Halaga

0 8
Avatar for cheann2020
4 years ago

Balot ang gabi ng katahimikan,

Tunog na nagmumula sa kuliglig ay hindi rin maulinigan,

Binalot ng malamig na hampas ng hangin ang pakiramdam;

Ito ang umpisa– at ang huling paglaban.

Ngiti–

Takpan ang bawat na paghikbi!

Sige tawa—

Ipakita ang pekeng saya!

Sinubok ng mundo,

Iba't-ibang hamon ang sa akin ay ibinato,

Sinalo–

Ngunit sa pagbagsak ay mayroon nga bang sa akin ay sasalo?

Ramdam ko na naman ang pagbalot sa akin ng kalungkutan,

Dinadalaw na naman at kinakatok na muling buksan ang nakaraang nagdaan,

Muling pinaaalala ang pakiramdam ng ilang beses na pagkaiwan,

Muling isinasampal ang aking mga naging kahinaan.

Ilang gabi ko na ring hinaharap ang personal kong laban,

Digmaang hindi sigurado kung hanggang kailan mapagtatagumpayang labanan,

Iniipit ako sa pagitan ng pagtuloy at pagsuko,

Ito ang hamon na pilit ibinabato sa akin ng mundo.

Lilitaw na muli si haring araw,

Ngunit hanggang ngayon ay nasa malayo pa rin ang tanaw,

Ultimo ang pagtulog ay akin na yatang nakaligtaan;

Tuluyan ng iniwan ni kaibigang kasiyahan.

Ang luha at hikbi na ang laging kasama kinagabihan,

Binibingi ng mga negatibong bagay na ibinubulong sa aki'y ang pagtigil sa nasimulang laban.

Habang ang mga tao'y maginhawang nahihimbing sa kani-kanilang tahanan,

May isang ako, na pilit na nakididigma sa tawag ni kamatayan.

Ito ang simula,

Kung paano ako natutong makidigma,

Kung paano ako natutong itago sa ngiti ang mugtong mga mata,

Kung saan nagsimula ang paghahanap ko ng aking halaga.

Ito ang simula,

Dito ako natutong ipakita sa iba na ako'y masaya,

Dito ko natutunang mag-isang iiyak ang sakit na nadarama,

Dito ko natutunang magkunwaring matibay kahit ang totoo'y sobrang sakit na.

Ito ang simula–

Ngunit heto na rin marahil ang magiging huling mga salita,

Huling paglaban;

Huling pakikidigma sa tawag ni kalungkutan.

Malapit na akong magpaalam sa naging matalik kong kaibigan nitong mga araw na nagdaan,

Malapit ko nang tanggalin sa sistema ko ang ibinalot sa akin na kalungkutan,

Dahil heto na ang huli;

Ang huling pagpapakita ng mga pekeng ngiti.

Dahil sa wakas,

Heto na ang hinihintay kong pagwawakas,

Ito ang magiging simula ng tuluyang pagkamit sa hinihiling na tunay na katahimikan ng isipan,

Dahil heto na ang huling kong paglaban..

Hindi na ako muling gagambalain ng tawag ni kamatayan,

Dahil nagtagumpay na siyang kunin ang aking kalooban,

Ayoko man, ngunit mahirap makidigma kapag mag-isa ka lamang,

Pinilit kong humingi ng saklolo ngunit walang nakaramdam.

Pinilit kong magpatuloy para sa iba,

Ngunit ang nakikita ko'y hindi rin naman ako mahalaga sa kanila,

Pinilit kong iparamdam sa kanila na may iba,

Ngunit hindi nila napansin ang lungkot at pagod na bumabalot sa aking mga mata.

Sinubukan kong iabot ang aking mga kamay para magpahila sa saya,

Ngunit wala man lang umabot bagkus tila ba itinutulak pa nila,

Imbis na iahon ay tila ba sinaksak pa sa bawat nilang salita,

Kaya ako na mismo ang tumigil na iabot ang aking mga kamay sa kanila.

Pagod na ako,

Pagod ng lumuha, Pagod ng makidigma,

Pagod ng magpatuloy, Pagod ng lumaban,

Siguro'y hanggang dito na lang talaga ang aking makakayanan.

Ito ang simula ngunit heto na rin marahil ang dulo,

Dahil hanggang dito na lamang ang paglaban na kaya ko.

Marahil dito ay tuluyan na akong makaiiwas sa talim ng salita at sakit na dulot ng mundo,

Matatapos na dito ang ilang gabi kong paglaban na 'wag sumuko.

Dahil siguro, kapag nasa loob na ako ng isang puting kahon–

Doon lamang lalabas ang halaga na matagal kong hinahanap magmula pa noon.

1
$ 0.00
Avatar for cheann2020
4 years ago

Comments