Sabi nila, Masarap daw mabuhay dahil malaya ka sa mundo
Ngunit bakit tila pakiramdam ko’y isa akong hamak na bilanggo
Nasa loob ng rehas, na halos matinding takot ay tila pasan ko
Animo’y hindi mawari kung may saysay pa nga ba ang isang tulad ko
ISAng araw, bigla na lamang ako naging balisa
Tulala at pakiramdam ko sa mundo ako’y nag-iisa
Isang buong araw na lungkot at takot ang pangunahing aking dama
Hindi ko nawari na ako pala’y nalamon ng dilim at naging biktima
DALAWA, dalawang linggo at higit pa, tila ayaw magpapigil ng aking kaba
Orasan ang nagsilbing bantay sa pagbalot ng kalungkutang nadarama
Sa wari ko’y lahat sila’y nakatingin at nakahandang ako ay husgahan
Ano nga bang kahibangan ito, tila ayaw na akong pakawalan
TATLO, Tatlong boses ang narinig, na tila ako’y tumatangis at nanginginig
Madilim ang isipan na tila kung ihambing sa tala ay di matanaw ang ningning
Nakakatakot ang mga tinig na tila sumusunod sa aking pandinig, bumubulong,
Parang isang bangungot na hindi ako makasigaw, bagkus sa isip ko’y walang nais tumulong
APAT na sulok ng aking kwarto ang tangi kong naging sandalan
Sa kwadradong silid sinisisi ang sarili at dinamdam ang pagiging talunan
Isipa’y samu’t sari ang binabato sakin nang madilim kong nakaraan
Tila hindi matanggap ang nagdaan, hanggang ako’y nawala sa aking katinuan
Ako’y nanalangin sa bathala, kalaunan ay biglang gumaan ang tila mabigat na pasan
Mistulang mga anghel ang lumapit sa akin, yumakap, aking pamilya at mga kaibigan
Malaya akong nagsalita at tila ako’y naunawaan nila, naramdaman ko na ako pala ay may halaga
Kailangan lang imanebela ng maayos ang emosyon at sa katotohanan ay idilat ang mga mata
LIMA, sa pang limang araw na lumipas, Limang simbolo ang tila gumising sakin sa imahe ng katotohanan
Pagtanggap, Pag-unawa, Pagpapahalaga, Pag-ibig at Kaligayahan sa buhay ang gagawin kong tahanan
Sa muling pagdilat ng aking mga mata, Pagtanggap ang nais kong pagtibayin upang ako’y makalaban
Sa kabila ng aking pinagdaanan, madami akong natutunan at yun ay ang pahalagahan ang aking kaisipan.