ILAW

0 6
Avatar for cheann2020
4 years ago

Kamusta ka?

Masaya ka ba?

Kamusta siya?

Masaya ka ba sakanya?

Mga tanong na ayaw lumisan sa aking isipan buhat ng aking nalaman na ikaw ay mayroon ng kasintahan.

May bago ka na pala.

Pero tila napaisip ako at nalito,

Di ba nung nagpaalam ka sabi mo hindi ka pa handa sa kung anong meron tayo?

Sabi mo parang ang bilis ng mga pangyayari at damdamin mo’y tila ‘di mo mawari.

Kaya ang sakit-sakit dahil napagtanto ‘ko handa ka, handang-handa ka, para sakanya at hindi sa akin.

Samantalang ako sigurado, siguradong-sigurado ako sayo kasi sabi mo ako ang sagot sa iyong dalangin.

Ilang buwan na ang lumipas pero hapdi ng iyong pagkawala ay nanatiling sariwa,

Na sa tuwing ika’y naaalala luha ay tila ulan na hindi humuhupa.

Tinanong kita kung sigurado ka sagot mo’y oo, kaya nang sinabi mong ako’y mahal na mahal mo nagiba ang dingding na aking binuo.

At hinayaang mahalin ka ng tatlong taong binuo kong pagkatao pagkatapos akong madurog ng nakaraan ko.

Kaya paano mo nagawang papaniwalain akong ako’y mahal mo at lahat ay gagawin mo.

Paano mong nagawang iwan at hayaang nakalutang ako.

Ano ba ang kulang sa akin at nagawa mo akong lisanin?

Ano ba ang sobra sa akin na tila ika’y biglang nagsawa?

Anong dapat kong gawin bakit kahit ilang beses ko ng sinubukang humakbang tila mga paa ko’y pabalik sayo ang daang alam.

Na kahit anong gawin ko, naumpisahang pagmamahal ko sayo’y hindi ko alam kung paano wakasan.

Sana sinabi mong nagbibiro ka lang nung sinabi mong ako’y iyong mahal.

Sana nalaman kong panandalian lang yung sinasabi mong walang hanggan.

Ngayon alam ko na kaya pala ang dali para sayo ang bumitaw kasi may kinakapitan ka ng iba.

Kaya kung sakaling magsawa ka sakanya at damdamin mo’y muli na namang mag-iba pakiusap lang ‘wag mo siyang iwan basta-basta at ipagpalit sa iba.

Dahil hindi ganoon kadali ang maiwan at ang ipagpalit ng basta-basta.

Huwag mong iparamdam sakanya yung lungkot na nararamdaman ko hanggang ngayon.

Huwag mong hayaang maramdaman niyang wala siyang kwenta tulad ng nararamdaman ko hanggang ngayon.

Pakiusap lang, dahil nakakalunod ang lungkot nang maiwang mag-isa.

3
$ 0.00
Avatar for cheann2020
4 years ago

Comments