Hindi pa man nararanasan ng iba ang umakyat ng bundok, naisipan ko lang magsulat ng ganito upang sa gayon ay mabuksan ang mga saradong isip at puso ng ilang taong mapanghusga sa kung anong lalim ng dahilan kung bakit may MOUNTAINEERS na tinatawag.
Sa mga kapatid kong Mountaineers, Ilang tao pa kaya ang magtatanong at magsasabi sa atin ng "Bakit ka ba umaakyat ng bundok?" "Puro ka Gastos, Puro Lakwatsa" "Ano bang napapala mo sa kaka akyat akyat mo?" "Iniisip ko pa lang, parang di ko na kaya gawin yung ginagawa mo" "Tigilan mo na yan, Delikado yan" Tinatakasan mo lang naman ang mga problema kaya ka lakwatsa ng lakwatsa" Akyat ka ng akyat wala ka namang napapala". Minsan nakakarindi na din. Minsan iisipin mo na lang kung bakit may mga tao sa siyudad na iba ang pag iisip sa nakasanayan nating gawin. Masakit marinig, masakit din isipin na yung mga tao na akala mo makakaintindi sayo, sila pa yung kokontra sa gusto mo. Kung usapang problema, hindi namin nais takasan ito.
Pero sa mga katagang yan, hindi nila alam na mas kaya nating ihandle ang problema. Hindi nila alam kung gaano kabigat yung loob na nararamdaman natin habang paahon, maputik, madulas, mabato o pa-assault man ang daan. Sa kabila ng mga tawanan, biruan, asaran at kwentuhan na masaya habang nasa trail, hindi nila alam na may kanya kanya tayong problema na dala. Ngunit sa bawat paghakbang ng ating mga paa, doon tayo nagkakaroon muli ng lakas ng loob lumaban. Kasabay ang hingal, pawis, pagod o sakit na nararamdaman ang muli nating pagbangon sa buhay. Hindi nila alam na Bundok ang nagbibigay ng dagdag inspirasyon para harapin ang bawat bukas at problema na sandaliang niliban sa kapatagan. Hindi nila alam. Hindi nila alam lalo na kung sarado ang kanilang pang unawa sa ganitong bagay.
Sa pag akyat ng bundok, si GOD ang kasama natin. Siya ang dahilan kung bakit natin to ginagawa. Siya ang nagturo sa atin para magkaron ng bago sa buhay. Tayo ang ginawa nyang instrumento upang I appreciate ang kanyang nilikha. Sa tuktok ng bundok, doon natin mararamdaman na hindi tayo dapat sumuko. Doon pinaparamdam ni Lord yung yakap ng tunay pag ibig. Sa bawat dampi ng hangin, doon niya binubulong na hindi tayo nag iisa. Sa ganda ng tanawin, doon nya pinapakita sa atin na malawak ang mundo, na yung problema na nararanasan natin sa lupa ay tila sing liit lamang ng langgam. Sa summit, doon natin mararamdaman na mahal niya tayong tunay. Oo, kung iisipin natin mahirap ang umakyat ng bundok, pero mas naniniwala ako na "kaya natin to" dahil sa bawat hakbang ng ating mga paa, sa bawat hirap na nadarama, sa bawat punto na tila susuko ka na, bigla mong maiisip na kaya mo pala talaga. Hindi tayo kaylanman binitiwan ni Lord, hindi niya tayo kayang pabayaan dahil Mahal nya tayo. Nakakaiyak isipin minsan kapag naiisip mo yung tunay na dahilan kung bakit ka nga ba umaakyat. Sabay sasagi sa isip mo yung mga mapanghusgang tao. Ngunit sa kabila ng lahat, mapapabuntong hininga ka nalang at masasabi sa sarili mo na "Gagawin ko to, dahil marahil may misyon ako. Isa ako sa instrumento na ginamit ni Lord para bigyan ng halaga si Inang Kalikasan". Hindi natin hahayaan na masira o matapakan ng ibang tao dahil may maganda tayong misyon sa buhay.
Naaalala mo pa ba ang bawat overnight camp ng grupo sa summit? Kung saan dito tayo natuto kung paano mabuhay ng simple lang pero masaya. Nasa summit ang masarap na kape. Nasa taas ng bundok yung kapayapaan na nararamdaman ng ating puso at isipan. Nasa tuktok ng bundok yung mga kaibigan na handa kang damayan. Nandito yung masarap na tulugan. Na kahit nasa maliit at sikip na tent ka natutulog, kampante ka na. Yung simpleng ulam na sardinas, okra, talong, tuyo, itlog na pula, kamatis at walang humpay na century tuna ang magpaparealize sayo na ito ang The best na pagkain sa mundo. Habang kasama ang grupo, kasabay ng pagtanaw sa ganda ng tanawin at tila huni ng mga ibon, tunog ng magandang musika at hampas lang ng hangin ang maririnig mo, dito tayo nakakaramdam ng salitang "kalayaan". Kalayaan na kaylanman hindi natin nararamdaman sa kapatagan. Kalayaan na kailanman sarili mo lang ang nakaka alam.
Madami tayong makikila sa pag akyat ng bundok. Bilang mountaineer, naranasan naman siguro natin lahat yung tipong mag memessage ka sa CLIMBER or kung saan mang Group of Mountaineers ng "palatag po ng akyat nyo" "pwede po pasabit, naghahanap po ako ng akyat" etc.. Tapos biglang madaming mag memessage sayo, iimbitahan ka at sa di katagalan ito yung simula para makakilala muli ng mga taong may misyon din sa buhay mo. Hanggang sa meet up (madalas sa Cubao) makakakilala ka ng mga bagong kaibigan. Kapag kumpleto na ang grupo, simula na ng paglalakbay. Jump off time, registration, warm up at magdadasal together bago harapin ang bagong hamon ni mother mountain. Sa pag akyat kung minsan may dala tayong mga halaman para sa Tree Planting, may dala dalang Garbage Bag para bawasan ang basura sa kabundukan, may mga pagkain o kung anumang kagamitan ang dala sa pag ahon upang makatulong sa mga lokal kahit sa simpleng paraan lamang. Madalas gabi o madaling araw umaahon na tayo, take risk ika nga. Hanggang sa mabigyan na tayo ng liwanag sa daan at simula na upang makita ang ganda ng kalikasan. Masarap sa pakiramdam na bubungad sayo ang magandang sikat ng araw, luntiang mga puno, dahon at kabundukan, lalo na kung sasabayan ng malamig na hamog at bubusugin ang mga mata at puso natin ng "sea of clouds". Sa patuloy na pag ahon natin, panandaliang makakalimot tayo sa problema. Ito yung punto na panandalian, ngunit masarap sa pakiramdam dahil makaka-less at makaka refresh sa bawat stress na iniwan natin sa kapatagan. Sa pag akyat ng bundok, dito natin nasusukat kung gaano nga ba tayo nagtitiwala sa sarili natin. Mas masaya din na bigla nating marerealize na yung mga tao na nakakasabay natin sa trail, sila din yung magsasabi sayo ng "kaya mo yan" "malapit na, konti na lang" "ingat po" o kaya babati sayo ng masiglang "Good Morning!" na kahit hindi natin sila kilala sa personal, alam mong di ka nag iisa. Ilang oras pa, ilang minuto, segundo.... Nasa summit na din tayo. Masarap sa pakiramdam na sa kabila ng hirap na ating naranasan, sa bawat problema na ating dinaanan, sa huli ay nagtagumpay tayo. Dahil sa dahilang hindi tayo sumuko, narating natin yung tuktok ng bundok na naging comfortzone na natin at isa ito sa dagdag achievement ng ating buhay.
Sa pag akyat ng bundok, dito natin narerealize na masarap palang mabuhay, yung simple lang at walang luho o arte sa buhay. Di alintana ang pera, mas mahalaga yung magpakatotoo tayo. Hiram lang ang buhay kaibigan. Kung lalaliman natin ang bawat kaisipan ng tao sa mundo, nilikha tayo ni Lord upang iparanas sa ating kung anong buhay ang mayroon sa mundong ito. Nabuhay tayo dahil may misyon tayo sa mundo. Kalikasan, ito ang tunay na likha ni Lord. Kaya bilang mountaineer, ito ang misyon natin. Sa realidad, hindi natin kailangan ang mamahaling gamit dahil sa paglipas ng panahon, masisira at mawawala din yan. Mas mahalaga yung "alaala at experience" na madadala mo hanggang sa iyong huling hininga. I appreciate natin kung ano yung tunay na mundo. Pahalagahan natin bawat segundo ng buhay natin.
Hindi natin kailangan maging mahina. Kung tayo nga nagagawa natin akyatin ang ilang kilometro at nakakaya natin ang taas ng kabundukan, yung problema pa kaya na alam nating mas maliit sa mundo ng ating ginagalawan! Bumagon ka. Lumaban ka. Magdasal ka. Magtiwala ka. Alisin ang negatibong kaisipan o nararamdaman. Dahil tayong mga MOUNTAINEERS, sanay na sa bawat paghihirap sa buhay ngunit kaylanman hindi natin ito susukuan!