Dalawang araw na lang ay pasko na, ilang tulog na lang ay ipagdaraos na natin ang kaarawan ni Hesu-Kristo. Dito sa Pilipinas, bahagi na ng kultura ang pagdalaw ng mga ng mga bata sa kanilang mga ninong at ninang tuwing Pasko.
Bakit nga ba tayo ay may ninong at ninang?
Ang mga relihiyon ay iba-iba ang paniniwala pagdating sa pagbibinyag dahil napapanatili nito ang mga mahalagang bahagi sa paghubog ng pagkatao ng ating mga anak. Ang pagbibinyag ng ating mga anak sa relihiyong katoliko ay kinakailangan ng ninong at ninang. Hindi lahat ng relihiyon mayroon nito.
Ano nga ba ang tunay na papel ng mga ninong at ninang sa buhay ng ating mga anak?
Sa pagpili ng mga ninong at ninang kailangan piliin natin yung mga malalapit na tao na ating mapapagkatiwalaan dahil mayroon silang tungkulin sa buhay ng mga anak natin. Sila ay isa sa mga magpapalawak ng pamilyang magmamahal at gagabay sa ating mga anak. Ang pagpili ng mga ninong at ninang ay hindi dapat nakabase sa estado ng kanilang kapasidad na magbigay pamasko sa ating mga anak o sa kaya nilang ibigay. Hindi ito tungkol sa pera o materyal na bagay na maibibigay.
Sinasabing sila ang tumatayong pangalawang magulang ng mga anak natin kapag wala tayo o kailangan natin ng tulong sa pagpapalaki ng ating mga anak. Ngunit hindi nila obligasyon ang magbigay ng mga bagay na anumang gustuhin ng mga anak natin. Nariyan sila upang gabayan ang ating mga anak, turuan sila ng magandang asal, at marami pang iba. Dapat pagtuunan natin ng pansin ang ugali, kilos, at pagkatao ng pipiliin nating ninong at ninang. Dahil sila ay magiging mabuting halimbawa din sa ating mga anak. Sila ay nariyan para tulungan ang mga magulang sa pagpalaki na may pagmamahal sa kapwa at takot sa diyos.
Sa buong buhay ko, iilan pa lamang ang mga inaanak ko. May karanasan ako tungkol sa mga magulang na nagdedemand ng regalo para sa inaanak ko. Natatawa na naiinis ako noong mga panahon na ako ay isang estudyante pa lamang. May kaibigan ako na sobrang napakademanding pagdating sa mga okasyon na may kinalaman sa anak niya tulad ng binyag, kaarawan, pasko at iba pa. Kinuha niya kami ng asawa ko bilang isang ninong at ninang ng anak niya. Nang mga panahong iyon ako ay estudyante pa lamang, hindi ako nangako na makakadalo sa binyag ng anak niya ngunit ipinilit pa rin niya na ako pa rin ang ninang ng anak niya.
Okay! Payag pa rin naman ako. Nagdaan ang mga panahon, magbibirthday na ang inaanak ko. Sa wakas! makakadalo na ako. Nagbigay siya ng invitation card at ibinigay niya ito ng personal sa amin. Sa pagbigay niya ng invitation card kinausap niya kami ng asawa ko. Sabi niya, "huwag kayo pupunta kung wala din naman kayong ireregalo sa anak ko, hindi na nga kayo nagbigay nung binyag niya e", aniya. Tawang-tawa lang kami ng asawa ko. Ngunit sumunod na sinabi niya, sagutin na rin daw namin yung cake ng anak niya at lechon, syempre hindi kami pumayag dahil magreregalo na lang kami ayon sa kaya namaing ibigay. Nagkatinginan kami ng asawa ko. Patuloy pa rin siyang nangulit at sabi pa niya lahat daw ng kailangan niya sa birthday ng anak niya ay nakatoka na sa lahat ng mga ninong at ninang na kinuha niya. Napagisip-isip ko, yun pala ang dahilan kung bakit kinuha niya kaming ninong at ninang para sumalo sa mga gastusin niya para sa anak niya. Pumayag pa rin naman kami sa hiling niya ngunit sa panagalawang pagkakataon ay hindi na kami pumayag at napagisp-isip na din naman niya na hindi tama ang pagdedemand na ginagawa niya.
Ang mga ninong at ninang ay nagsisilbing gabay lamang ng mga anak natin at ngsisilbing halimbawa lalong-lalo na sa panahong nagdadalaga at nagbibinata na sila. Sila ay nagsisilbing tagapayo. May malasakit sa panahong mangailangan ang bata. Kapag sinsero ang malasakit ng ninong at ninang, hindi mahihiya ang bata na lumapit kung mayroon man itong kailangan.
Tandaan: Hindi pagbibigay ng mga regalo ang pangunahing tungkulin ng mga ninong at ninang kundi ang magsilbing mga "co-parent" o katuwang ng mga magulang sa pag-alaga sa mga bata,