“WALANG FILIPINO O WALANG ALAM SA WIKANG FILIPINO?”
REAKSIYONG PAPEL
HINGIL SA CHED MEMO ORDER NO. 20 SERIES OF 2103
Lahat tayo ay nag hahangad ng pag unlad, pagbabago at progresong makakakapagpabago saating pagkakakilanlan at pagkatao. Marahil tayo ay nakasentro lamang sa ating inaasam na makamtang tagumpay ay nakakalimutan na nating sa buong proseso ng ating pag lalakbay ay maraming mga bagay ang naapektuhan at nagbabago. Gawa na rin ng ating pag aasam na maabot ang mas mataas na antas ng intelekwalisasyon kasabay ng makamundong globalisasyon ay nakakalimutan na natin kung ano, para saan at kung sino nga ba talaga ang tunay na dapat huwaran? Ang ating bang mga ninunong nakipaglaban upang mapanatili ang identidad nating mga Pilipino? O ang mga dayuhang dala lamang nang modernisasyong hindi naman natin pinagmulan? Wikang atin o wikang hindi naman tunay na atin? Hahayaan ba nating tuluyan ng matabunan ang tunay nating pagkakakilanlan? Dahilan ng patuloy na globalisasyong kailangan nating masabayan?
Ito marahil ang ideolohiyang pinagmulan ng pagpapatupad ng K to 12 Curriculum. Inaasahan na sa pagpapatupad ng nasabing programa na magmomodipika sa sistema ng edukasyon sa kasalukuyan, makabubuo tayo ng mga indibidwal na kayang makipagsabayan sa mundo. Hindi naisip ng mga otoridad na nagplano at bumuo ng patakarang ito na sa paghahangad nila ng pag-unlad ay maisasakripisyo ang isang napakahalagang bahagi ng ating pagkatao at pagkakakilanlan. Para bang tuturuan kang lumipad pero nakapiring ang iyong mga mata.
Ayon sa Konstitusyon ng 1987, Artikulo XIV, Seksyon 6, “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.” Maliwanag ang isinasaad ng Saligang Batas na kailangang payabungin ang Wikang Filipino sapagkat ito ang ating pambansang wika. Ito ay bahagi ng pagkakakilanlan natin bilang Pilipino – pagkakakilanlan na kaakibat ng ating kalayaan mula sa mga mananakop noong unang panahon. Ang ating tinatamasang kalayaan ay bunga ng dugo at pawis sa pakikibaka ng ating mga bayani. Ito ay bahagi ng ating kasaysayan at kultura. Ano nga ba ang pinakamabisang paraan ng pagpapayabong at pagpapayaman ng wikang Filipino? Walang iba kundi ang paggamit at pag-aaral ng mabisang paggamit nito. Sa pag-alis ng Filipino bilang asignatura sa kolehiyo na kasama sa implementasyon ng K to 12 Curriculum, marami ang nilalabag. Sinasalungat ng CHED Memo Blg. 20 ang Saligang Batas
Nakakalungkot isiping ang wikang Filipino na siya nating pambansang wika ay itinuturing ng ibang Pilipino na wika lang ng masa, wika ng ordinaryong mamamayan. Upang maging kabilang sa alta-sosyodad, kailangang iwaksi ang sariling wika kahit magkandabalu-baluktot ang dila sa pagsasalita ng wikang banyaga para lang masabihang maalam. Ang itinuturing na wikang pang-mayaman, pang-sosyal at pang-edukado ay Ingles kaya naman pilit na ipinatutupad sa mga pribadong paaralan ang “English Only Policy” upang sa pagtuntong ng kolehiyo o sa paghahanap ng trabaho ay mahusay mag-Ingles. Ano kaya ang mangyayari sa ganitong sitwasyon? Isang batang Pinoy, kinamulatan ang salitang Ingles dahil propesyonal ang mga magulang, sa pagtuntong ng elementarya at hayskul ilang minuto lang pwedeng gamitin ang wikang Filipino, pagdating sa kolehiyo, wala nang asignaturang Filipino, paano niya maipapasok sa sistema niya ang pagpapahalaga sa sariling wika? Malamang hindi niya papangarapin ang magtrabaho o tumira sa Pilipinas. Sa ganitong sitwasyon, nakabuo ng isang Pinoy na hindi gustong maging Pinoy. Siya ba ang may sala o ang sistema?
Ang wikang Filipino ay hindi lamang ang kaluluwa nating mga pilipino, ito rin ay sumasalamin sa kung sino at ano tayo bilang tao. Kinakailangan nating pagyamanin ang wikang atin, ang tunay na wikang dapat nating mahalin at tangkilikin. Kung kaya’t hindi ako lubos na sumasang ayon sa naging desisyon ng CHED ukol sa memong kanilang inilabas noong 2013. At dahil tunay ngang mahalaga ang ating wika, nagtagumpay ang mga samahanang gumawa ng mga resolusyon upang maibalik ang Asignaturang Filipino sa Kolehiyo. Ito ay tama at dapat dahil ang wikang Filipino, ay ang wika ko at ang wikang pagkakakilanlan nating mga Pilipino.
Halos kalimutan na ang sariling wika,nakakalungkot isipin ang katotohanan