Depresyon kapag hindi naagapan, maaaring humantong sa suicide

0 18
Avatar for ellaisamae
4 years ago

Nasa 3 milyong Pilipino ang nakakaranas ng "depressive disorder", ayon sa pag-aaral ng World Health Organization at sa impormasyong nakalap ng ABS-CBN Investigative and Research Group.

Kaugnay nito, nagbabala ang mga espesyalista na hindi biro ang depresyon dahil maaari itong humantong sa suicide o pagpapakamatay kapag hindi naagapan.

Mahigit 2,000 kaso na ng suicide ang naitala ng WHO sa bansa noong 2012.

Sa buong mundo, ang suicide ang naitatalang pangalawa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga nasa edad 15-29. 

Sintomas ng depresyon

Ayon sa espesyalista, importanteng malaman ang sintomas ng depresyon lalo't posibleng maapektuhan ang mga kaanak ng mayroong ganitong kondisiyon.

Paliwanag ng mental health advocate na si Dr. Gia Sison, ilan sa sintomas ng depresyon ay matagal na pagiging malungkot, iritable, at pagiging balisa.

Pero nilinaw niyang magkaiba ang depresyon sa pagiging malungkot lamang. 

Ayon pa sa Department of Health (DOH), maraming dahilan ang pagkakaroon ng depresyon tulad ng stress sa araw-araw na pinagdaraanan, problema sa relasyon, pera, trabaho, at marami pang iba. 

'Stigma' sa depresyon

Umaasa naman ang mental health advocates na maging "normal na usapin" na lang ang depresyon at hindi lang magtatapos sa pagdiriwang ng World Mental Health Day ang usapin tungkol sa mental health.

Iginiit din nilang panahon na para pag-ukulan ng higit na atensiyon ang usapin ng mental health para mabawasan o maalis na ang stigma o panghuhusga sa mga dumaranas ng depresyon.

Ilang personalities din ang nag-post at nagsulong ng mental health awareness sa social media gaya ni Miss International 2016 Kylie Verzosa.

Pero kahit anila marami ang nagsasalita tungkol dito, hindi naman ito madalas napag-uusapan dahil sa takot sa stigma.

Paliwanag ni Dr. Katrina Tan ng National Center for Mental Health, kapag nababanggit na ang "psychiatry" ay natatakot na agad ang mga tao.

Kakulangan ng mental health facilities

Isa pang problema ang kakulangan sa pasilidad at mga espesyalista sa bansa para matugunan ang pangangailangan ng mga nakakaranas ng mental health disorders.

Ayon sa pag-aaral, dalawang mental health workers lamang ang nakalaan sa kada 100,000 populasyon sa bansa.

Pitong porsyento lang din ng kabuuang bilang ng mga ospital sa Pilipinas ang may psychiatric ward o unit.

Kaya para sa mga mental health advocates, mainam na magkaroon ng mental health hour o day, o kaya naman ay mga mental health mission na makakatulong sa pagpapalawak ng impormasyon tungkol sa mental health at buwagin ang maling mga haka-haka at stigmang dulot ng mental health disorders.

Mahalaga rin anila na maisabatas ang 'Mental Health Bill' para matugunan ang basic mental health services sa mga komunidad sa buong bansa.

Pag-iwas sa depresyon

Nagbigay din ng ilang payo ang DOH para maiwasan ang depresyon tulad ng pag-eehersisyo o pagpunta sa gym.

Nakakatulong kasi ang ehersisyo dahil nailalabas ng katawan ang mga endorphins o tinatawag na "joy hormones" na nakakatanggal sa stress.

Makatutulong rin sa mga nakakaranas ng depresyon ang pakikipag-usap sa ibang tao, pagkakaroon ng “break”o recreational activities, pagkakaroon ng healthy at positive lifestyle, at pagkakaroon ng support group mula sa mga kaibigan at kapamilya.

  


3
$ 0.00
Avatar for ellaisamae
4 years ago

Comments