Ako

0 6
Avatar for cheann2020
4 years ago

Ika dalawampu ng ika-siyam na buwan taong dalawang libo at labing anim.

Heto ako sumulat ng panibagong tula tungkol sa pag-ibig kong lihim.

Sa ilalim ng malawak na kalawakan,

Sa ibabaw ng mundong puno ng kapahamakan,

Sa loob ng kulungang aking kinasasadlakan,

Heto ako lihim na nasasaktan.

Nasasaktan dahil sa pag-ibig,

Pag-ibig na di nagawang mamutawi sa aking bibig.

Sinubukang makipag-giyera, sa giyera ng pag-ibig kung saan ako'y laging sugatan, laging pinaglalaruan, laging tinatalikuran, laging tinatakbuhan, laging kinalilimutan.

Ano bang problema sa akin? Bakit hindi man lang kita nagawang panatilihin.

Ano bang kulang sa akin? Bakit kwento nati'y di natapos at nanatiling bitin.

Ika dalawampu ng ika-siyam na buwan taong dalawang libo at labing anim.

Di ko na alam ang gagawin, sakit ay kayhirap pawiin.

Sa lahat ng tao bakit ako pa? Sa lahat ng tao bakit ikaw pa?

Ikaw na nagdudulot ng mga luha ang sya ring nagdudulot ng tuwa.

Ikaw na pinagmumulan ng mga tula, ikaw na sandaling ayokong mawala.

Ikaw pa rin ang mahal kahit masakit na.

Ikaw pa rin ang mahal kahit may iba na.

Ikaw pa rin ang mahal kahit alam kong wala ng pag-asa.

Madalas kong tanong kay Bathala, bakit kailangan pang ikaw ay makilala.

Bakit hinayaang masimulan ang kwento ng masaya at kapain ang dulong di ko na makita.

Ang hirap kalaban ang mahal ng taong mahal mo, dahil kahit baligtarin ko pa ang mga katagang ito hindi ito magiging ako.

Ako na nagmamahal hanggang ngayon,

Ako na umaasa hanggang ngayon

Ako na hindi makaahon sa ating kahapon,

Ako na nangangarap maging iyo habang panahon.

Ika dalawampu ng ika-siyam na buwan taong dalawang libo at labing anim.

Mali nga bang mahalin ka pa?

Mali nga bang sundan ka pa?

Mali nga bang hintayin kita?

Mali nga bang hilingin kita?

Kailan nga ba naging mali ang piliing maging masaya?

Dahil kahit anong pilit na pag hindi ng isip ko ay syang lakas ng pagsigaw ng puso ko.

Kailan ba magwawakas?

Pilitin ko mang pumiglas,

Mahal ikaw pa rin ang lakas.

Ikaw pa rin ang pinapangarap kong bukas.

Tanga kung tawagin kami.

Martyr kung ituring kami.

Oo tanga ako. Oo martyr ako.

Lahat tatanggapin ko wag lang ang mga katagang hindi ako na nakalaan sayo.

Kaya sabihin mo paano ko haharapin ang kinabukasan kung ikaw ang paborito kong nakaraan.

Paano ka nga ba lilimutin?

Paano ka nga ba iiwan?

Paano ka nga ba pababayaan?

Paano ako lalaya?

Palayain mo na ako.

Palayain mo ako sa rehas mo na nilikha ng puso't isip ko.

Tanggalin mo na ang mga kadenang ito.

Hayaan mo na akong tumakbong papalayo.

Palayain mo na ako.

Ika dalawampu ng ika-siyam na buwan taong dalawang libo at labing anim.

Ang sakit sakit na!

Pwede bang ako naman?

Ako naman yung mahalin,

Ako naman yung alagaan,

Ako naman yung alalahanin,

Ako naman yung pipiliin,

Ako naman yung di iiyak,

Ako naman ang pahalagahan,

Ako naman yung sasaya.

Ako naman. Ako naman. Pwede bang ako naman.

Ako naman.

Ako naman yung hindi iiwanan.

Maramdaman ko man lang na di ako mahirap mahalin.

Maramdaman ko man lang na ako'y may halaga rin.

Ako naman!

Ika dalawampu ng ika-syam na buwan taong dalawang libo at labing anim.

Sana magwakas na.

Ayoko ng gumawa ng tula.

Tula na kailanma'y di mo malalaman.

Dahil ikaw at ako o "Tayo" ang yung sandaling kailanma'y di maisasakatuparan.

1
$ 0.00
Avatar for cheann2020
4 years ago

Comments