Ito ay isa sa mga sensitibong artikulo na tatalakayin natin. Marami ng napapabalita tungkol sa mga nanay na bagong panganak na nagpakamatay o pinatay yung mga anak nila. Masakit man isipin ngunit ito ay totoong nangyayari. Kaya para sa mga tatay diyan dapat niyo rin malaman ang tungkol sa post partum depression ng mga nanay. Kailangan nila ng suporta, alaga at pagintindi. Hindi ito imbento o kathang isip ng mga nanay. Totoong depresyon ang dinadanas nila. Para naman sa mga nanay diyan magbasa at magsaliksik habang hindi niyo pa ito nararanasan para magkaroon na rin kayo ng ideya tungkol sa pagkakaroon ng post-partum depresyon at magkaroon ng kamalayan tungkol dito.
Ano nga ba ang post-partum depression?
Ang Post-partum depression ay depresyon na dinaranas ng mga nanay pagkatapos manganak, karaniwang kombinasyon siya ng hormonal changes, psychological adjustment to motherhood, at pagod.
Katulad ko, Oo! ako ay isang biktima ng Post-partum depression. Pagkatapos kong manganak noong taong 2017 maayos naman ang buhay namin dahil may mabait akong asawa, supportive at good provider. Sa sobrang ayos ng buhay namin nakaramdam pa rin ako ng kakulangan. Palagi ko siyang inaaway kahit sa isang maliit na bagay lang. Kapag dumarating siya galing trabaho sinasadya kong guluhin ang buong kwarto namin para ayusin niya. Ang mga damit naming nalabhan na ay nilalagay ko pa rin sa laundry basket para muli niyang labhan. Hindi ko alam kung bakit ginagawa ko iyon sa kanya. Siguro dahil sa mga panahong iyon ay hindi siya kumikibo, walang reaksyon sa mga maling ginagawa ko. Hanggang isang araw, gabi na siya umuwi dahil naaksidenti yung tito niya at tinulungan niya. Pagdating niya sa bahay nagkaroon kami ng argumento. Sabi ko sa kanya mas inuna niya yung ibang tao kaysa sa amin ng kanyang anak niya at nakapagsalita ako ng masasakit sa kanya. Hanggang sa hindi na rin siya nakapagpigil, naubos ang kanyang pasensya at first time kong makita kung paano siya magalit. Kalabog ng pintuan, pinggan at upuan ang mga narinig ko. Umiiyak din siya dahil hindi na niya ako maintindihan. Sobrang umiiyak din ako kasi nung time na yun ako yung may mali. Pareho namin hindi alam na nakakaranas na pala ako ng post-partum depression. Nagdaan ang mga araw, naibaling ko naman ito sa anak ko. Maraming beses na muntik ko na siyang saktan pero hindi ko magawa kaya hinahayaan ko na lang siya umiyak ng umiyak. Nakokonsensya ako tuwing ginagawa ko iyon kaya naman gumawa ako ng sariling paraan para malampasan ko ang ganitong klaseng depresyon. Hindi naman ako naiintindihan ng asawa ko. Sabi niya sa akin masyado lang daw akong nagiisip ng kung anu-ano. Nagsaliksik ako at nagbabasa tungkol sa mga nararanasan ng mga nanay especially yung mga baguhan pa lamang. Dahil sa pananaliksik at pagbabasa ko doon ko lamang nalaman na nakaranas ako ng postpartum depresyon.
Pwede ka magkaron ng post-partum depression kung nanganak ka for the last 12 months at nakakaranas ng alin man sa mga symptoms na ito:
Kapag may PPD ka, pakiramdam mo hindi mo kaya maging isang nanay.
Hindi mo nararamdaman na bonded kayo ni baby. Hindi mo nararamdaman yung pagiging isang ina na nakikita mo sa TV or nababasa sa mga articles.
Iritable ka or galit ka. Wala kang pasensya. Lahat na lang kinakainisan mo. Nakakaramdaman ka ng galit sa anak mo, or sa asawa mo, or sa mga kaibigan mo na walang anak. Hindi mo macontrol yung nararamdaman mong galit.
Manhid na ang pakiramdam mo. Emptiness. Parang nakikisabay ka na lang agos ng buhay.
Nakakaramdaman ka ng kalungkutan, tagos hanggang sa buto mo. Hindi ka tumitigil sa pag-iyak kahit wala naming dahilan para umiyak ka.
Pakiramdam mo wala ng pag-asa, kagaya ng sitwasyon mo ngayon, pakiramdam mo di na maayos. Pakiramdam moa ng hina mo at walang kwenta.
Hindi ka makatulog kapag natutulog si baby, or hindi ka makatulog kahit anong oras o kaya nakakatulog ka naman, pero nagigising ka ng hating gabi at hindi ka na ulit makabalik sa pagtulog kahit anong pagod mo.
Hindi ka makapagconcentrate. Hindi ka makapagfocus. Hindi mo alam kung anong gusto mong sabihin. Hindi mo maalala yung dapat mong gawin. Hindi ka makapagdesisiyon. Pakiramdam mo nasa alapaap ka.
Naiisip mong maglayas at iwanan na ang pamilya mo. Or umiinom ka ng maraming pills at nag-iisip ng paraan para matapos na ang paghihirap mo.
Natatakot ka na kapag nag reach out ka sa ibang tao, huhusgahan ka nila, or kukunin nila yung anak mo.
Kung may mga ganito ka ng dinaranas, the best thing to do is to call a doctor. Hindi mo kelangan maghirap mag-isa. Temporary disorders lang naman ang mga ito, pero kailangan pa rin ng medical help.
Laging tandaan ang ang pag-unawa ng mga nakapaligid sa iyo ay mahalaga.