasalukuyang panahon ay hindi naiiba sa karamihan.

Ang gawa ni Henry Moore na The Bride ay gawa sa cast lead at copper wire. Ang cast stone, wrought iron, aluminum, glass at steel ay ilan sa medium na ginagamit ngayon sa eskultura. Ang cast stone ay ang artipisyal na pagsasama ng buhangin at silicon na piniga at pinag-anyong kongkreto.

Ang paggamit ng mga medium na gawa ng teknolohiya ay makikita sa gawa ni Roszak. Ang kanyang Thorn Blossom ay mula sa steel at nickel-silver. Si David Smith ang nagpasimula sa paggamit ng welded iron sa kanyang eskultura. Si Smith ay naimpluwensyahan ng eksperimento ni Picasso na gawa sa metal. Nagsimula si Smith sa paggamit ng welded iron, gamit ang mga di-kumbensyunal na mga anyo na nag mga sagisag at imahen ay nakadepende sa makinang ginamit sa paglilok.

Mga Salik na Nakaimpluwensya sa Tungkulin ng Arkitektura

Klima

Kung may mga sentralisadong sistemang pampainit, may mga bakal na estruktura, at may yunit ng air-conditioning, ang tao ay maaari nang makatira sa kahit anong uri ng bahay at kahit sa anong uri ng klima. Ngunit iniisip pa rin ng nakararami na mahalaga ang klima bilang salik sa pagpili ng uri ng tahanan. Mainit ba o malamig, maliwanag ba o madilim, basa o tuyo, consistent ba o paiba-iba, mahangin o payapa sa lugar na kanilang titirhan?

Sa mga bansang malakas ang hangin, ang mga bagong plano ng bahay ay magkakaroon ng pangharang sa hangin, at ang sala ay inilagay sa lugar na protektado mula rito. Ngunit sa mga lugar na mainit ang klima, ang mga bahay na pinaplano ay makatatanggap ng magandang simoy. Sa maginaw na klima, tinitiyak na magbibigay ng init ang bahay; sa mainit na klima, inilalagay ito para makapagbigay ng lamig. Kung ang klima ay katamtaman, ang tungkulin ng dingding ay ikubli ang nasa loob ng bahay mula sa mata ng iba at para di makapasok ang araw at ang ulan. Dahil dito, maaaring gumamit ng maninipis na material para sa dingding.

Salik-Sosyal

Lahat ng bagay na nakaaapekto sa tao, na hindi nakaaapekto sa kalikasan ay kaugnay ng salik-sosyal. Ang konsiderasyon nito kaugnay ng arkitektura ay ang tungkulin ng estruktura na maaaring pang-opisina, simbahan, tirahan, garahe, atbp. Ang mga tungkuling ito ay nauugnay sa klima, sa uri ng lupang tinitirikan ng bilding at sa mga taong gagamit nito. Sa sinaunang panahon, palaging layunin ang maprotektahan ang mga naninirahan aban sa mga masasamang tao. Ginawa ang mga kastilyo at tanggulan na makakapal ang mga dingding. Matitibay ang mga palasyo para mapangalagaan mula sa posibleng paglusob ng mga kalaban. Ang palasyo ni Michelozzo noon na itinayo para kay Cosini de Medici ay nagsilbing palasyo at tanggulan.

Ang ibang halimbawa ng sosyal na impluwensya ng arkitektura ay makikita sa paghahambing ng mga bilding na binuo bilang simbahan. Ang kanilang pagtitipun-tipon kaugnay sa relihiyon ay madalang mangyare at ginaganap sa labas. Kung minsan ang pamahalaan ay nakikialam sa arkitektura ng lugar, hindi man sa tuwirang paraan. Ang buwis, halimbawa, na batay sa bilang ng bintana ay magiging dahilan upang ang mga bahay ay lagyan ng kaunting bintana lamang.

Kahit may iba-ibang estilo ng arkitektura sa ngayon, ang marami sa mga ito ay mas pumapanig sa pagsasanib ng functionalism(napakahalaga nito) at ng iba pang batayan- iba’t ibang hugis,kulay,maingat na koordinisadong proporsyon, tekstura, simbolismo at marami pang iba. Mahalaga sa lahat ng mga batayang ito ang layunin sa pagkakatayo ng gusali. Ito ay hindi lamang upang tumanggap ng bisita kundi upang ang mga taong mismong gagamit nito ay lubos na masiyahan; na magsisilbi itong mainam na tahanan, lugar ng pagtatrabaho at magiging malikhain ang mga taong titira rito, na palagi nilang malasap ang sarap mabuhay sa kanilang tahanang itinayo sa estilong organic.

SAYAW

“Ang sayaw ang pinakamatandang anyo ng sining dahil hindi ito gumagamit ng ibang instrument maliban sa katawan na pinakamahusay sa lahat ng instrument at pinakamadaling tumugon sa kinakailangang gawain,” ayon kay John Martin. Pinakanatural at pinakapersonal ang sayaw sa lahat ng mga sining hindi lamang sa medium kundi sa mga pinakamahalagang pardon ng organisadong galaw nito. Si Curt Sachs sa kanyang World History of the Dance ay nagbigay ng halimbawa ng mga hayop na sumasayaw: sa mga sayaw ng mga stilt ng ibon at ang mga anthropoid na gorilla, nakita ni Curt Sachs ang pinakaunang mga galaw ng sayaw, ang paliko, pasulong, at pabalik, palukso, papadyak, at paikot. Hindi natin mapag-aaralan ang pinakasimula ng unang tao nang hindi natin nakikita ang sayaw. Nagpapakita ang mga mananayaw ng sinaunang mga lalagyan ng bulaklak(vases) ng Gresya. Isang daang taon na ang sayaw Noh ng bansang Hapon.

Ang mga galaw ng sayaw ay may dalawang uri:

  1. galaw ng mga parte ng katawan- katulad ng galaw ng ulo, braso, baywang, sa loob ng isang lugar.

  2. galaw mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar tulad ng paglakad, pagtakbo, at paglukso. Ang sayaw ay maaring gawin ng isang tao o ng kahit anong bilang ng mananayaw.

May tatlong dimension ng sayaw: panahon o tayming, espayo, at daynamiks. Ang espasyo’y nagtatakda ng posisyon ng mananayaw kaugnay sa bakgrawnd: sa gitna, sa isang banda, sa harapan, sa likuran. Nagtatakda rin ito sa postyur ng katawan- nakatindig, nakahiga, pabaluktot, patakbo, atbp. Ang panahon o tayming ay nagsasabi kung mabilis o mabagal; at ang daynamiks ay nagtatalaga ng ritmo.

Sa pangkalahatan, makikilala natin ang dalawang uri ng sayaw: ang katutubong sayaw(folk dance) at masining na sayaw(art dance). Ang katutubong sayaw ay bahagi ng tradisyong etniko sa isang bansa- Espanya o Andalusia, Alemanya o Bavaria- kung saan ang mga musika, ritmo, kasuotan at simbolismong pangkatutubo ay napapanatili. Ang masining na sayaw o ang espektakyular na sayaw ay maaaring ginagawa ang isang mananayaw o ng marami, isang grupo, katulad ng ballet.

Sa ballet, may payak na salaysay at paliwanag nito, mayroon ding tunggalian, kasukdulan at pagwawakas katulad ng sa opera at sa drama. Ang kuwento ditto ay tinatawag na pretext na may may balangkas sa kabuuan ngunit di-gaanong mahalaga kung ihahambing sa sayaw at musika kahit sumusunod sa simulain sa organisasyon ng musika.

May tatlong mahahalagang layunin ng sayaw na organisado:

  1. ritwal pangmahika o panrelihiyon

  2. sosyal

  3. paglilibang sa manonood

Ang Etnikong Sayaw

Ang salitang “etniko” ay ginagamit para sa sayaw panrelihiyon, mga sayaw pagsamba sa diyos para magbibigay ng mabuting kapalaran sa gitna ng katiwasayan at digmaan. Marahil, ang mga sayaw ng Amerikanong Indyan, katuladng iba pang sayaw upang magpaulan at sumagana ang ani, ay ang pinakakilalang halimbawa ng sayaw etniko.

Isang halimbawa ng etnikong sayaw ay ang dulang Noh sa bansang Hapon. Hindi lang dula ito kundi pagsasama ng sayaw, kanta at musika. Ang dulang Noh ang itinuturing na isa sa mga pinakamtaas na anyo ng pagpapahayag ng sining ng bansang Hapon. May 600 taong gulang na ang dulang Noh. Ang dulang ito ay mayroon lamang lima hanggang anim n mga tauhan: ang pangunahing tauhan at ang mga kapareha nito. Palaging nakamaskara ang pangunahing tauhan at ang iba ang maaari ring magmaskara. Ang palabas ay marangal, matimpi, at hindi kailanman makatotohanan. Sa pag-iyak, ipinapakita lamang sa pamamagitan ng kamay na inilalagay sa mata. Ang mga mascara at kasuotan ng mga tauhan ay nakatutulong nang malaki sa ikakaganda ng dula. Pinakamahalagang sining ng bansang Hapon ang paggawa ng maskara.

Ang dulang Noh ay binubuo ng sunod-sunod na maiikling kuwento na inilalahad ayon sa isang establisadong paraan. Ang una ay tungkol sa mga diyos, ang kasunod ay tungkol sa mga kawal; ang ikatlo, mga bata at magagandang babae; ang ikaapat, tungkol sa mga maniobra ng isang baliw, at ang huli, ay tungkol sa mga diyablo at mga diyos. Ipinalalabas ang parsa( farce) na gumagaya sa seryosong eksena bilang intermisyon.

Sayaw-Sosyal o Sayaw Panlibangan

Ang sosyal na sayaw ay para sa sariling paglilibang. May dalawang anyo nito: ang katutubong sayaw(folk dance) at sayaw-pambulwagan(ballroom dancing). Galling sa etnikong sayaw.

Pormal na sayaw ang sosyal o ballroom dances. Nagsimula ito sa mga square dances katulad ng minuet hanggang maging round dances katulad ng wicked waltz. Ang waltz o balse ay hindi nanatiling tanyag; napalitan ito ng maraming sunod-sunod na sayaw na kaagad inayawan paglitaw pa lamang ng mga ito: ang bunny hug, turkey trot, shimmy, Charleston at iba pa. Ang iba nito ay impluwensiya ng mga sayaw ng American Negro at Latin American.

Ang tango, samba, at mambo ay ilan sa mga anyo ng sayaw ng Latin America. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mas lumalakas ang impluwensya ng musika, ritmo, at sayaw ng mga Negro. Ang mga halimbawa nito ay jitterbug, ang twist at ang iba’t ibang anyo ng rock na sumikat. Ang mga sayaw na rock na naging popular nang mga isang dekada ay ang monkey, chicken, mashed potato at frog. Kadalasan, sa sayaw-rock ay hindi nagkakalapit ang katawan ng magkakapareha. Ang galaw nila ay maaaring papalapit o papalayo sa kapareha na hindi kailangang magkatulad na magkatulad ang kanilang galaw. Sa isang bahagi ng debelopment ng rock, hinihikayat ang mga sumasayaw na magpamalas ng kahit anong galaw kasabay ng musika; ito ang dahilan kung bakit ang mga tao ay nagsimulang sumayaw nang walang kapareha.

Ispektakyular na Sayaw

May mga sayaw na tinatawag na ispektakyular o masining dahil ang mga ito’y angkop panoorin sa isang palabas. Kasama rito ang mga akrobatik na sayaw at ang tap dance ngunit ang pinakatampok na halimbawa nito ay ang ballet at ang modern dance. Ang classical ballet ang pinakamataas na antas ng ekspresyon ng sining ng sayaw. Kung ihahambing sa ibang mga sayaw, ito ang mas nangangailangan ng disiplina ng katawan ng katawan, ulo, paa, kamay at braso. May itinakdang posisyon ng bawat isang bahagi. Mayroong limang posisyon at galaw ng ulo; (1) ibaling (2) itagilid (3) itaas (4)pababa sa likod (5) ibaba. Ang wika ng ballet ay palaging Franses.

Ang Modern Dance

Ang makabagong sayaw ay isang pagsuway sa mga istriktong batas at pamantayan sa anyo ng sayaw, lalo sa klasikong ballet. Ang nagsimula nito ay isang Amerikanang si Isadora Duncan. Ang nais niya sa sining ay isang “malaya” at inisip niya na ang kanyang pagsasayaw ay isang “pagbabalik sa kalikasan”.

Ang “Hulwaran sa Sayaw” na nakita niya ay ang “makadiyos na ekspresyon ng kaluluwa sa pamamagitan ng mga galaw ng katawan”. Ang mga taong sumusunod sa pamantayan sa sayaw ni Isadora Duncan ay tinawag na mga Expresionist.

Ang sayaw ng mga ekspresiyonista ay ibinatay sa direktang pakikipagkomunikasyon ng mananayaw at manunuod. Hindi gaanong nagpapahalaga ang mga ekspresiyonista sa anyo; sa halip nagpahalaga ito sa kahulugan ng buhay at sa relasyon ng sumasayaw nito. “Ang layunin lamang nito ay ang maihatid ang sensasyon ng buhay para sumigla ang mga manonood at magkaroon sila ng realisasyon sa kasiglahan, misteryo, katatawanan, at kagandahan ng buhay.

Ang makabagong sayaw ay tumagal ng mahabang panahon ngunit hindi ibig sabihing nawawala na ang classical ballet. Nananatili parin ito. May mga katangi-tanging palabas dito. Ang ibang interpreter ng ballet ay ginawang makabago ito para sa madamdamin at simbolikong layunin.

Mga Dapat Tandaan:

  • Ang sining ay nahahati sa tatlong pangkalahatang-uri.

  1. Sining biswal- ang produkto ng sining ay nakikita katulad ng pagpipinta, eskultura, arkitektura.

  2. Sining na naririnig- ang halimbawa ay ang musika.

  3. Pinagsanib na mga sining- tumutukoy sa mga teatro, sayaw, at panitikan.

  • Ang anyo ng mga teksto ng sining ng pagpipinto, eskultura, arkitektura, musika, sayaw at teatro ay katulad ng estruktura ng mga halimbawang teksto sa kabanata IV.

  • Ang panitikan ay sinusuri batay sa sumusunod ng mga elemento.

  1. Wikang ginagamit- kunng ito’y pormal o di pormal.

  2. Layunin ng Awtor- ang nagtutulak sa awtor na sumulat ng akda at kung ano ang gusto niyang mangyari sa mga mambabasa.

  3. Tema

  4. Banghay

  5. Paningin o punto de bista

  6. Eksena/Tapuan/Kaligirang Nakapangyayari sa akda

  7. Bersipikasyon- sa tula, ito’y tumutukoy sa tugma at sukat

  8. Tayutay- mga salitang may di pangkaraniwang pagpapakahulugan.

  9. Estilo- ang paraan ng pagpapahayag ng mensahe ng awtor.

1
$ 0.00
Avatar for lyka23
Written by
3 years ago

Comments