Ako ay galing sa isang hindi perpektong pamilya. Hindi naman kami literal na "broken family"pero masasabi ko na broken family kami dahil hindi kami magkasundo-sundo lalong lalo na ang mga magulang namin. Hindi naman sila naghihiwalay alang-alang sa aming mga anak.
Ano nga ba ang Pamilya?
Ang Pamilya ay nagsisilbing tagagabay natin upang matuto tayo ng kung ano ang tama at mali at kung ano ang mga dapat gawin at hindi dapat gawin. Sila ang nagiging kasangga natin sa oras na tayo ay lugmok. Ang pamilya ang nag-iisang nakakakilala sa kung sino talaga tayo, sila ang makakatanggap sa atin ng buong-buo anumang ugali meron tayo. Ang pamilya ang gabay upang hindi tayo mapasama at hindi magkamali sa mga desisyon sa buhay. Ang pamilya ang nagpapa-alaala sa kung anong mangyayari sa isang bagay na hindi ka siguradong gawin. Ang pamilya ko masasandalan ko sa mga pagkakataong hindi na natin kaya.
Kakaiba ang pamilya namin kumpara sa iba. Hindi kami bukas sa lahat ng bagay dahil nagkakahiyaan kami sa isa't-isa. Hindi rin kami malambing sa mga magulang namin, hindi kami "showy" pagdating sa pagmamahal namin para sa mga kapatid at magulang namin. Nasasabi ko ito ng magkaroon ako ng sariling pamilya. Nakilala ko ang pamilya ng asawa ko, madaming ganap sa pamilya nila mula sa pagsilang ng mga anak nila hanggang sa pagtanda ay pinapahalagahan nila ang bawat milyahe ng buhay. Mga kaarawan, anibersaryo ng mag-asawa, araw ng mga puso, mga achievement sa paaralan at marami pang iba. Bukas din ang mga anak nila tungkol sa pakikipagrelasyon ng mga anak nila, sa madaling sabi hindi sila naglilihim sa mga magulang nila dahil sinusuportahan naman sila basta nasa tamang edad na sila at responsable sa mga bagay-bagay. Hindi rin naman sila perpekto ngunit ibang-iba talaga ang pamilyang nakagisnan ko.
Ang nanay namin ang naging ilaw at haligi ng tahanan. Ang tatay ko naman nagtatrabaho bilang isang jeepney driver ngunit hindi siya umuuwi sa amin. Mabait naman siya pero hindi siya nagbibigay ng sapat na sustento hanggang sa nabalitaan na lang namin na may babae na pala siya. Kahit kaunti lang siya magbigay ng sustento may tanim na palay at niyugan naman kami na kung saan napagkakakitaan ng pamilya namin para makasurvive araw-araw. Kahit hindi kami perpektong pamilya masasabi ko na ang aking pamilya ang aking kayaman. Dahil ang nanay namin ang ilaw at haligi ng tahanan, sa kanya ko natutunan ang mga bagay na inaaplay ko naman ngayon sa sariling kong binubuong pamilya. Gayunpaman hindi ko masasabi na nagkulang sila bilang isang magulang. Kung ano ang hindi naibigay sa amin ng tatay namin ay ibinigay naman ng nanay namin. Hindi siya nagkulang sa pag-aaruga sa amin at tinuruan niya kami ng magagandang asal. Lagi niyang pinapaalala niya rin sa amin na hindi lahat ng bagay ay madaling makuha ng hindi pinaghihirapan.
Ngayong may sarili na akong pamilya, marami akong isinasaalang-alang. Dahil nga nanggaling kami ng asawa ko sa magkaibang pamilya, nahahati ang aming opinyon at impluwensya sa pagbabahagi nito sa aming anak. Sa pagkakaiba namin ng pinanggalingan at nakaugalian, tanggap namin at nirerespeto ang bawat isa.
Kung bibigyan ako ng pagkakataon na mamili kung ano ang mas mahalaga, pamilya o bagay? Para sa akin pamilya ang mas mahalaga dahil mawawala nga sila pag dating ng oras pero mananatili parin sila sa aking puso at isip. Ang pamilya rin ang nag sisilbing pundasyon ng iyong sarili dahil kong wala sila paano mo mabubuo ang iyong sarili bilang tao at sa lahat ng hirap sila rin ang naging pundasyon ko na madaling malalapitan.
Palagi namin napag-uusapan ang bawat pamilya namin. Ngunit isa lamang ang gusto namin, panatilihin ang pagmamahal sa isa't-isa at may takot sa Diyos.