Pangarap ko magkaroon ng sariling bahay, yung masasabi kong pag-aari ko. Noong hindi pa ako nag-aasawa, pangarap ko lang ay magkaroon ng trabaho para mabili ko ang mga gusto ko katulad ng sapatos, damit, relo, cellphone at makakain ng masasarap na pagkain. Ngayon naman na may sarili na akong pamilya, bahay at lupa ang gustong-gusto kong mabili.
Sa ngayon apat na taon na kaming nakatira sa bahay ng aking biyenan. Maliit lamang ang bahay ng aking biyenan. Anim kami sa bahay na yun at kami ang nagbabayad ng lahat ng gastos sa bahay. May trabaho naman ang nakatatandang kapatid ng asawa ko ngunit ang ginagastusan niya ang ang kanya lamang mga personal need katulad ng shampoo, sabon, pabango at iba pa. Ang bunso naman nila ay kailangan talaga naming suportahan dahil wala naman trabaho. Ang mga biyenan ko ay patay na kaya kami ang nagsisilbing head of the family. Ang sitwasyon namin ngayon ang naging dahilan upang mag-ipon kami ng pambili ng lupa at bahay dahil ayokong tumira sa bahay na hindi naman kailanman magiging akin. Alam naman natin kung ano ang kalamangan ng may sariling bahay, yun ay mayroon kang privacy at right para gawin lahat ng gusto mo.
Maliit lamang ang bahay ng asawa ko, may tatlong maliliit na kwarto, maliit na attic, isang kusina, isang comfort room, maliit na sala, balkon, at kainan.
Silid-tulugan - ito isang silid sa bahay na mayroon isang pintuan na maaaring sarado, isang bintana, at isang closet. Ito ay isang pribadong kwarto. Tatlo kaming natutulog dito, ang asawa ko, ako at ang anak namin dahil wala ng ibang pwedeng gamitin na ibang kwarto kundi ito lang. May dalawa pang kwarto dito ngunit ay para sa dalawang kasama namin sa bahay. Para ito ay maging maluwang isinaayos ko ang mga gamit namin dito. Mayroon kaming limang kanyan-kanyang lagayan ng mga damit. Ang mga gamit namin ay may sari-sariling lalagyan, mga DIY na lalagyan na ako mismo ang gumawa. Naglagay din ako ng wallpaper para maaliwalas tingnan. Ang iba namang mga gamit namin ay nakalagay sa ilalim ng kama upang hindi pakalat-kalat at maging maluwang sa kwarto namin.
Sala - ay isang silid sa bahay para makapagpahinga at makisalamuha. Maaari itong maglaman ng mga kagamitan tulad ng isang sofa, upuan, paminsan-minsang mga mesa, mga mesa ng kape, mga bookshelf, electric lamp, basahan, o iba pang kasangkapan. Kung makikita niyo hindi siya makalat dahil inayos ko ang mga gamit sa mga tamang lagayan nito. Ang mga megabox na nakikita niyo ay sandali naming ibinaba mula sa attic para ayusin.
Balkon - Ito naman ang silid kapag kami ay tumatanggap ng mga bisita. Ito ay pahingahan din namin. Nagsisilbi rin itong play corner ng anak ko. Dito rin ako naglalagay ng Christmas Tree at mga Christmas lights tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre.
Silid-kainan - dito naman kami kumakain. Lahat ng mga gamit dito ay nakakaayos. Mayroon kaming maliit na refrigerator at maliit na washing machine. Ito ay tamang-tama lang sa kani-kanilang espasyo. Ang mga kagamitan ko naman sa pagbibake ay nakalagay lamang sa isang storage box. Marami pa sana kaming pwedeng bilhin na gamit ngunit maliit talaga ang bahay, walang sapat na lalagyan.
Banyo - Ito naman ay isang silid kung saan tayo naliligo. Isa lamang ang comfort room namin kaya dito rin kami dumudumi at umiihi. Araw-araw kong nililinis ang silid na ito.
Kusina - ay isang silid o bahagi ng isang silid na ginagamit para sa pagluluto at paghahanda ng pagkain sa bahay. Dito naman ako nagluluto at naghuhugas ng mga pinagkainan.
Attic - isang hindi natapos na silid sa pinaka tuktok ng isang bahay, sa ibaba lamang ng bubong. Ito naman ay ginawa naming storage ng mga gamit. Nilagyan namin ito ng ilaw at electric fan para naman kapag umakyat kami dito ay hindi madilim at mainit. Dito nakalagay ang mga laruan at iba pang mga kagamitan na hindi madalas ginagamit. Hindi namin basta-basta nilalagay ang mga gamit dito dahil minsan pinagpupugaran din ito ng mga daga kaya naman bumili kami ng mga storage box (megabox) at mga sack bag para dito namin ilagay ang mga gamit.
Maliit na hardin - taniman ng kung anu-anong halaman. Dahil maliit lamang ang aming bakuran, gumagamit kami ng seedling bags para may mapagtaniman ng mga iba't-ibang klase ng gulay at prutas. Nagpaplano na rin kaming magtanim ng mga halamang bulaklak at iba pa. Laking pakinabang sa amin ito mula ng magkaroon ng pandemic sa buong mundo.
Ang lahat ng mga silid na ipinakita ko ay ibang-iba sa dating anyo nito. Pansamantala kaming nakikitira dito ngunit mukhang matatagalan kami dito kaya isinaayos namin ang bawat silid nito. Ibinibigay na sa amin ang bahay na ito ngunit hindi namin tinanggap dahil itinuturing namin ito na bahay ng kanyang buong pamilya. Sa ngayon, nag-iipon pa kami ng pera para makabili ng sarili naming bahay na masasabi naming amin o pag-aari namin. Hindi kagandahan ang bahay na ito at hindi rin malaki ngunit malinis naman.