Malalaki ang patak ng ulan. Nakatanaw ako sa bintana ng pampasaherong bus pauwi sa aming bayan. Ito ang paborito kong puwesto sa mga sakayan- ang upuan katabi ng bintana. Natutuwa akong tumanaw at manood sa labas habang bumibiyahe. Nagdadala ng kasiyahan sa akin makakita ng iba’t ibang disenyo at laki ng bahay; merong makulay, merong hindi. Meron din namang malalaki at merong maliliit; merong gawa sa semento, at meron ding gawa sa kahoy. May mga bahay na bukas ang pinto, meron din na mga nakasara; may mga bahay na may tao, at may mga inabandona. Iba’t ibang uri rin ng tao ang nakikita ko sa tuwing tinatahak ang tila walang katapusang kalsada pauwi sa amin. May mga bata, matatanda, babae o lalaki, may mga nagtatawanan, meron ding mga nagkukwentuhan. Meron din namang mga seryoso lang; may mga nakaupo, may mga naglalakad, may mga tumatakbo. May mga batang naglalaro, at meron ding mga umiiyak. Hindi rin mawawala ang mga sasakyan na kasunod at kasabay mo sa daan. May mga nagpapatakbo ng mabilis, at meron ding mabagal. May mga sasakyan na maliit at meron din namang malalaki. Lahat may kanya-kanyang sinasakyan upang makarating kung saan man patutungo. Para sa katulad kong wala pang kakayahan para magkaroon ng sariling sasakyan, nariyan ang mga pampasaherong sakayan para maghatid sa akin.
Nang tumila ang ulan ay tumigil ang bus. Ang kabilang bahagi ng kalsada ay nasa ilalim ng konstruksiyon. Marami rin ang umuuwi sa probinsiya mula sa siyudad dahil magpapasko na kaya naman bumagal ang usad at naipit kami sa mabigat na trapiko. Nagpasya akong makinig na lamang ng musika at hindi ko namalayan na nahulog na ako sa mahimbing na pagkakatulog. Naalimpungatan ako sa kuwentuhan ng mga pasahero sa aking likod. Tinanaw ko ang oras at mahigit isang oras na pala akong nakatulog. Nakaabante na ang bus subalit mabagal pa rin ang usad ng trapiko. Ang mga kasabay kong pasahero ay kanya-kanya na ng kuwentuhan pampalipas ng oras. Nakinig na lamang ako ulit ng musika dahil wala naman akong katabi. Hindi nagtagal ay bumilis nang muli ang takbo ng bus. Ngunit hindi pala doon nagtatapos ang problema sa trapiko. Makalipas lamang ang isang oras ay isang aksidente naman ang nadaanan namin kung kaya bumagal na naman ang aming usad dahil inayos muna ng rumespondeng mga pulis ang insidente, ipinagpapasalamat ko rin na tanging mga sasakyan lang ang nadamay at walang sinuman ang nasaktan.
Hindi nagtagal ay nakarating na ang bus sa terminal. Bumaba ako at bumili ng makakain bago sumampa sa panibagong bus na aking sasakyan. Ito na ang huling biyahe at makakarating na ako sa paroroonan- makakauwi na ako sa amin. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag, siguradong gabi na ako darating. Napakagandang pagmasdan ng kahel na langit at ng lumulubog na gintong araw. Hindi ko napigilang kuhanan ito ng litrato kahit na tumatakbo ang bus at may iilang mga puno na humaharang. Napakapayapa. May kakaibang saya na naihahatid sa akin sa tuwing ako ay bumibiyahe. Nakakaramdam ako ng kalayaan at nagbibigay ito ng pag-asa sa akin na balang araw, mas malayo pa ang mararating ko.
Madilim na ng makarating ako sa aming bayan. Sumakay ako ng traysikel at sa wakas nasilayan ko na ang tarangkahan ng paupahan na aming tinutuluyan. Sa dami ng dinaanan, sa tagal ng byahe, nagkaron man ng aberya at nagtagal sa trapiko, heto ako at nakarating sa paroroonan.
Sa buhay madami tayong makakasalamuha, makikilang mga tao at maraming pagsubok na pagdaraanan. Hindi man madali ang daan na tatahakin, matagalan man at humaba ang paglalakbay, dumating man ang mga problema, makakarating pa rin kung saan man tayo patutungo basta may determinasyon at pagsisikap. Wala man akong sariling sasakyan sa ngayon, alam ko pa rin kung saan ko gustong magtungo, ‘pagkat ako pa ran ang may hawak sa direksiyon ng buhay ko.
Magandang hapon! Salamat sa pagbabasa. :)