Oras na.
Oras na para kalimutan ka,
Oras na para tanggapin na ang lahat sa atin ay nagbago na.
Oras na para talikuran ang nakaraan at harapin ang hinaharap ng mag-isa.
Mahal pa rin kita, pero oras na para bitawan ka.
Di ko alam kung nagbiro lang ang tadhana nung tayo’y nagkakilala,
Dahil tila mga pangyayari’y parang ulan na ayaw tumila.
Sa piling mo’y ayaw kong mawalay,
Sa mga bisig mo’y palaging humihimlay,
Sa mata mo nakita ko ang habang buhay,
At sa pagtanda ko’y walang ibang hahawakan kundi iyong mga kamay.
Ngunit parang tadhana ay natapos ng magbiro,
Kaya lahat ng bagay ngayo’y nakakatuliro.
Sa piling mo’y lagi ng umiiyak,
Sa mga bisig mo’y init ng pag-ibig ay di na tiyak.
Sa mga mata mo’y lumamig na ang dating nagbabaga at sa habang buhay ngayo’y tila di ka na makakasama
Kaya siguro nga oras na.
Oras na para maglakad ng papalayo,
Oras na para limutin lahat ng pangako.
Oras na para ang isa’t-isa palayain,
Oras na para itigil na ang damdamin.
Oo mahal pa rin kita pero oras na para iwan ka.