Nagtutuos ang aking isipan sa mga kabi-kabilang balita, impormasyon, kwento, at mga pangyayari magmula nang ibalita ng Tsina ang isang virus na nagpapahirap at kumikitil sa buhay ng mga tao. Pinaghalong takot at pag-aalinlangan ang aking naramdaman para sa aking sarili at sa aking pamilya. Hindi ko maiguhit sa aking imahinasyon ang kahihinatnan ng ating bansa kung sakaling kumalat ang sakit dito, subalit ito ay nangyari, at kinailangan kong tanggapin ang naging kapalaran ng aking mga kababayan kahit ito ay napakahirap lalo na kung nagkaroon tayo ng pagkakataong ito’y maagapan.
Simula nang maibalita ang sitwasyon sa Wuhan, China noong Enero, 2020 tungkol sa nakamamatay na virus, hindi na ito nawala pa sa aking isipan. Sinubukan kong magsaliksik at magbasa upang malaman ko kung saan ito nagmula, gaano ito kalubha, anu-ano ang mga simtomas nito, paano ito nakakahawa, at iba pang mga impormasyon na maaari akong maipagsabi sa iba at maisabuhay upang maprotektahan ang aking sarili at mga taong malapit sa akin.
Lubos ang aking pangamba dahil sa loob ng buwan ng Enero at Pebrero ay walang naging aksyon at konkretong plano ang ating pamahalaan ukol sa sakit kahit pa ang ating mga karatig bansa ay nagpapatupad na ng travel ban at iba pa. Masasabi kong ang problema ay hindi nila agad sineryoso at binigyan ng karampatang pansin kahit pa napakarami nang naibabalitang naaapektuhan at namamatay. Nakita ko pa sa balita na dagsa ang pagpaso ng mga tsino sa ating bansa nang lumaganap na ang outbreak sa kanilang bansa.
Sa mga unang kinakitaan ng simtomas, umaasa pa tayo sa ibang bansa upang kumpirmahin kung ang mga pasyente ay positibo o hindi. Sa bawat araw, inaabangan ko ang bilang ng kasong naidaragdag, mga namatay dahil sa sakit at lubos ang aking pasasalamat sa pagkakarekober ng ilan. Nakakabahala rin ang bilang ng mga healthworkers na naaapektuhan sa COVID-19 at marami ring namatay sa kabila ng pakikipaglaban sa sakit.
Maliban sa katotohanang napakabigat na suliraning pangkalusugan ang virus na ito na kayang apektuhan ang mga mamamayan, ekonomiya, at ng buong bansa, binabaha pa ng mga masasakit at nakakagalit na kwento na aking naririnig, napapanood, at nababasa sa balita at sa internet. Napakaraming na-istranded at kinailangang maglakad pauwi sa kanilang mga probinsya, napakaraming mga walang masakyan na frontliners na kinailangang maglakad papunta sa bahay-pagamutan, at napakaraming mga maysakit na hindi tinatanggap sa mga ospital. Ilan lamang ito sa mga pagkakataong sana ay mayroon akong maitulong subalit ako’y walang magawa kundi ang manalangin para sa kanilang kaligtasan.
Namuo na rin ang pagkasuklam ng ilan sa ating kapulisan dahil sa mga naibabalitang pagiging marahas nila sa mga mamamayan, mayroong mga kontra sa administrasyon, lahat ay may kanya-kanyang ipinaglalaban. Naiintindihan ko ang hinaing ng mga tao subalit hindi ko maiwasang manlumo dahil ngayon dapat natin ipinapakita ang isang mahalagang pag-uugali ng mga Pilipino – ang pagkikipagbayanihan.
Bilang isang mag-aaral at ordinaryong mamamayan, pilit kong ginagawa ang kaunti subalit makabuluhang tungkulin ko sa ating bayan – ang hindi dumagdag sa problema at hindi makapagpahamak ng iba. Pinipilit kong maging matatag para sa aking sarili at para sa lahat at mas lalo ko ring pinapaigting ang pananampalataya ko sa Panginoon na siyang makapagpapalaya mula sa hirap na dala ng sakit na COVID-19.
Masakit sa aking pakiramdam na malabo nang babalik pa tayo sa alam nating normal na pamumuhay bago dumating ang unos na ito dahil kailangan talaga nating isakripisyo ang ibang mahahalagang bagay upang makaligtas sa mas matinding pagsubok na dala ng pandemyang umaapekto sa ating mundo. Minsan ay ninanais kong magkaroon ng kakayahan upang pantayan ang mga hirap at sakripisyo ng mga frontliners at backliners o ‘di kaya’y bawasan man lang ang sakit na nararamdaman ng mga maysakit. Nais kong may maitulong din ako kung kaya’t nagsisilbi itong inspirasyon sa akin dahil kung hindi man ngayon, balang araw ay ako rin ang magtatrabaho at magsasakripisyo para sa aking pamilya at sa bayan.
Noong una’y malungkot ako dahil madami sa aking mga plano ang hindi naisakatuparan, naaapektuhan ang daloy ng aking pag-aaral, at hindi dumadaloy ang maliit na negosyo ng aking nanay pero sa ngayon, wala nang hihigit pa sa saya na aking mararamdaman kung mawawala na ang virus na ito. Nasagi na rin sa aking isipan habang tinitignan ko ang aking nakababatang kapatid na sana’y ako ay bata na lang muli at walang muwang sa mundo.
Sa panahong ito na nagiging komplikado ang lahat, naging mas malakas ang aking pandinig sa boses ng mga taong natatakot humingi ng tulong at sa mga taong walang pag-asang mapakinggan, naging mas matalas ang aking paningin sa kung sino at ano ang dapat kong paniwalaan at pagtuunan ng pansin, at naging bukas ang aking isipan sa katotohanan, kritisismo, at pananaw ng ibang tao.