By Vasquez,Mark Gerald
Gamit ang mga kulay iguhit mo ang iyong nararamdaman
Punan mo ng buhay ang malungkot na larawan
Ang kapirasong papel ay gawin mong palaruan
Sa ganitong paraan mababawasan ang nararamdaman
Maaring hindi magpantay ang kulay
Maaring magkamali at sumablay
Ang pagpitik ng bawat pintura sa papel ay may kuwentong taglay
Magulo kung pagmamasdan ngunit ang bawat linya ay buhay
Ibuod mo sa papel ang pagbabalik tanaw
Ibulong mo sa kulay puti at dilaw
Sa bawat gabing nagdaan sa bawat pagpatak ng luhang bughaw
Gawing instrumento ang sining sa paglahad ng ikaw
Wag mong itago ang itim sa iyong obra
Wag kang tumigil sa maling mga timpla
At kung ang kapirasong papel ay kapos na
Mundo naman ang iyong ipinta
Ang bukang liwayway na walang kulay
Ay tila pagsubaybay sa rosas na namamatay
Paligid ay magmimistulang matamlay
Ramdam ang lamig ng lumbay
Pintahan mo ang mundo gamit ang iyong imahinasyon
Sa sining ng pagbuo ay walang limitasyon
Lawakan mo ang hangganan ng iyong bisyon
Ang mga kulay ang gawin mong solusyon
Gawin mong boses ang bawat larawan
Mundo ang iyong malawak na tanghalan
Gamitin mo ang iyong nalalaman
Isigaw mo sa sining ang iyong nararamdaman