Naranasan mo na ba ang maikumpara? Hindi man sa ibang tao, pero sa pagkukumpara ng noon at ngayon. Marahil marami sa mga kabataan ang madalas na nakakarinig ng mga katagang "hindi naman kami ganyan noon", "ewan ko ba sa mga kabataan ngayon", at iba pang mga pagkukumpara mula sa mga nakakatanda. Hindi kayo nag-iisa, marami tayo at darami pa.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang pagkakaroon ng modernisasyon, ng pagbabago, at hindi ito mapipigilan kahit ng mga mula pa sa mga sinaunang henerasyon. Hindi madali ang daang tinahak ng pagbabagong ito. Maraming proseso. Ngunit, bakit nga mas kapansin-pansin ang pagbabago sa mga asal ng kabataan? Ito ay dahil sa paniniwala na kabataan ang magiging pag-asa ng bayan. Magiging pag-asa pa nga ba? Hindi lalahatin, ngunit sa panahon ngayon ay palala ng palala ang mga klase ng kapusukan na napapasukan ng mga kabataan. Sa murang edad ay na-expose na sa iba't-ibang social media platforms. Nakakatakot ang paglaganap ng mga iskandalo at krimen na kabataan ang mga nasasangkot. Dito na pumapasok ang pagkukumpara sa kung paano nga ba ang mga kabataan noon at ngayon.
Ayon sa kwento ng aking mga magulang, malaki raw ang pagbabago sa asal ng mga kabataan. Noon ay may takot at respeto ang mga kabataan sa mga nakakatanda na ngayon ay tila unti-unti nang naaalis sa mga kabataan. Marami na ang nagiging suwail at natututong lumaban at magtaas sa mga magulang. Dati rin daw ay hindi ganoon kalawak ang epekto ng social media. Hindi roon naka-focus ang kanilang kabataan, kundi sa pagpapasaya sa kanilang sarili kasama ang mga kaibigan at hindi ang pakikipag-usap lamang mula sa gadgets. Hindi maiaalis ang pagkukumpara sa mga kabataan noon at ngayon ang usapin sa panliligaw. Noon ay pormal at disente ang pagtatanong ng panliligaw sa mga kababaihan, hindi katulad ngayon na nadadaan na ang panliligaw sa cellphone. Marami pang ibang bagay at sitwasyon na ikinukumpara sa mga kabataan noon at ngayon. Hindi ko na iisa-isahin pa, dahil marahil ay madalas din kayong makarinig mga katulad nito.
Siguro ay isa ka rin sa mga nakakarinig ng mga pagkukumpara sa mga kabataan noon at ngayon. Maaari mong ibahagi ang iyong opinyon o dagdagan ang mga nabanggit sa artikulong ito.
Isinulat Ni: @charmingcherry08
——————————
This article has no English version nor translated in English. It is submitted to a community of Filipino Readers.
——————————
Wow ang galing
Pro mas masarap yta ang buhay ng kabataan noon,malayo sa anumang nakakasakit ng damdamin nila,simpleng bagay lng masaya na unlike ngaun,anjan n halos lht dpa makuntento,parang laging may kulang