Tagalog Feature: Pagbibigay Pugay sa Pambansang Wika

0 13
Avatar for jhoannalapira
4 years ago


Wika ang pinakamabisang kasangkapan sa paghahatid at pagpabatid ng iniisip at saloobin ng tao sa kanyang kapwa subalit sa isang bansang nagsasarili, higit ang pagkabisa ng wika kung ito ay wikang pambansa. 

Ngayon ay ang Buwan ng Wikang Pambansa sa buong Pilipinas. Bakit nga ba sa lahat ng bansa sa daigdig ay tanging tayong mga Pilipino lamang ang mayroon nito? 

Sa isang aklat ng yumaong dating punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Dr. Ponciano B.P. Pineda ay sinabi niyang “Ang pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa ay isang pagpapaalala sa mga Pilipino, na katulad ng ibang lahing malalaya, ang Pilipinas ay may sarili ring wikang pambansa. Matatapos lamang ang pagdiriwang na ito kapag ang lahat ng Pilipino ay tanggap na sa kanilang diwa at dila na ang Filipino ay wikang pambansa ng Pilipinas, tulad ng Ingles sa Inglatera, Niponggo ng bansang Hapon, Mandarin ng Tsina at Espanyol ng Espanya.” 

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taong 2018, gaya ng pinaninindigan ng nakararami na “Filipino ay Wikang Saliksik.” Ito ay ang temang napapanahon, makabuluhan, at nararapat isabuhay ng bawat mamamayang Pilipino. 

Naninindigan ang bawat Filipino bilang ang Wikang Pambansa ay panlahat, ito ang Wikang Pambansa ng Pilipinas na itinadhana sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng ating Konstitusyon 1987. Ito ay isang pagpapatunay na ito, ang wikang ginagamit, nauunawaan at sinasalita ng pinakamaraming Pilipino sa loob at labas ng ating bayan. 

Bata o matanda man sa mga lungsod o kabukiran ay hindi na masasabing mangmang sa wikang ito. Mahirap o mayaman man ay sinasalita at nauunawaan ito sa ating bansa, walang sektor ng lipunan ang hindi gumagamit nito. 

Sa edukasyon, ito ay asignatura mula elementary hanggang tersarya at ito rin ang digri para sa post graduate. Sa pananaliksik ng mga guro at propesor, nagagamit rin ang wikang Filipino. 

Sa pelikula at telebisyon, ito ay makabuluhang libangan at daan sa pakikipagkomunikasyon. 

Sa negosyo naman ay napakabisa nitong tsanel ng namumuhunan at mamimili. 

Samantalang sa larangan ng pulitika may pagkakataong Filipino ang gamit sa mababa at mataas na kapulungan, at lalong-lalo nang gamitin ng kasalukuyan nating pangulo at pangalawang pangulo ng bansa. Ito ang tulay na magdurugtong sa iba’t ibang antas ng ating lipunan.

Ang opisyal na poster ng Buwan ng Wika 2018 mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. 

Ang nadirimlang isip at nagpupuyos na damdamin ng tao ay napagliliwanag at napapayapa sa tulong ng Wikang Filipino sapagkat taglay ng wikang ito ang napakayamang salita at pahayag na nakapagpapalubag ng loob, gaya ng pakikiusap, paghingi ng paumanhin, pangako sa kasalanan, pagpapatawad, pagpaparangal at pagluwalhati sa Panginoon. 

Ang pagkakaisa ng mga mamamayan na isulong at itaguyod ang mithiing pambansa ay kapitbisig na naisasakatuparan at lakas na hindi masasagkahan ng kasinungalingan ng kasamaan at pagkukunwari. 

Sa ganitong mga kadahilanan, ang lahat ng ito ay pawang pagpapatunay sa katotohanang ang wikang pambansa, ay para sa lahat ng Pilipino, para magsilbing tanglaw, para sa maliwanag na layunin at sa pwersang kinakailangan tungo sa tuwid na landas ng pagtutulungan, pagsasabuhay nang minimithing kaunlaran ng ating Inang bayan at sambayan. (JNPD/MEGRP/PIA-1)

5
$ 0.00
Avatar for jhoannalapira
4 years ago

Comments