Some content are based on true events.
Content warning: Read at your own risk.
Hindi Mo Yata Ako Kilala
Alas dos na ng umaga, pabalik-balik ako sa facebook profile mo nagbabakasakaling lumabas ang pangalan mo sa messenger ko. Ngunit bigo, mahimbing na ang pagkakatulog mo sa mga oras na ito. Nasa ika-pitong baitang pa lamang tayo ay humahanga na ako sa’yo. Lagi kitang nakikita, lagi akong nakasuporta sa mga laro mo tuwing intrams at ikaw rin ang dahilan ng pagpasok ko ng maaga, maabutan ka lang at makalinya sa flag ceremony. Ang aking batang puso ay umibig sa’yo, kahit na ni minsan ay hindi mo man lang ako nakausap. Masaya na ako noon kapag sasaglit mong masulyapan kahit na ang dahilan ay ang mahaba kong pagkakatitig sa iyo. Hindi mo rin nireplyan ang mga messages ko simula noong umamin ako sa’yo na gusto kita. Nalungkot ako. Hindi mo yata ako kilala. Ilang taon na ang nakalipas ngunit hindi mo pa rin ako napapansin; hindi mo pa rin ako kayang mahalin. Hay, ano bang gagawin ko sa’yo? Ano pa bang gagawin ko para mapaibig ka? Hindi mo yata ako kilala. May mata ka naman at alam kong malinaw sila kaya bakit hindi mo ako makita? Bakit hindi mo pa rin ako kayang tingnan tulad ng pagtingin mo sa kanya. Hindi mo yata ako kilala. Walang saysay ang mga mata mo kung hindi mo rin lang ako kayang tingnan. Walang saysay kaya inalis ko na lang sila. Itinabi ko sa katawan ng pinakamamahal mong nobya. Ngayon wala ka nang makikita, at wala na rin siya. Hindi mo yata ako kilala.
Pusang Itim
Lagi kong nakikita ang pusang itim sa may puno ng kaymito sa may kanto papasok sa maliit na eskinita patungo sa aming bahay. Doon ko ito madalas makita kapag ako ay pauwi na galing trabaho, at sa umaga kapag ako ay papasok. Paminsan-minsan ay wala ito roon, naglalakad, tila ba may hinahanap. Walang nakakaalam kung kanino ang pusang itim. Walang may gustong magkupkop ‘pagkat ang mga dating sumubok ay bigo, lagi itong bumabalik sa malaking puno ng kaymito. Ni minsan ay hindi ko rin narinig na humuni ang pusa, lagi itong tahimik at nagmamasid lamang. Nang minsang ako ay pauwi, wala ang pusa sa kung nasaan ito palagi. Naisip ko marahil ay nakuha na ito ng nagmamay-ari sa kanya. Ngunit ang mga sumunod na nangyari ang hindi ko inaasahan. Habang tinatahak ko ang eskinita sa kailaliman ng gabi ay isang sitsit ang narinig ko ngunit nang aking lingunin ay wala namang ibang tao roon maliban sa akin. Kinakabahan man ay binalewala ko na lamang ang narinig at ang tanging gusto na lamang ay ang makauwi. Ngunit nagpatuloy ang pagsitsit, nang isa, dalawa, tatlo. Tila ba ipinapahiwatig na hindi ko ito guni-guni lamang at talagang may tumatawag sa akin. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa takot dahil pakiramdam ko ay papalapit ng papalapit ang sumisitsit. Hindi na ako makagalaw sa kinatatayuan ko dahil sa sobrang takot. Nakarinig ako ng mga kaluskos sa aking likuran, nangangatog man ang aking mga tuhod ay lumingon pa rin ako ng dahan-dahan. Ganun na lamang ang aking gulat at tila ako ay aatakihin sa puso ng makita ko ang pusa na biglang lumundag mula sa taas ng kaymito. Ang pusang itim.. naging babaeng nakasuot ng blusang itim.
Hagdan
Nasa ika-sampung baitang ako ng highschool ng maranasan ko ito. Isa sa mga naatasang tagapaglinis ng araw na iyon ang aking barkada kung kaya kami ang huling umalis ng silid dahil nakagawian na namin na umuwi ng sabay-sabay. Malapit nang mag-agaw noon ang dilim at liwanang kaya kami na lang din ang tao sa paaralan. Isa lamang itong normal na araw para sa amin. Nagtatawanan at nagkukwentuhan pa kami habang tinatahak ang hallway papunta sa hagdan dahil nasa ikalawang palapag ang aming silid. Malinaw pa sa aking memorya ang mga nangyari noon. Pababa na kami ng hagdan at ako ang nasa hulihan nang mapalingon ako sa kanto ng silid ng kabilang section ng Grade 10. Ganoon na lamag ang gulat ko sa aking nakita; may isang ulo na nakasilip sa amin na agad ding nawala nang ako ay lumingon. Hindi ako noon nakapagsalita o nakasigaw man lamang dahil mabilis ang pangyayari. Tinapik ko nang paulit-ulit noon ang nasa unahan kong kaibigan at paulit-ulit na sinabi na bilisan nila ang paglalakad. Doon na rin sila nagsimulang magpanic at dali-dali na kaming bumaba. Nang may isang tumakbo ay nagtakbuhan na rin ang lahat. Nang makalabas sa tarangkahan ay saka ko kinuwento sa kanila ang aking nakita. Ayon sa kaibigan ko na aking tinapik, nakuha niya agad na may nakita ako dahil nang tingnan niya ako ay maputla na ang aking mukha. Para na rin makasigurado, kinabukasan ay tinanong namin sa kabilang section kung may naiwan ba sa kanila noong mga oras na iyon, ngunit wala raw.
Salamat sa pagbabasa! :) Will post part 2 soon!
Hahaha lintik, una pa lang ayoko na. Hindi ko na lang tinuloy, hindi kaya ng powers ko.