Dilaw, pula, puti, mga kulay na nakatatak na sa ating bandila na sumisimbolo sa mga makabuluhang aspeto ngunit madalas, sa panahon natin ngayon ay naiuugnay na sa maruming laban ng politiko. Dilaw, pula,puti? Saan ka nabibilang? Dilaw ng katarungan, pula ng dahas o puti ng kabutihan? Hindi, hindi mo kailangan mapabilang. Pilipino ka, kayumanggi ang kulay mo. Pilipino tayo, makabayan at pawang makatao.
Sa panahon na sinusubok tayo ng pandemya, hindi nga ba mas nalinawan tayo kung gano karumi ang politika? Proyekto o mapa ayuda, nakatatak pa rin ang mga pangalan nila. Na sa gitna ng dilim, mga kulay ay tila nagsisilabasan pa rin. Sa kasagsagan ng pandemya na lahat tayo ay kailangang manatili lamang sa ating mga tahanan, tutok sa maaaring balita na makapagbibigay satin ng proteksyon, tulong at pag asa ay kasabay ng pagpapasara ng isa sa pinakamalaking news network sa bansa. Naging talamak ang pagpatay ng mga mamamahayag pati na rin ang mga panggigipit dito. Na tila bang ang inaasahan nating pinakamalakas na boses ay unti unti na ring binubusalan sa bibig. Ngunit hindi iyon doon natatapos, dahil kahit kelan ang mga mata nati’y bukas at hindi kailanman maaaring mapiringan. Hindi man natin maibrodkast at mawala man ang TV, tayo’y nasa makabagong mundo na at meron na tayong mga makabagong teknolohiya. Ang sabi nga ni Gat Jose Rizal, “ang kabataan ang pag asa ng bayan”, maaaring hindi na tayo gumagamit ng pluma ngayon, tayo naman ay mayroon nang social media na mabilis at lahat ay nakakakonekta. Maingay ngunit makabuluhan, may laman at para sa bayan- yan ang dapat nating itatak sa ating mga isipan sa bawat salita na ating ititipa. Mga ingay na kumikilatis at dumadaing, umaasa ng pagbabago at umaasang maabot at mapakinggan ng napakalayo nating gobyerno.
Maraming batas ang inihahain sa gobyerno ngunit ang nais lamang natin ay maayos na sistema ng katarungan at hustisya. Hustisya na pantay para sa lahat ng estado ng buhay. Ang pagtanggap sa extrajudicial killings bilang sagot sa mga nangyayari sa ating bansa kalakip ng pakikibaka sa pagsugpo ng droga ay pawang panggigipit lamang at pagwawalang bisa sa kapangyahiran ng batas. Na para bang binigyan ng kapangyarihan ang mga tanod o pulisya na ang magbigay ng sintensya na hindi dumadaan sa lehitimong proseso sa pagtukoy ng katotohanan.Hindi ito sa pagsalungat sa naturang proyekto subalit kailangan natin ng tama at malinis na proseso. Isa pa,ang tila ba mas pagbibigay pansin ng gobyerno sa pakikipagkaibigan sa China sa halip na mas pagtuunan ng pansin ang kaligtasan at karapatan nating mga sariling mamayan nito. Na sa kasagsagan ng paghahanap natin ng suporta at proteksyon laban sa Covid-19 ay inilalayo tayo nito sa realidad at nililihis ang ating mga pansin sa mga makabagong isyu at batas na nagsisilabasan upang matakpan ang kanilang mga pagkukulang hingil dito.
Sa mga ingay natin ang nais lamang natin ay maayos at magandang pamamalakad sa gobyerno, at maging abot kamay ang ating mga karapatan at katarungan. Ang mga ingay ay hindi sa pagsasalungat, at lalong hindi ito panenerorista tulad ng sabi nila. Ito ay tila mga bato na hindi sinadya para manakit kung hindi mga bato upang gawing hagdanan patungo sa ninanais nating kaunlaran. Hindi ito pananakit ngunit bakit tayo’y palaging ginigipit? Kaya sa susunod na tatanungin ka kung anog kulay mo, hindi mo kailangan mamili dahil wala sakanila ang sagot. Anong kulay mo? Pilipino ka at hindi para sa iba.