JERRY OLEA
"Vindicated" ang dating Kapamilya singer na si Daryl Ong sa kanyang pananalig na mahirap kalaban ang gobyerno.
Post ni Jay Sonza nitong Hunyo 29, Lunes: "The TVplus, KBO & Sky Direct gadget buyers can bond together & file a class suit jointly and severally versus abs-cbn broadcasting corporation and amcarra broadcasting company, and its officers and owners.
"Ito iyong payo ng mga fraternity brothers and sisters kong mga abogado."
Hunyo 30, Martes ng gabi, nakasalang ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin sa Cinemo channel ng ABS-CBN TV Plus nang mawala ang signal sa TV.
Maliban sa Cinemo, naglaho rin ang Teleradyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel, at KBO.
GMA-7, GMA News TV, CNN, at TV5 ang naiiwan sa mahiwagang black box.
Nabalitaan namin kapagkuwan na sinibak na rin ang SKYdirect na merong 1.5M subscribers, pero nariyan pa rin ang SKYcable at SKY broadband dahil hindi apektado ang mga ito ng franchise expiration.
Martes ng dapithapon, makahulugan ang post ni Jimmy Bondoc sa Facebook:
"Balang-araw, and very soon, may maglalabasan na mga spokesperson ng biggest network. Sila ay babaliktad publicly.
"Kahit ang mga pinaka vocal na spokespersons nila, artist man o iba, kung sakaling talagang matalo na ang network, ay biglang maglalabas ng ‘horror stories’ nila, at kung papaano silang ‘napilitan ipagtanggol’ ang sistema ng network.
"Lalabo bigla ang usapan. May mga kilala ako ngayon, tulad ng isang beteranang artista, na biktima ng sistema ng network. A Very Valid claim.
"Pero pagdating ng mga hindi totoong claim, magkaka halu-halo na ang totoong kawawa sa mga balimbing.
"The weeds and the wheat..."
Sinu-sino kaya ang mga balimbing na tinutukoy ni Jimmy?
Pagpapatuloy ni Jimmy, "Ako po ay hindi kailanman magbubudbod ng asin sa mga bukas na sugat.
"Pinagdadasal ko lagi ang mga kaibigan ko sa network na apektado ng non-renewal. Ngunit ang nagdulot nito sa kanila ay ang network, hindi ang gobyerno.
"Kaya lang ako nagbababala ay dahil nakakatakot isipin na ang mga mismong tagapagtanggol nila ngayon ay, sa isang iglap, maaaring bumaligtad, upang muling yakapin ng sambayanang Pilipino.
"At dahil madalas napapatunayan na maiksi ang alaala ng Pilipino at likas na mapagpatawad, hindi malayong mangyari na ang mga mismong nagmumura at nanlalait ngayon sa mga ‘dds’ ay balang-araw, susuyuing silang muli sa pamamagitan ng kagandahan, tawanan, at iyakan.
"Ano ang lesson?
"Wala naman.
"Panawagan lang sa mga makakaunawa. Maging mapagpatawad, ngunit ‘wag sana makakalimutin.
"Top priority -- protect the President.
"Sya lang ang totoo niyong kakampi."
Sina Jay Sonza at Jimmy Bondoc ay parehong dating talents ng ABS-CBN at pareho masugid na tagasuporta ng administrasyong Duterte.
Pareho rin silang may malalim na galit sa dating istasyon na pinaglingkuran, at suportado nila si Pangulong Rodrigo Duterte sa personal na galit nito sa ABS-CBN.
NOEL FERRER
I was on the line with my friend Zsa Zsa Padilla who just finished her first taping day ulit sa lock in arrangement nila sa Love Thy Woman.
Post niya sa kanyang social media account: "Hindi ko na talaga mapigilang umiyak. Pasensya na.
"Galing ako sa first taping day ko after lockdown.
"Napakaraming pagbabago... at lahat ginagawa namin para maihatid sa inyo ang Love Thy Woman.
"Pero itong balitang ito... napakasakit. Nakapanlulumo.
"Lord Jesus, bigyan nyo po kami ng lakas para ipagpatuloy ang aming trabaho. Gabayan nyo po sana lahat ng kasamahan ko sa Kapamilya Channel.
"Kayo na po ang bahala sa amin."
Pagkatapos ay kausap ko rin ang talent kong si Iza Calzado.
Nakatakda na rin siyang magsimulang mag-taping muli ng teleserye with Jodi Sta. Maria, Ang Sa Iyo Ay Akin, na naabutan na ng COVID-19.
Wait and see pa sila kung matutuloy ang lock in nila this weekend.
Pero ang mas mahalaga ay ang kanilang solidarity at pakikiisa sa kanilang Kapamilya.
Ang sabi ni Iza sa kanyang post, "Hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman ko," with a picture of her TV Plus Off Air photo and a heartbroken emoji.
Hindi na ito tungkol sa taping, trabaho o pera (at may paycut na nga.)
Actually, may health risk pa, pero sinusubukan nilang tuparin ang lahat ng health protocols maipagpatuloy lamang ang kanilang serbisyo sa kanilang audience.
This is really in solidarity with the network and the media in general.
Nakakalungkot talaga!
GORGY RULA
Nagkataon lang ba na sa teleserye ni Coco Martin naglahong parang bula ang Kapamilya channels ng ABS-CBN TV Plus (mahiwagang black box)?
Si Coco ang tinaguriang Primetime King at Hari ng Telebisyon.
Hindi sadya na sa pagkawala ng ABS-CBN TV Plus ay saka rumaratsada ang GMA Affordabox.
Inilunsad ang nasabing high-quality at affordable Digital Terrestrial Television (DTT) receiver kaugnay sa pagdiriwang ng GMA Network sa ika-70 anibersaryo nito this year.
Isang plug-and-play device ang GMA Affordabox.
Kailangan lang itong ikabit sa analog TV at makakatanggap na ito ng digital television broadcast.
Maaari nang mapanood ang GMA, GMA News TV, at ang pinakabagong Kapuso channel na Heart of Asia sa mas malinaw na digital display.
Mapapanuod din ng mga Kapuso ang ibang free-to-air digital TV channels na available sa kanilang area.
Bukod sa malinaw na digital signal reception, meron itong free additional features para sa level-up entertainment experience.
Mayroon itong built-in multimedia player kung saan maaaring makapag-view ng photos, makapagpatugtog ng music files, at mapanood ang videos na naka-save gamit ang USB drive.
Isa pang advanced function ng GMA Affordabox ay ang personal video recorder feature nito, kung saan pwedeng i-record at panoorin muli ng Kapuso viewers ang mga programa ng GMA, GMA News TV, at Heart of Asia.
Eksklusibo ang function na ito para sa tatlong Kapuso channels.
Mayroon din itong nationwide Emergency Warning Broadcast System (EWBS) na nagbibigay ng babala sa pamamagitan ng mga alert mula sa NDRRMC.
May auto-on alert feature ito kung saan automatic na mag-a-alarm ang GMA Affordabox tuwing emergency para mas maging handa at safe ang bawat kabahayan.