Sunod-sunod ang mga espesyal na pagdiriwang na naganap sa buong mundo kahit mayroong mga balakid. Hindi pa rin natin mapigilan na ipagdiwang ang mga ito dahil ito ay isa ng tradisyon ng mga taon-taon. Isa sa mga espesyal na araw sa atin ay ang "Araw ng mga Puso". Hindi lang dito sa Pilipinas ang nagdiriwang dahil maraming mga bansa ang nakikiisa sa pagdiriwang ng romantikong araw na ito.
Ano nga ba ang Araw ng mga Puso?
Ang Araw ng mga Puso, na tinatawag ding Saint Valentine's Day o ang Piyesta ng Santo Valentine, ay ipinagdiriwang taun-taon sa Pebrero 14. Umulan man o bumagyo, tuloy na tuloy parin na ipinagdiriwang ang araw ng mga puso sa malamig na Pebrero. Ang espesyal na araw na ito ay hindi lamang para sa mga mag-asawa o magkarelasyon kundi para sa lahat ng taong nagmamahal. Mga taong may iba't-ibang uri ng pagmamahal na inihahandog sa kanilang asawa, kaibigan, mga magulang, kakilala, mga kapatid.
Habang papalit na naman ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, marami na naman ang nagkakaroon ng oportunidad upang pagkakitaan ang mga pakulo sa araw na ito tulad ng pagbebenta ng mga palumpon ng mga rosas na may kasamang tsokolate at nagbabatian. Patok rin ang mga sinehan dahil napupuno ito ng mga magsing-irog at pamilya. Katulad ng ibang malalaking selebrasyon dito sa Pilipinas, taon-taon ay nagtataasan ang presyo mga patok na bilihin. Sa pagsapit ng Araw ng mga Puso, bulaklak naman ang nagtataas ang presyo na nakadepende sa mga uri nito. Minsan pa nga ay nagsusuot ang mga magkasintahan ng "couple shirt" kung ito ay tawagin. Patok na patok ito sa mga kabataang nanliligaw pa laman o magkarelasyon na at sa mga mag-asawa.
Noong kabataan ko, masaya ang mga karanasan ko sa tuwing sasapit ang Araw ng mga Puso dahil nakakatanggap ako ng mga sariwang palumpon ng mga rosas at tsokolate galing sa aking nobyo. Namamasyal din kami tuwing sasapit ang araw ng mga puso at nanonood ng sine. Nakatanggap din ako ng mga bulaklak at mga maikli at makahulugang mensahe galing sa aking mga estudyante noong ako ay pansamantalang nagsasanay pa lamang magturo sa isang pampublikong paaralan.
Ngunit paano ba natin ito maipagdiriwang gayong tayo ay dumaraan pa rin sa matinding pagsubok ngayong pandemya?
Sa pansarili kong opinyon, hindi naman kailangan gumastos tayo ng malaki para maiparamdam lang sa mga mahal natin sa buhay ang araw ng pagmamahalan. Sa katunayan, pwede natin iparamdam ito sa kanila araw-araw ng hindi gumagastos. Hindi ba't mas mahalaga ang iyong presensya at oras ng pagsasama-sama kaysa sa mga bulaklak, tsokolate at kung ano ano pang materyal na bagay?. Hindi mahalaga kung ano man ang materyal na maihahandog sa mga mahal natin sa buhay. Ang simpleng "I love you" at "Effort"sa bahay ay sapat na para maipadama natin ang ating pagmamahal sa kanila. Ngayong patuloy pa rin tayo nakakaranas ng krisis tulad ng pandemya kailangan pa rin tayo mag-ingat. Lagi nating tandaan na bawal pa rin ang mga pagtitipon. Kung ipagdiriwang natin ang Araw ng mga Puso, maging malikhain tayo. Sa mga mag-asawa, pwedeng sa loob na lamang ng bahay ipagdiwang ang romantikong araw na ito. Sa mga magkasintahan mas maigi kung huwag muna gawin ang mga nakaugalian tuwing sasapit ang espesyal na araw na ito. Gumawa na lamang ng ibang paraan na hindi tayo mapapahamak. Mahalaga pa rin ang kaligtasan ng bawat isa. Konting pagtitiis pa at malalampasan din natin ang mga pagsubok na ito.
Ang Araw ng mga Puso ay isang araw ng pag-ibig at pagmamahal. Mayaman man o mahirap, maging anuman ang anyo at paraan at kahulugan ng pagdiriwang, ang mensahe at diwa nito ay PAG-IBIG.