GORGY RULA
Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang dating senador at ang kinikilalang Hari ng Agimat na si dating Senador Ramon Revilla Sr.
Ang tunay niyang birth name ay Jose Acuña Bautista Sr. Pumanaw siya sa edad na 93 noong June 26.
Eksaktong alas-dos ng hapon nitong Huwebes, July 2, nagkaroon ng misa sa Imus Cathedral, at ang nag-officiate ay si Bishop Reynaldo Angeles.
Binanggit ni Bishop Angeles na kahit nasa Roma na si Cardinal Luis Antonio Tagle, tumawag pa ito kay Senator Bong Revilla para makiramay.
Malapit kasi si Don Ramon sa mga pari. Tuwing pagsapit ng Bagong Taon, naging tradisyon ng mag-anak na Revilla na magpunta sa Imus Cathedral.
Binigyan ng parangal si Don Ramon habang nasa simbahan, at bandang alas-kuwatro ng hapon ay nagsimula na silang naglakad patungong Eternal Gardens sa Bacoor.
Mayroong silang mausuleo roon kunsaan ilalagak ang pumanaw na patriarka ng pamilya Bautista o Revilla.
Kahit mahigpit na pina-practice ang social distancing, marami pa rin ang nag-abang sa kalyeng dinadaanan nila para ipadama ang pakikiramay sa buong pamilya.
Kaya paulit-ulit na nagpapasalamat si Senator Bong sa lahat na nakiramay. Kahit nagpi-Facebook Live siya ay marami ang nagbibigay ng mensahe ng pakikiramay.
Ani Senator Bong, "Damang-dama po namin yung pagmamahal ninyo sa aming ama.
"Pati sa Facebook tuwing nagla-live ako, nung una pa man, humihingi kami ng prayers, milyun-milyong Pilipino na po ang nagdasal sa paggaling ng aking ama, hanggang sa siya ay pumanaw.
"Kaya siya ay pumanaw na masayang-masaya, kasi, alam niyang marami ang nagmamahal sa kanya.
"Tuwang-tuwa ako dahil napapaligaya ko ang tatay ko sa maliit na pamamaraan niyang yun."
Bago pumanaw ang kanilang ama, nangako silang magkakapatid na hindi sila magkakawatak-watak dahil yun daw ang turo ng kanilang magulang.
Itutuloy pa rin daw nila ang ginagawa nila every Sunday na nagkikita-kita sila.
"Every Sunday, kung ano man yung ginagawa naming magkasama nung buhay pa ang daddy, hindi puwedeng maputol yun.
"Yun kasi ang itinuro sa amin ng aming ama, e, ng aming mommy—kailangan bigkis-bigkis kami," pahayag ni Senator Bong.
Ang ina ni Senator Bong ay ang pumanaw na dating aktres na si Azucena "Cena" Mortel.
Ikinuwento ng senador na may pamahiing sinunod ang kanyang ina para siguruhing solid ang relasyon nilang magkakapatid.
"Alam mo, nung bata pa kami, yung pusod namin, di ba, may kaputol yun, pinagbigkis-bigkis niya lahat yun.
"Lahat kami—yung problema ng isa, problema ng lahat. Parang pamahiin yun, e. Yung pagtutulungan ng bawat isa sa amin, nandun.
"Kaya yung aral na iniwan nila, yun ang aming ipagpapatuloy."
Nilinaw ni Senator Bong na ang samahang iyon ay hindi lang sa kanilang pitong magkakapatid sa kanilang Mommy Cena, kundi pati sa iba pa nilang kapatid sa ama.
"Basta ang aming gagawin, kung ano man yung gagawing pagtulong sa aming iba pang kapatid… marami kaming magkakapatid.
"Basta, sama-sama kaming lahat," pakli ng senador.
Bandang 6:00 p.m. inilagak si Don Ramon sa kanyang nitso.
Bago iyan, merong kinuha ang nakababatang kapatid ni Senator Bong na si Andeng Ynares mula sa kabaong ng kanilang ama.
Isa-isang ibinigay ni Andeng sa kanilang magkakapatid ang bagay na iyon.
Tinanong ko si Senator Bong kung ano yun, at ang sabi niya ay "agimat" ng daddy nila.
NOEL FERRER
Ang hirap-hirap magkasakit at pumanaw sa panahon ngayon.
Halos nakakapanlumo ang sabay-sabay na pangyayari sa lipunan natin, pati na ang pagkamatay ng mga institusyon sa ating industriya.
Hindi man dahil sa COVID, yung mga kundisyon ng pandemya ay napakaistrikto at sobra ang pakiramdam ng isolation.
Sa pagpunta ng grupo sa Cavite, while social distancing and health protocols were observed, alam nating mas marami pa sanang tao ang gustong makiramay at magbigay ng tribute sa ating dating Senador Ramon Revilla.
JERRY OLEA
Nagparamdam si Don Ramon noong Hunyo 27, Sabado.
Iminuwestra ni Senator Bong kung saan nakasabit ang painting ng portrait ni Don Ramon na tila nakapatong "sa may glass sa pader" sa bahay na tinutuluyan ng Revilla patriarch, sa Revilla Compound sa Bacoor, Cavite.
Bigla na lang daw itong "bumagsak" pati na ang katabi nitong maliit na flower vase at sculpture na Mama Mary.
Nabasag daw ang vase, pero kataka-takang hindi man lang nalamatan ang salamin ng picture frame na kinalalagyan ng portrait painting ni Don Ramon.
Iyon pala, pakiwari nila, tila hinanap ni Don Ramon ang "kiss me" na trademark nito.
Kuwento ng senador sa amin nang magtungo kami sa Revilla Compound noong July 28:
"Tapos, ang unang nakita agad nung ano is the kiss me. Yung kiss me ng buhok. Pinag-uusapan, nagparamdam.
"Kasi, sinasabi ng nars niya, kailangan yung kiss me niya, ilalagay. Yun ang trademark ng daddy ko, e.
"Kaya inilagay namin yung kiss me niya! Parang minulto kami because of the kiss me!"
Idol ni Senator Bong ang ama, kaya nagpapalagay rin siya dati ng kiss me.
Naramdaman ba ni Senator Bong na parang nagpapaalam na ang ama nang huli itong maratay sa ospital?
Napangiting sagot ni Senator Bong, "Pagka nag-uusap kami niyan, yung kami lang dalawa, sabi niya sa akin, 'Anak, nararamdaman ko na, malapit na ako.'"
Pilit daw niyang pinalakas ang loob ng ama.
"Sabi ko, 'Daddy, ikaw naman! Wala 'yan! Mahaba pa ang buhay mo! May agimat ka pa!' Ganun-ganun.
"Kaya minsan, nagbibiro siya, 'Ibinigay ko na sa 'yo, e!' 'Hindi, sa 'yo yun!' Mga ganun..."
Mananatili raw sa alaala ni Senator Bong ang ama, at kung maaari ay gusto niyang magparamdaman pa sa kanya si Don Ramon para maramdaman ang presensiya nito.
RIP sen. revilla..