Mga Resolusyon ng Bagong Taon

0 26
Avatar for jhuls
Written by
3 years ago

Halos lahat yata ng mga Pilipino ay palaging may mga resolusyon tuwing sasapit ang Bagong Taon. Ngunit, natutupad nga ba nila ito? Inaasahan natin na ang taong 2020 ang pinakamagandang taon ngunit sa taon pala na ito, tayo ay makakaranas ng krisis tulad ng pandemya, pagsabog ng mga bulkan, wildfires, bagyo, mga patayan, mga natural na sakuna at kung ano-ano pa.

Ano nga ba ang tinatawag na "Resolusyon ng Bagong Taon"?

Ang Resolusyon ng Bagong Taon ay isang tradisyon, pinakakaraniwan sa Kanlurang Hemisperyo ngunit matatagpuan din sa Silangang Hemisperyo, kung saan nagpapasya ang isang tao na ipagpatuloy ang mabubuting kasanayan, baguhin ang isang hindi kanais-nais na ugali o pag-uugali, upang makamit ang isang personal na layunin, o kung hindi man ay mapabuti ang kanilang buhay.

Isa ako sa mga gumagawa ng mga Resolusyon ng Bagong Taon at gumawa ako ngayon taon 2020. Ito ang kauna-unahan kong Resolusyon ngunit tila mailap sa akin ang taon na ito. Inisip ko na lang, siguro hindi pa talaga tamang oras at panahon para matupad ang mga kahilingan ko sa buhay. Ang taong 2020 ay "unforgettable" na maituturing dahil sa dami ng hindi magandang nangyari sa buong pandaigdigan.

May mga ilan naman natupad sa mga Resolusyon ko ngunit mas marami yata ang hindi ko natupad. Ang ilan sa mga Resolusyon ko ngayong taon na natupad ay ang magkaroon ng "extra income"para makatulong sa mga gastusin dito sa bahay. Wala kasi akong trabaho, napagusapan kasi naming mag-asawa na isa lang sa amin ang pwedeng magtrabaho at mas mabuting maalagaan ko ang anak namin. Laking pasasalamat ko sa aking kapatid dahil binigyan niya ako ng pagkakakitaan kahit ako ay nasa bahay lamang. Malaki ang impact nito sa buhay ko dahil bukod sa pagkakaroon ng "extra income" nabawasan din ang stress ko sa buhay dahil alam kong nakakatulong na ako sa mga gastusin. Hindi ko na rin iniisip na wala akong kwenta at pabigat lamang.

Ilan naman sa mga Resolusyon ko na hindi natupad nitong 2020 at tutuparin ko ngayong 2021 ay tulad ng:

  1. Pagdyedyeta at pag-iwas sa mga unhealthy foods. Isa sa mga mahirap iwasan ang pagkain lalo na yung mga bawal. Hindi naman ako mataba ngunit pagdyedyeta ang naisip kong isa sa mga gawing Resolusyon dahil mahilig pa rin talaga ako sa mga fast food, junk foods, chocolates at adik na adik ako sa mga noodle.

  2. Bigyan ng kapatid ang nag-iisa kong anak. Nitong mga nakaraang buwan napapansin ko sa anak ko, palagi siyang naghahanap ng mga kalaro. Kahit hindi niya sabihin sa akin, alam kong hindi siya masaya sa pagiging "only child". Sa kasamaang palad nagkaroon ng pandemya kaya mas pinili kong maging ligtas ang pagbubuntis.

  3. Makabili ng sariling lupa. Matagal ko na gustong magkaroon ng sariling lupa na masasabi kong pagmamay-ari namin at sana ngayong taong 2021 ay bahay naman.

  4. Mag-ehersisyo. Ang hirap nito tuparin gayong hindi naman ako fitness-minded. Isa ito sa mga naging resolusyon ko dahil ang ehersisyo ay nakakatulong upang mabawasan ang stress at nakakawala ng pagkatamad.

  5. Bawasan ang pagpupuyat. Kailangan ko talaga ito dahil halos araw-araw ako nagpupuyat at alam ko hindi ito maganda sa kalusugan.

  6. Bawasan ang pakikipag-away sa asawa. Usong-uso pa rin hanggang ngayon larong MOBILE LEGEND na nakakasira daw sa relasyon. Lagi namin itong pinag-aawayan pero masasabi ko ngayon unti-unti na niyang binabawasan ang paglalaro nito.

  7. Mag-ipon ng pera. Nakapagsimula na kaming mag-ipon noong taong 2018 ngunit natigil ngayong taon dahil sa sunod-sunod na krisis. Kaya ngayong taon namin ipagpapatuloy ang pag-iipon.

  8. Magkasama-sama kami ng aking pamilya. Dulot ng pandemya mahigit isang taon hindi kami nagkasama-sama kaya sana ngayong 2021 ay magawa namin.

Ang paggawa ng mga resolusyon ng Bagong Taon ay maaaring mahirap gawin ngunit kung ito ay isasapuso natin may malaking pagbabago at positibong mangyayari sa ating pamumuhay. Tandaan ang mga resolusyon ng bagong taon ay matutupad kung tayo ay kumikilos.

2
$ 5.66
$ 5.56 from @TheRandomRewarder
$ 0.10 from @rosienne
Avatar for jhuls
Written by
3 years ago

Comments