Ang wastong pakikipagkaibigan ay isang napakabuting bagay. Likas ito sa tao at ang Diyos mismo ang nagsabing "Hindi mainam na mag-isa ang tao". (Gen. 2:18, Magandang Balita Biblia). "Ang kaibigan [din] ay nagmamahal sa lahat ng panahon at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong" (Kaw 17:17, Ibid.).
Tunay na mahirap kapag nag-iisa. Ang sabi nga ni Haring Solomon:
"Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa pagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipitay di agad malalagot". (Ecles. 4:9-10, 12 Ibid.).
Likas sa tao ang maghangad na magkaroon ng matalik na kaibigan, napagtitiwalaan ng kaniyang mga sikreto at pribadong damdamin, napagsasabihan ng sama ng loob, nakapagpapasaya sa kaniya kapag siya ay malungkot, at siya ring nais niyang kasama sa kaniyang mga tagumpay o kabiguan.
Parang tunay na kapatid-ganito ang pagtuturing ng marami sa kanilang kaibigan. Sila ay magkasama sa hirap at ginhawa, sa tuwa at lumbay, nagdadamayan sa panahon ng kagipitan, at gagawin ang halos lahat mapagbigyan lamang ang hiling ng isa't isa. Kaya naman, dapat na maging matalino sa pagpili ng kaibigan. Ibinabala ni Apostol Pablo na:
"Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali." (I Cor. 15:33). May nagsabing, "Wala namang taong perpekto". Subalit, kahit pa masasabing mahirap makakita ng kaibigang walang kapintasan ay makikilala pa rin ang hindi dapat pakisamahan-hindi dapat padaya sa mga taong masama ang ugali. At yayamang ang Diyos ang Siyang nakakaalam ng makakabuti sa tao, ang kalooban Niya ang dapat na maging batayan ukol sa bagay na ito.
Itinagubilin ng Diyos na gaano man kaganda ang sinasabi ng sinuman upang akitin tayo na gumawa ng masama, kahit pa sila'y mag-alok ng kasaganaan sa buhay na ito, ay hindi tayo dapat na padaya (Kaw. 1:10-11, 13-16). Ayaw ng Diyos na mahanay tayo sa mga taong ang pinagkakaabalahan sa buhay ay masasamang bagay sapagkat ang masama ay mapapahamak (Awit 1:4-6). Kaya dapat na mag-ingat sa mga pinakikisamahan. Huwag makikisama o babarkada sa may masasamang bisyo, mapagtungayaw, mapaghatid-dumapit o lumilikha ng usapin tungkol sa kapuwa, gumagawa ng katiwalian, at nabubuhay sa kalikuan o kasamaan.
•PasugoApril2015
Sa panahon ngaun iilan na lang talaga ang mapag kakatiwalaan dahil sadyang napa ka hirap mag bigay ng tiwala kasing hirap ng pag kakaroon ng isang tunay na kaibigan dahil kadalasan sa mga itinuturing natin kaibigan ay marami ang mga peke at pakkitang tao lang at kaibigan ka lang dahil may kailangan sila sa iyo or maganda ang iyong tayo sa buhay pero pg lumagpak ka mag lalaho silang mga parang bula.